top of page

HINDI KA KASYA

Writer's picture: Antonio ContrerasAntonio Contreras

Updated: Jan 14, 2024



I


Pinagmamasdan niya ang sarili niya sa salamin. Pilit niyang pinagkakasya ang kanyang kabuuan. Mahirap, dahil kung tatayo lang siya nang normal, ang makikita lamang ay ang kanyang mukha at ang ikatlong bahagi ng kanyang katawan sa gitna. At sa mga panahong ganito, laging parang bulong na paulit-ulit sa kanyang kamalayan, na sa pagusad ng panahon ay tila naging isang panghabangbuhay na bangungot, ang lagi niyang naririnig.


“Hindi ka kasya. Ang taba mo kasi.”


“Magpapayat ka kasi.”


Paulit-ulit. Mga pangungusap na sa kalaunan ay naging bahagi na ng kanyang buhay, na kahit hindi na sambitin ay inuunahan na niyang pakinggan kasi nasanay na siya.


Ano nga naman ang sasabihin ng mga tao sa isang babaeng ang kabuuan ay tumitimbang ng 230 kilos.


Pero sa araw na ito ay kakaiba ang nararamdaman niya. Excited siyang magbihis at maghanda. Kahapon pa tinawag niya ang kakontrata niyang Grab driver para dalhin siya sa estasyon ng telebisyon. Matagal na niyang suki si Efren. Siya lamang ang bukod tanging Grab driver na hindi tumatangging isakay siya. Yung iba makita lang ang laki niya ay umaatras dahil bukod sa hirap daw siyang magkasya sa loob ng sasakyan, ay natatakot silang maputukan ng goma.


II


Sa totoo lang, nangyari na talaga ito minsan kay Efren nang sila ay papuntang ospital para sa regular check-up niya sa espesyalista niya. Kasagsagan pa naman ng traffic sa EDSA. At nang makakuha na sana ng buwelo si Efren ay bigla na lang silang nakarinig nang malakas na putok. Kaboom! At pakatapos noon ay nagpagewang-gewang na ang sasakyan. Buti na lang naitabi agad ni Efren.


Hindi niya malilimutan ang naging kasunod na kaganapan nang pagkaguluhan sila sa may bandang Cubao. Hindi niya kailanman malilimutan ang mga komentaryo ng mga miron.


“Kaya naman pala nasabugan ng gulong eh. Ang taba-taba ng sakay.”


“Grabe! Paano nagkasya yan diyan?”


Ipinagtanggol naman siya ni Efren. Ang totoo naman talaga, ang gulong sa unahan ang sumabog at hindi yung sa likod na kung saan andun siya nakaupo. Pero sa mata ng mga mapanghusgang tao, siya ang dahilan kung bakit hindi na kinaya ng gulong ang bigat at bumigay na. At umarya pa ang mekanikong kinaon ni Efren. Ayaw pumayag na hindi siya bababa ng sasakyan bago niya palitan ang gulong. Humingi ng pasensya sa kanya si Efren at pinakiusapan siyang lumabas muna habang tinatrabaho ang sasakyan at pinapalitan ang sumabog na gulong.


At doon lalong hindi magkamayaw ang mga miron. Pinagpiyestahan ang tanawin kung paano siya hirap na lumabas sa pintuan ng Toyota Innova. Pakiramdam niya ay para siyang isang matigas na taeng lumalabas sa masikip na butas ng puwit habang pinapanood siya at pinagtatawanan.


Akala niya tapos na ang paghihirap at kahihiyan niya. Hindi pa pala. May napadaang crew ng isang TV channel ng isang morning show at nakita na pinagkakaguluhan siya. Hindi niya akalain na gagawin siyang isang live at developing story.


“Isang kotse sa EDSA, naputukan ng gulong dahil sa matabang sakay nito!” Ang ipinagsigawang ratsada ng news anchor sa studio.


Pilit itinutok sa kanya ang camera, at ang mikropono, at tinanong pa siya ng reporter kung ano ang nararamdaman niya.


Gusto na niyang maglaho nang mga sandalling iyon. Tinanong niya ang kanyang sarili. Bakit kailangang itanong pa kung ano ang nararamdaman niya. Anong meron o wala sa budhi ng mga taong ito at kailangan pang isapubliko niya ang kanyang nararamdaman? Hindi pa ba sapat na kinunan nila nang walang pahintulot ang kanyang katabaan at gawin itong katatawanan, at kailangan pa nilang siya mismo ang magkumpirma sa nararamdaman niyang kahihiyan? Ano pa ang gusto nila, ang mapatunayang siya ay tao na marunong magsalita, na nahihiya at nasasaktan?


Nasanay na kasi ang publiko na ginagawang katatawanan ang mga matatabang taong katulad niya. Na ang akala lahat ng mataba ay komedyante, at makikitawa kahit na dinudusta at inaaglahi.


Kultura. Kultura ang dahilan kung bakit ang mga taong tulad niya ay ginawang obheto ng komedya. At kultura na rin siguro ang may malaking bahagi kung bakit nagkaganito siya.


Maliit pa siya, ang alam niya na ay bilugan na siya. Nasa lahi talaga nila ang matataba. Mataba ang nanay at tatay niya. Matataba din ang mga lolo at lola niya sa magkabilang panig, pati na ang mga tito, tita mga pinsan niya. Tabain talaga sila,


Subalit wala sa kanilang humigit sa kaniyang katabaan. Kung sa boxing, sila ay mga light weight sa kategoryang matataba. Samantalang siya ay super-mega na siguro.


Hindi niya mapigiling sisihin na rin ang kanyang mga magulang at kamag-anak, na sa halip na maaga siyang pinag-diet, ay tuwang-tuwa pa sa bilugang katawan niya. Ganyan naman talaga ang mga Pinoy. Ang tingin sa payat na bata ay patpatin at hindi malusog. Ang tingin sa matabang bata ay cute at ang sarap lapirutin at kurut-kurutin. Ginawa siyang teddy bear na cute. Pinakain nang pinakain, kahit lagpas na sa normal ang timbang kung ihahambing sa pangkaraniwang bata.


Pero habang lumalaki siya, hindi na naging cute ang kanyang pakiramdam. Nabibigatan na siya sa kanyang katawan. At pati ang mga magulang niya at nabahala na sa kakaiba niyang katabaan, na sobra na sa family standard, ika nga, to think na pamilya sila ng matataba. Pumunta sila sa espesyalista at doon nila nalaman na maliban sa genetic predisposition para maging obese, dahil nga sa pamilya, ay diabetic pa pala siya. Kailangan niyang uminom ng mga gamot na nagpabagal lalo ng kanyang metabolismo. Bukod dito, natuklasan din na meron pala siyang Prader-Willi Syndrome, isang genetic disorder na nagiging sanhi ng obesity. At napatungan pa ito at pinalala na meron pala siyang leptin resistance. Sa normal na mga tao, ang mataas na lebel ng leptin ay magbibigay hudyat sa katawan na makaramdam na busog na at dapat nang tumigil sa pagkain. Bumababa ang ganang kumain kapag mataas ang leptin sa katawan ng isang normal at malusog na tao. Sa kanyang sitwasyon, walang kakayanan ang kanyang katawan na maramdaman na mataas na ang lebel ng leptin, kaya hindi nagkakaroon nang normal na mekanismo para maramdaman niya ang kabusugan.


Napakaraming test. Iba’t ibang uri ng gamot at diet ang kanyang sinubukan, habang pilit niyang mabuhay nang normal, kahit hirap maging normal kung ikaw ang obheto ng katatawanan ng buong eskwelahan. Ang dami niyang tiniis na panlalait mula elementary hanggang highschool. Nasanay na siyang mabully dahil sa kanyang katabaan. Pero kahit na alam niyang kakaiba at tiyak siyang pagtatawanan, minabuti niyang kunin pa rin sa Kolehiyo ang dinidikta ng kanyang interest at talent. Mataas at magaling ang kanyang kakayahan sa fashion design at pagsipat ng uso sa pananamit. Siguro nga dahil naging pantasya niya ang magsuot ng mga ito, kaya kahit man lang sa isipan at sa mga kathang disenyo ay makalikha siya ng mga magagandang kasuotan. Kumuha siya ng kursong Fashion Design at Merchandise.


“Anong ginagawa niyan dito?”


“May fashion wear ba ang mga balyena?”


Hindi niya inalintana ang mga pagkutyang ito mula sa kanyang mga kaklase. Sanay na siya. Beterana na. Nagsumikap siyang makatapos, at ang kanyang koleksyon sa graduation nila ang umani pa nga ng parangal.


Subalit hindi nagtapos ang kanyang pagdurusa sa kamay ng mga taong mapanghusga.


Patuloy pa rin niyang narinig ang “Hindi ka kasya, kasi ang taba-taba mo.”


At maraming resibo na magpapatunay ng bigat ng kanyang dinadala. Mga silyang nasira nang maupuan niya. Mga kamang lumundo dahil hinigaan niya. Mga pintuang makipot na kailangang sirain dahil hindi na siya makalabas. Minsan kinategorya pa siyang fire hazard dahil baka bumara siya sa exit at mahirapang mag-evacuate ang mga tao kung magkaroon ng sunog. Hindi siya makapagbakasyon nang basta-basta kasi iilan lang naman ang Efren sa mundong ito na walang problemang isakay siya sa kanilang mga sasakyan. Alam niyang hindi siya kakasya sa upuan ng economy class ng eroplano, at kailangan niyang bilhin ang katabing upuan. Bihira siyang kumain sa mga restaurant dahil hirap siyang hanapan ng lugar. At maging sa probinsya, hindi pa rin siya makapahinga sa bigat na dinadala niya. Minsan isang buong kubo ang nagiba nang magbakasyon sila sa Guinayangan sa Quezon.


“Hindi ka kasya.”


Para sa kanya hindi lang ito pangungusap na kaugnay ng kanyang pisikal na katabaan. Ito rin ay isang paghuhusga na hindi sapat ang kanyang pagiging tao, pagiging mabait na anak at kapatid, pagiging masunuring mamayan. Wala naman siyang sinasaktan, maliban lang siguro doon sa mga nadamay nang nagiba ang kubong kanilang tinutuluyan doon sa Quezon. Pero hindi niya ito sinasadya.


Hindi niya ginustong maging mataba. May sakit siya. Meron siyang genetic disorder at deficiency. Subalit sa mata ng lipunang mapanghusga, ang tingin sa kanya ay masiba, isang Dabianang walang humpay ang pagkain at walang pagsidlan ang katakawan. Sa kanila, naging life choice niya ang maging mataba.


Dumating sa puntong wala na talaga siyang lakas para lumaban. At lalo itong nadagdagan pa nang magka-pandemya, at hindi siya makakilos dahil mas mataas ang panganib sa kanya ng Covid-19. Dahil sa mga lockdown at sa hirap ng buhay, nagsara ang maliit niyang negosyo sa pagtahi at pagdisenyo ng mga plus size na damit.


Dahan-dahan, para siyang nauupos na kandila. Ayaw na niya. Suko na siya. Gusto na niyang mamatay nang makapahinga na siya sa bigat na dinadala niya, hindi lamang ang kanyang katabaan kundi ang mga pahirap mula sa panlilibak ng mga tao sa kanya. Nagtatalo siya kung sa paanong paraan. Magbibigti ba siya? Pero naisip niya sa bigat niya baka unang bumigay ang kisame bago pa siya malagutan ng hininga. Tatalon ba siya sa bintana? Kaya lang alam niyang mahihirapan siyang sumampa dito para tumalon, at baka masira muna ang silyang tutuntungan niya para makasampa.


At doon naisip niyang maglason na lang. Kaya lang wala man lang siyang makitang lason sa bahay niya maliban sa mga detergent. At kakaunti na lang. Kukulangin sa laki ng kailangan para umepekto sa katawan niya. Binalak niyang umorder ng pamatay daga pero wala na pala siyang cash sa kanyang pitaka. At wala na ring laman ang kanyang G-Cash. At sa lahat nang araw, nag-down pa ang kanyang online banking. Tinawagan niya si Efren para magpahatid siya sa pinakamalapit na Bangko. Pero malas talaga. Pagdating nila, down ang ATM machine. Kaya minarapat niya nang mag over-the counter na lang.


III


Nagulantang siya nang marinig niya ang busina ng kotse ni Efren sa labas. Naputol ang pagmumuni-muni niya sa mga kaganapang nangyari bago ang araw na ito. Napangiti siya dahil alam niyang ang araw na ito ay kakaiba. Sabi nga niya kay Efren, hindi ito ang unang pagkakataong malalagay ang mukha niya sa TV, at nagtawanan sila at naalala nila yung nangyari sa EDSA noong sumabog ang gulong ng kotseng sinasakyan nila sa bandang Cubao.


Pero iba ito ngayon. Bukod sa live sa studio na, alam niyang kahit papaano, kahit hindi pa rin siya kasya, ay sapat na ang ginawa niya para makilala na meron din pala siyang halaga.


“Mga kabagang, narito na po tayo sa pinakahihintay nating interview sa isang taong pinaguusapan sa ngayon. Samahan niyo akong salubungin ng isang masigabong palakpakan si Binibining Alodia Payat,” ang masayang sabi ng TV host.


Oo, Payat ang apelyido talaga nila, sa maniwala kayo o hindi. At isa pa yan sa naging bigat na pasanin niya. Siya si Alodia Payat, na dalawang daan at tatlumpung kilo ang timbang. Ang dami din niyang dusa na pinagdaanan dahil sa pangalan niya.


Pero iba talaga ang araw na ito.


“Alodia, maaring ikwento mo nga sa mga nanonood ngayon sa atin sa buong bansa ang nangyari.”


At doon niya sinariwa ang pangyayari sa araw na iyon kung saan binalak niyang magwithdraw ng pera para makabili ng lason, dahil gusto na nga niyang wakasan ang bigat ng kanyang dinadala. Dahil sira ang ATM, pumasok siya sa bangko. At nang tatawagin na ang kanyang numero, bigla na lamang may sumunggab sa kanyang isang lalaki na may baril sa kanang kamay. Tinutukan siya sa leeg. Nagdeklara ng hold-up. Nagsigawan ang mga tao sa loob ng bangko.


At noon naisip niya na okay ito. Kung babarilin siya e di mas mainam, dahil gusto naman na niya talagang mamatay.


“Sige, iputok mo! Patayin mo na ako nang matapos na ang paghihirap ko!”


Laking gulat nang hold-upper. Nawala ito sa diskarte.


“Sige na please! Barilin mo na ako!”


At dito biglang umikot ang lalaki, na ikinagulat niya. Bigla niyang nasapak ang lalaki na ikinatumba nito. Wala palang laban ang isang kilabot na hold-upper sa laki ng braso at kamao niya. At sa kung anong dahilan ay bigla niya itong inupuan. Ang buong bigat niya ay dumagan sa lalaki na noon ay nangisay hanggang sa malagutan ng hininga.


“Mga kabagang, muli si Alodia Payat, isang bayaning naging daan para masugpo ang pamemerwisyo at kasamaan ng isang kilabot na hold-upper.”


Iba nga ang araw na yun. Kailangang magpagawa ng espesyal upuan ang estasyon para sa kanya, isang matibay na couch. Gumawa ng paraan para sa kanya, para siya ay magkasya.


At alam na niya ang mga susunod na sasabihin niya. Mananawagan siya sa buong bayan na baguhin sana ang pananaw sa lahat ng matatabang katulad niya.



159 views0 comments

Recent Posts

See All

TROLL

Comments


Tonton Contreras Creations

©2022 by Tonton Contreras Creations. Proudly created with Wix.com

bottom of page