top of page

BILIS, BAGAL

  • Writer: Antonio Contreras
    Antonio Contreras
  • Jan 17, 2024
  • 7 min read


Nakatulala si Karding.  Hindi na niya alam kung gaano na niya katagal pinagmamasdan ang tasa ng kape na nasa kanyang harapan.  Ginulantang na lang siya sa pagtatalak ng kanyang asawang si Metrang.

 

“Aba Karding! Baka naman kapag ininom mo na ang kape mo ay lasang orange juice na yan sa lamig.  Sosyal ka ha!”

 

Kaya siguro mahal na mahal niya si Metrang dahil sa kakaiba nitong sense of humor.  Naalala pa niya nung itinanan niya ito na ang buhok ay puno pa ng rollers na pangkulot.  Aba e kung hindi nila mamadaliin ay baka maabutan pa sila ng ama nito, sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa, na si Mang Domeng na matador sa palengke, at baka siya pa ang tadtarin nito.  Kaya kahit hindi pa tapos kulutin ang buhok ng nobya noon at asawa na ngayon, ay hinila na niya ito palabas sa parlor ni Alona.  Hanggang ngayon, hindi pa nalilimutan ng baklang matanda ang kanilang utang sampung taon na ang nakakaraan na isang-daang piso sa pagkulot na hindi naman natapos.  Discounted na nga daw yun, dahil ang tunay na presyo ay dalawang-daan.

 

Kaya ayun sila nagtatatakbo sa kalye, hila-hila si Metrang na naka-rollers pa.  Komedyang-komedya ang dating nila. Parang hango sa pelikula ni Kathniel,

 

“Ano ba kasi ang iniisip mo at tulala ka diyan? May chicks ka na naman ano?,” hirit ni Metrang. “Kunsumisyon ka ha.  Pareho kayo ng mga anak mo.  Nakukulot ang buhok ko sa inyo eh.”


Medyo losyang na si Metrang sa halos taun-taong pagbubuntis. Pero litaw pa rin ang angking kagandahan.

 

“Anong chicks? Ano pang oras ang meron ako para mang-chicks,” ang sagot niya.

 

Tama nga naman si Karding.  Kape na lamang ang kanyang kaulayaw, maliban sa mga pambubuska at pagbubunganga ng asawa.  Siya ang taong nakasanayan na ang matulog lang ng isang oras bawat araw, at ang nagsisilbing panggising niya ay ang kape at ang asawa.

 

Hindi niya masabi sa kanyang asawa na ang malalim niyang iniisip ngayon ay ang nangyari sa trabaho niya kaninang mag-uumaga bago siya umuwi nang bahay.  Driver kasi siya ng ambulansya sa Nuestra Senyora del Carmen Hospital at lagi siyang night shift. Bukod sa mas mataas ang sweldo, mas napapabilis niya ang pagdadrive para magsundo ng pasyente at maghatid sa ospital.

 

Kaninang umaga, ang pasyenteng pinick-up niya ay nakatira sa isang subdibisyon ng mayayaman sa Ayala Alabang.  Atake sa puso ang kaso at isang matandang lalaki ang kanyang pasyente.  Hindi nya makakalimutan ang eksena sa loob ng ambulansya habang matulin niya itong dinadrive sa kahabaan ng EDSA.  Ang buong akala kasi ng mga nasa likod ay hindi niya naririnig ang usapan dahil may pagitan.  Pero dinig na dinig niya ang usapan ng dalawang sumama sa likod, isang private nurse na lalaki at ang batang-batang asawa nang inatake sa puso.

 

“Matutuluyan na ba yan, ha? Siniguro mo ba?,” ang tanong ng babae.

 

“Walang duda.  Tinaasan ko na ang dose ng iniksyon,” ang sagot ng lalaki.

 

“Mabuti naman,” sabi ng babae.

 

At ang mga sunod na usapan ay nagpamulagat sa mata ni Karding na noon ay nakakaramdam ng antok pero kailangan niyang labanan. Wala siyang balak mag-Marites, pero hindi talaga niya maiwasang hindi marinig ang usapan ng dalawang tao sa likod kasama ang ngayon ay walang malay na pasyente. At siya ay nawalan ng antok sa mga narinig.

 

“Malapit ka nang lumaya, Janet,” sabi ng lalaki sa asawa ng pasyente.

 

“Kay tagal ko itong hinintay, Jake.  At ngayon, malaya na tayong dalawa,” ang sagot ng babaeng ang panglan pala ay Janet.

 

“Ang kailangan na lang ay hindi tayo mahalata at mabuko.  Kaunting panahon na lang ang hihintayin natin.  Palipasin muna natin ang isang taon. At pag naging ganap na ang paglipat sa pangalan ko ng lahat ng ari-arian ni Manuel, wala nang makakapigil sa atin. Wala siyang anak.  Patay na lahat kapatid niya.  Ako lang ang solong tagapag-mana,” ang sabi pa ni Janet.

 

“Alam mo bang gusto ko siyang tuluyan noon pa man kapag nakikita kitang nilalambing mo siya?,” sagot ni Jake.

 

“Matatapos na rin yan.  Ipapacremate ko agad ang bangkay para hindi makita ang bakas ng lasong itinurok mo.  At nakausap ko na si Atty.  Ang nagagawa nga naman ng pera.  At kaunting hagod sa hita at leeg,” ang patawang sabi ni Janet.

 

“Isa pa yang abugadong manyakis na yan!  Siya ang isusunod ko, makita niya!,” ang sagot ni Jake.

 

Hindi naiwasan ni Karding na mapailing.  Halatang sa excitement ng magkalaguyo ay hindi na nila iginalang ang pinindehong asawa, na sa mga panahong iyun ay buhay pa siguro kahit walang malay.  At ang higit na nakakamangha ay tila wala silang takot, o hindi man lang pumasok sa isipan na baka marinig niya ang usapan.  Sabagay, madali namang balewalain, lalo na ng mga mayayaman, at lalo pa ng mga nababaliw sa pagmamahalan, kahit bawal, ang isang driver ng ambulansya.  Isa lamang siyang walang kwentang bahagi ng kwento, at walang papel na ginagampanan, kahit na nga siya ay isa nang piping saksi hindi lamang sa isa kundi sa dalawang krimen – ang adultery, at ang attempted murder.  At kung matuluyan ang pasyente, e magiging murder pa.

 

“Mapapalitan ko na rin ang apelyido ko at matatapos na ang pagdala ko sa mabahong apelyido ni Manuel.  Hindi na ako si Janet Olit-oquit! Hay, ang sarap ng pakiramdam! Olit-oquit! Mayaman nga, ang baho naman ng apelyido!,” ang bulalas ng asawang babae ng pasyente.

 

“At magiging Mrs. Jake Valdez ka na.  Mrs. Janet Valdez.  Sa tunog na lang, talagang yayamanin na!,’ ang hirit ng lalaking nurse.

 

Sa wakas nakarating din ang ambulansya sa ospital, at nang ibinababa ang pasyente, nakita niya sa sulok ng mata niya ang magkalaguyo na patay-malisyang naglalakad kasunod ng mga hospital attendant at iba pang emergency nurses na tulak-tulak ang kamang de-gulong na kinalalgyan ng pasyenteng hanggang noon ay walang malay.  Maganda nga at batang-bata si Janet, at magandang lalaki at matipuno si Jake. Ang nagagawa nga naman ng pera, at kabaliwan sa pagmamahal.  Ginagawang demonyo ang mga magagandang tao.

 

Alas-kwatro na ng umaga. Tapos na ang duty niya at iginarahe na niya ang kanyang ambulansya sa parking ng ospital.  Sumakay siya sa kanyang motorsiklo at nakarating sa bahay nang mag-aalas kwatro y-medya.  May isang oras at kalahati pa siya para matulog.  May bonus na kalahating oras sa nakasanayan niyang isa lang.

 

Pero wala pang alas singko ay binulabog na siya ng tawag ni Kulas.

 

Si Kulas ay kasamahan niya sa isa pa niyang pinagtatrabahuhan  Siya ang dispatcher ng Sleep Well in Heaven Mortuary and Funeral Services, na kung saan isa siya sa mga drivers.

 

Sya nga si Karding Montemayor. Kapag gabi ay driver ng ambulansya.  At kapag araw ay driver naman ng punerarya.

 

“Karding, kailangan mong agahan kasi may susunduin kang bangkay sa Ospital at dadalhin sa crematorium,” ang sabi ni Kulas.  “Dalian mo at mayamang costumer natin ito.  Manuel Oli-oquit daw ang pangalan ng patay.  Atake sa puso.  DOA. Sa Nuestra Senyora Del Carmen daw.”

 

At dito pinagpawisan nang malamig si Karding.  

 

“Wala bang ibang driver?,” tanong niya kay Kulas.

 

“Wala eh.  Si Agapito ay may sakit.  Si Baldo ay nabalian nang kamay nung jinombag niya ang kabit ng asawa.  Si Kune ay nagbabakasyon sa Boracay kasama ang buong pamilya at ang anak na balikbayang OFW.  At yung karong minamaneho ni Baste ay sira, kaya leave siya.  Ikaw lang ang available ngayon.”

 

Isang tao lang ang nakakaalam ng pagiging driver niya ng punerarrya maliban kay Metrang, na noong una ay natatawa, kaya nga binansagan siya nitong “Bilis bagal,” subalit lubusan din namang sinuportahan ang asawa at lalo pang minahal, kahit nga malimit niyang asarin.  Kahit ni isa sa sampu nilang anak hindi alam ito.  Ang alam lang nila ay dalawa ang pinagdrivean niya.  Ambulansya sa gabi, at sa isang opisina sa araw.  Hindi ito alam ni Kulas o ng iba pang driver sa Sleep Well in Heaven, kahit na ng may-ari nitong si Ms. Angelica. 

 

Ang tanging nakakaalam nito ay ang isa sa pinakamatalik niyang kaibigan na nagtatrabaho sa Nuestra Senyora del Carmen Hospital, ang boss ng mga attendants na si Caloy, na kababata niya.  At ito na naman ang pagkakataon na kailangan niya ang tulong ni Caloy para hindi siya mabuking sa ospital, pag sumusundo siya ng bangkay para ihatid sa kanilang funeral parlor o sa kung saan ito ibuburol o ikicremate.

 

Tinawagan niya si Caloy, na alam na ang gagawin sa mga panahong ito.  Maasahan ang kanyang kaibigan.

 

Subalit may isa pa siyang problema.  Paano kung andun ang biyudang si Janet at ang kabit nitong private nurse na si Jake?  Ito ang malalim niyang iniisip kaya siya natulala habang pinagmamasdan ang kanyang kape sa mesa.

 

Bahala na, ang sabi niya sa sarili.  Dali-dali niyang tinapos ang kape sa mesa, at hinalikan sa pisngi, sabay kindat, si Metrang na noon ay naghihimay ng malunggay. "Oi, ligated na ako. Huwag kang magpacute diyan ha. Mamayang gabi bago ka pumasok sa isa mo pang trabaho, special ang hapunan mo. Hindi ako! Tinola!," ang pambubuska na naman nito sa kanya.


Kung dati ay nakipagharutan pa siya, ngayon ay tila hindi niya ito napansin, na ipinagtaka ni Metrang, na wala nang nagawa kundi ang sigawan siya ng "Isnaberong pangit! Bilis bagal!"


Hindi na ito narinig ni Karding. Nagmutor na siya papuntang funeral parlor at doon niya naabutan si Kulas.  Inabot ang susi sa kanyang minamanehong funeral car.

 

At habang mabagal niyang binabagtas ang daan papuntang Nuestra Senyora del Carmen, maraming bagay ang sumagi sa isipan niya.  Ang kanyang takot na mabuko ng ospital, o ng punerarya, ay laging naandyan.  Subalit alam niyang wala siyang nilalabag na batas.  Hindi krimen ang magtrabaho ng dalawa, lalo na at kailangan niya ito para buhayin ang sampu nilang anak, na lahat ay gusto nilang makatapos ng Kolehiyo, isang bagay na pinagkait sa kanila ni Metrang.  Mataas ang pangarap niya sa kanyang mga anak.

 

Hindi kasalanan ang maging driver ng ambulansya sa gabi at maging driver nang punerarya sa araw,  Kahit kailan hindi niya nakalimutan ang pinagkaiba.  Hindi siya kailanman bumagal sa pagmaneho ng ambulansya, at wala siyang natatandaang pagkakataon na bumilis ang kanyang pagmamaneho lagpas sa takdang tulin kapag araw kung saan punerarya naman ang dinadrive niya. Isa siyang propesyonal at eksperto pagdating sa bagay na ito.

 

Pero ang pumatay ng tao ay isang krimen.

 

Ito ang nasa isipan niya nang dumating siya sa ospital.  Andun na si Caloy, at ang mga inutusan nitong attendant para magbuhat ng labi ni Manuel Olit-oquit.  Sa malayong bahagi ng parking ay natanaw niya si Janet na kasama si Jake.  Hindi man lang nagpakita ng kalungkutan si Janet.  Sa halip, ang nakita niya ay pagbubunyi.  Nagbubunyi silang dalawa ni Jake.  At kitang-kita niya ang aninag nang dalawang naghahalikan habang sila ay nasa loob na ng kotse.

 

“Pare, tuloy na sa cremation yan.  Yan ang utos mismo nang namatay. May pinakitang papeles ang asawa,” sabi sa kanya ni Caloy.

 

Hindi kasalanan ang maging driver ng punerarya sa araw at ng ambulansya sa gabi.

 

Pero kasalanan ang pumatay.  Isa itong krimen.

 

At ayaw niyang maging accessory sa krimeng ito.

 

Alam na ni Karding ang gagawin.  Driver nga lang siya.  Pero sa panahong yun, siya ang panginoon ng manibela. At alam niya kung saan siya dapat pumunta para itama ang mali at pagbayarin ang mga nagkasala.  Dala niya ang katawang nilason, ang magsisilbing ebidensya. Nang-uupa sa kanyang isipan ang mga narinig niyang usapan kaninang madaling araw. 

 

Hindi siya sa punerarya nila pupunta. Yun ang napagdesisyunan niya. At isinuksok niya ang susi at pinaandar ang sasakyang magdadala sa kanya sa tamang lugar.

コメント


Tonton Contreras Creations

©2022 by Tonton Contreras Creations. Proudly created with Wix.com

bottom of page