![](https://static.wixstatic.com/media/e3ffc0_88d82c40229b4de4be716422e1f91d00~mv2.png/v1/fill/w_842,h_842,al_c,q_90,enc_auto/e3ffc0_88d82c40229b4de4be716422e1f91d00~mv2.png)
Lumaki siyang may kapilyuhang taglay, isang bagay na kinaasaran sa kanya maging ng kanyang asawa at mga anak.
Minsan kasi, kapag walang nakatingin, at nasa piling siya ng mga bata, kilala man niya o hindi, ay bebelat siya, o kaya ay gagawa ng mga nakakatawa o kung minsan nakakatakot na hitsura sa pamamagitan ng kanyang mga mukha. At kapag kakilala niya naman, ay gawain niya na ang hilahin pababa ang shorts ng mga bata.
Ilang beses na siyang pinagsabihan maging ng mga ate niya na tigilan ito, dahil baka makasuhan pa siya ng sexual abuse, at mainterpret na hindi biro kundi sexual harassment ang ginagawa niya.
Sa hindi mawaring dahilan, nakakakuha siya ng kaligayahan sa pambubuska sa iba, at lalo siyang naliligayahan kapag ginagawa niya ito na lingid sa kaalaman ng iba. Noong nag-aaral pa siya, malimit niyang itago ang mga gamit ng mga kaklase niya. At ilang beses niya nang nilalagyan ng bubble gum na nginuya niya ang mga upuan ng mga kaklase niya, o kaya ay papaskilan ng kung anu-ano ang likuran ng mga ito.
Ilang beses na siyang napa-away, at nakipagsuntukan dahil dito. At ang dami nang pagkakataon na may mga napaiyak siya. Hindi na mabilang ang mga panahon na pinatawag siya sa principal’s office, at di na rin mabilang ang mga beses na siya ay pinalo ng tsinelas, sinturon, o ano mang mahagilap ng nanay niya. Naranasan na rin niyang paluhurin sa asin at ikulong sa loob ng aparador. Ang hindi niya lang natikman ay ang ipasok siya sa sako at ibitay na patiwarik, siguro kasi maliit pa lang siya nabalo na ang nanay niya at wala siyang nakagisnan na ama. At hindi siya kayang buhatin ng ina niyang maliit at payat para isilid sa sako at ibitay nang patiwarik.
Pero sa kung anumang hiwaga ay talagang hindi niya mapigilan ang kanyang kapilyuhan. Minsan nga tinanong na siya ng nanay niya kung sakit niya na ba ito. Baka kailangan niya nang magpapatinging sa isang espesyalista. Ito ang sinabi ng nanay niya noong itinali niya ang sintas ng sapatos ni Aling bebang na manikurista na naghome service sa nanay niya sa bangko sa labas ng bahay nila, at nang isinuot niya ay hindi niya napansin at ito ay nadapa at nauntog ito sa bangko. May pagkamali-mali kasi si Aling Bebang at gusto niya lang naman na marinig ang “Ay, Utis!” nito na talagang ikinaaliw niya. Pero sa halip, ay nauntog at hinimatay ang pobreng manikurista, at isinugod sa ospital.
Hindi na daw maganda, sabi ng nanay niya, at nakakasakit na siya. Kung hindi daw siya titigil sa mga pambubuska niya, ay tiyak darating ang araw na ikapapahamak niya ito. Darating ang araw, mapapahamak ka dahil sa iyong kapilyuhan, ang sabi sa kanya ng nanay niya.
Lumaki siya at nagbinata at nabawasan naman ang kanyang kapilyuhan. Ang naging biktima na lang ng kanyang mga pambubuska ay sa naging nobya niya, at kalaunan ay naging asawa. Iyakin ang misis niya, at natutuwa siyang asarin at buskahin ito. At nang magka-anak sila, ay ang mga anak naman niya ang naging tampulan ng kanyang mga biro. Lahat ng anak niya may mga naging bansag na nakakatawa, at hindi ito nakaligtas sa mga pambubuska niya, lalo na ang biglang hubuan ang mga ito.
Minsan natatawa na lang ang kanyang asawa at mga anak, at minsan ay naiinis sa kanya. At kalaunan, ang biniktima naman niya ay ang mga nanliligaw sa kanyang anak na babae. Malimit niya itong lokohin, na sa kalaunan at ikina-inis ng anak niya dahil wala nang maglakas-loob na umakyat ng ligaw, kasi lagi ngang kinakantyawan, pinaglalaruan at binubuska ng kanyang ama.
Sa opisina ay medyo pigil siya, kasi alam niya na baka matanggal siya sa trabaho kapag siya ay ireklamo ng mga kasamahan niya sa trabaho na maiinis sa mga biro at pambubuska niya.
Nabawasan man ang kanyang dating kapilyuhan, napalitan naman ito ng isang bagong bisyo na kanyang labis na kinaaliwan. Sa hindi maipaliwanag na kadahilanan, siya ay nakakakuha ng kaligayahan sa pagiging isang photobomber. Tuwang-tuwa siya kapag namamasyal siya at may nakita siyang mga nagpapakuha ng picture, o nagsi-selfie at patay-malisya siyang eeksena sa likuran. At talagang sinasadya niya kasi tinatanggal niya pa nga ang kanyang face-mask para lang makita na buong-buo ang kanyang mukha sa larawan.
Sa Mall. Sa Luneta. Maging sa mga binyagan, kasalan at handaan. Wala siyang pinapatawad. Basta maka-eksena siya, at alam niyang makukunan siya sa background, siyang-siya siya sa sarili niya.
Alam niya na hindi niya makikita ang mga imaheng andun siya. Pero sapat na para sa kanya na merong isang picture na mapapalagay sa mga album, o mapopost sa Facebook, na andun siya.
At napakarami talaga. Naiisip niya, ilan na kayang batang nakasakay sa merry-go-round ang may picture na ang mukha niyang nakadilat ang nasa background, o isang birthday celebrant na umiihip ng kandila na nasa likuran siya na akmang umiihip din nito, o mga picture ng magkasintahan na andun siya na naka-heart sign sa likod sa pagitan ng dalawang magsing-irog.
Kaya tuwang-tuwa siyang mamasyal, o pumunta sa mga lugar na kung saan alam niyang maraming mga tao ang magpapakuha ng picture, o mag-siselfie. Parang ang wari niya ay pupunta siya sa Disneyland. Ang totoo nga, hindi na una sa isipan niya ang mamasyal at mag-enjoy sa mga tanawin. Ang mas nagiging pakay niya ay ang maging photobomber. Mas excited siya sa mga napakaraming pagkakataong maisisingit niya nang walang pahintulot ang sarili niya sa mga pictures ng mga taong ni hindi niya kilala.
At ang rurok ng kanyang kasiyahan ay naaabot niya kapag nakikita niya ang sarili niyang nasa background ng mga litratong pinopost ng mga kakilala niya na nakasama niyang dumalo ng mga okasyon. May kung anong tuwa siyang nararamdaman, na para sa kanya ay isang napakalaking gantimpala, isang malaking achievement, ang makita niya na napasama siya sa pictures o litrato ng iba.
Ang mga litratong ito ay sini-screen shot niya at itinatago niya sa isang espesyal na folder sa kanyang celfone na password protected pa. At sa mga panahong gusto niyang maaliw at sumaya, ay binubuksan niya ang folder na ito para pagmasdan ang sarili niya sa iba’t ibang posing – ang kanyang ulo na parang nakapatong sa birthday cake, sa may likod ng bride na parang anino, at minsan pa nga para siyang nagmistulang multo sa gitna ng bilog na korona sa tabi ng ataul ng patay na pinaglalamayan.
Ni minsan hindi niya tiningnan ito bilang isang abnormal na bagay. Kung ang ibang tao nakakakuha ng kaligayahan sa mga bisyo nila tulad ng alak, sugal at pambabae, e mas mabuti pa nga na ito ang pinagkukuhanan niya ng kasiyahan. Ito ang sinabi niya sa asawa niya minsang pinagsabihan siya nito na tigilan na ang photobombing niya.
Para sa kanya, wala namang masama. Wala naman siyang sinasaktan o inaagrabyado. Mas mainam pa nga ito kumpara mo doon sa mga pang-aasar o pambubuska niya sa mga tao noong kabataan niya, na pilit niya nang binawasan. Para sa kanya, lahat ito ay katuwaan lamang, walang gastos, walang panganib sa katawan.
Ang kakaiba sa kanya ay kapag sinadyang kasama siya sa picture, ay parang hindi siya ginaganahan at natutuwa. Talagang mas gusto niya yung ipipilit niya ang sarili niyang maging kasama sa background sa picture ng ibang tao, na hindi nila alam, at walang pahintulot. Ayaw niyang magpose sa mga pictures na talagang dapat kasama siya. Tinatamad siya at walang gana.
Tuwa siya nang pinadala siya ng kanilang opisina sa isang kumperensya sa Boracay. First time niya sa Boracay, at alam niya na ito ay sagana sa mga taong gustong magpakuha o kumuha ng litrato. Sa di mawaring kadahilanang, bumilis ang pintig ng puso niya, para siyang isang batang lumulukso ang dibdibd sa excitement. Hindi siya mapatulog nang maayos. At sa araw ng kanyang lipad ay madilim pa lang ay nagpahatid na siya sa airport. At haband lumalapag ang eroplano sa Caticlan Airport, ay pabilis nang pabilis ang kabog ng kanyang dibdib.
Pagbaba pa lang sa eroplano ay nakikita na siya ng pagkakataon. Merong isang foreigner na babae na may kasamang Pinoy na nagselfie sa hagdanan ng eroplano, at alam niya na nakuhanan din siya. Habang lumalakad sa tarmac, ayun at nag-selfie na naman ang dalawa, at dito talagang pumosisyon na siya para makuhanan. At habang kinukuha nila ang kanilang mga bagahe, ayun na naman ang dalawa at nag-selfie na naman, at kaya siya naman ay nagmamadaling kunyari ay may pinuntahan sa bandang likod ng dalawa para makasama na naman siya sa picture.
At dito niya nakita ang itsura ng foreigner na babae. Ang ganda pala nito. Mukhang artistahin. Napakaswerte niya at mapapasama siya sa mga litrato ng pagkaganda-gandang babaeng ito.
Sa buong panahon na siya ay nasa-Boracay, ay talagang sinadya niyang magising nang maaga para makapunta na sa White Beach, at doon makahanap na ng mga taong nagpapapicture, o nagsi-selfie para maisingit niya ang sarili niya. At sa hapon, pakatapos ng mga pulong, na sinadya naman ng organizer na matapos ng mas maaga para nga siguro may panahong makapamasyal ang mga participants, ay umaarya na naman siya sa kakahanap ng mga pagkakataong siya ay makaphoto-bomb.
Sa ikalawang araw niya sa isla, naisipan niyang pumunta sa mga yayamaning resort sa hilagang bahagi ng Boracay. Sumakay siya sa tricycle at nagpahatid sa isang kilalang resort. At nakita niya na kakaunti pala ang mga tao doon. Mangilan-ngilan lang. Pero ang nakatawag ng pansin sa kanya ay nang matanaw niya na nakaupo sa may puno ng niyog ang babaeng foreigner na nakita niya sa airport kahapon nang umaga. Mag-isa lang ito. Hindi yata kasama ang nobyong Pinoy. Napansin niyang tila malungkot ang babae, parang ang lalim ng iniisip. Ano kaya ang bumabagabag sa babaeng ito, ang tanong niya sa sarili niya. Subali’t ang kanyang pagtatanong ay naudlot nang makita niya na may kinuha ang babae sa beach bag nito, at nang makita niya na ito pala ay ang kanyang celfone, ay bumilis ang tibok ng puso niya. At nang akmang kukuha ng selfie ang babae, ay doon na siya kumaripas ng takbo, at kunyari ay nagjogging pupunta sa likod na babae, at umarteng patay malisya. Click. Click. Maraming kuha ang babae. At alam niya na tiyak andun siya.
Umuwi siyang masaya.
Sa huling gabi niya sa Boracay, nagdesisyon siya ng kumain sa D’Mall, sa isang mamahaling Japanese Restaurant doon. Naguumapaw ang saya niya dahil sa tatlong araw na nasa Boracay siya, ay nakahanap siya ng maraming pagkakataong maisingit ang kanyang sarili sa mga pictures ng mga taong hindi niya kilala.
Puno ang restaurant kaya kailangan niyang maghintay. At nang maiupo na siya sa isang sulok nito, ay may nakapukaw ng atensyon niya. Sa mesa sa bandang harapan niya ay nakaupo ng foreigner na babaeng yun na nakatalikod sa kanya, kasama ang kanyang boyfriend na Pinoy. Ang napansin niya ay parang nag-tatalo ang dalawa. Halata sa mga kilos. At nagulantang na lang siya ng biglang suntukin ng lalaki ang braso ng babae, na ikinagulat nito. Sabay tayo ang lalaki, dinampot ang gamit at iniwan ang babaeng tulala. Bigla siyang naawa sa babae, at may naramdaman siyang galit sa nobyo nito. May kung anu-anong naglalaro sa isipan niya, na naudlot lamang ng makita niyang dinampot ng babae ang kanyang celfone, at nag-akmang magsiselfie. At dun, muling bumilis ang tibok ng puso niya, at ang kabog ng dibdib niya.
Ang swerte-swerte niya talaga. At tamang-tama ang posisyon niya dahil alam niyang tiyak, walang duda, na mapapasama na naman siya sa selfie na yun ng babae. Masaya siyang umuwi at maagang natulog, dahil maaga ang flight niya pabalik sa Maynila.
Kinaumagahan, maaga siyang gumising. Bakas pa rin sa kanya ang di-maipaliwanag na saya. Nag-agahan siya, at nagpahatid sa tricycle sa pantalan. Habang nakasakay sa bangka papuntang Caticlan, iniisip niya kung meron ba siyang makikita man lang sa Facebook na nakapost na picture na naandun siya.
At dito naulinigan niya ang pinag-uusapan ng dalawang bangkero sa unahan. Meron daw natagpuan na bangkay ng isang babae na puno ng pasa sa katawan at may marka ng sakal sa leeg sa may batuhan sa dulo ng Station 1, malapit doon sa Grotto papuntang Diniwid. Buti na lang at nakaalis na siya, kasi delikado din pala sa Isla.
Sumakay siya sa eroplano pauwing Maynila. At habang nasa Maynila na siya, at pasakay sa grab, nagtaka siya at lagi siyang tinitingnan ng driver. Tinanong siya kung saan siya galing, at ang sabi niya ay Boracay. Nakita niyang patay malisya nitong binuksan ang kanyang celfone at tiningnan ito, at pakatapos ay sinilip siya sa rearview mirror.
Naisip niya, ano kaya ang drama ng driver na ito.
Para maaliw, binuksan niya ang kanyang celfone. At biglang bumulaga sa kanyang newsfeed ang isang breaking story. Tungkol ito sa babaeng natagpuang patay sa Boracay. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig. Ang babae ay walang iba kundi ang foreigner na nakita niya sa airport tarmac at sa baggage area, ang babaeng nakita niya doon sa beach na mag-isa, ang babaeng nasa Japanese restaurant.
At lalo siyang parang naupos na kandila nang mabasa niya ang nasa-report.
“Meron nang person of interest ang police ng Malay, Aklan. Natagpuan sa celfone ng biktima ang maraming pictures na kung saan makikita ang lalakeng ito. Ang lalakeng ito ay pinaghahanap na ng mga awtoridad, at kung may nalalaman kayo tungkol sa kanya, mangyari lamang ireport agad sa pinakamalapit na presinto.” Ito ang nakalagay sa balita.
At doon nga, nakita niya, ang iba’tibang picture ng babae, na nasa likuran siya, nasa background. Sa hagdanan ng eroplano. Sa tarmac. Sa baggage area. Sa beach. At sa Japanese Restaurant.
Darating ang araw, mapapahamak ka sa kapilyuhan mo. Tandang-tanda niya itong sinabi ng ina niya sa kanya.
At sa sandaling yun ay hindi na siya natuwa nang makita niya ang sarili nya sa mga pictures na nakabalandra sa social media.
Comments