I
Maraming nangyari sa araw na ito. Pilit niyang ipinikit ang kanyang mga mata. Gusto niyang pawiin ang mga pangitaing parang rumaragasang tubig na sumambulat at nais siyang lunurin.
Takot siya sa tubig. Minsan nga, para siyang nalulunod kahit umiinom lang siya sa baso.
Sariwa pa sa kanyang ala-ala ang madilim na silid na iyon. Ang mga impit na hiyaw, ang mga malalakas na sigaw. Ang mga hagulhol at pagmamakaawa, habang siya ay nakatali sa matigas na kamang yari sa kahoy, mga retasong inagaw lang yata sa mga naghihingalong bahagi ng gusaling kinaroroonan niya, at ng mga kasamahan niyang nahuli sa campus habang meron silang pulong. Ramdam pa niya ang pakong tumutusok sa kanyang likuran habang bumubuhos na tila walang humpay ang tubig na nagmumula sa timba patungo sa embudo na kakabit ng isang tubo na nakapasak sa kanyang bibig.
Pilit siyang pinapaamin kung sino si Kumander Gusting. Paulit-ulit siyang tinatanong, na para bang may alam siya. Nagmumula ang boses sa mukhang yun, isang mukhang hindi niya kailanman nakalimutan.
Disisais anyos pa lang siya noon. Freshman siya sa pamantasan. Sumali siya sa isang organisasyon dahil nalulungkot siya at ayaw niyang mag-isa. Malayo siya sa kanyang probinsya sa Antique, at sa kakulangan ng pera hindi siya nakakauwi kahit bakasyon. Naging mundo niya ang organisasyon niya. At dito niya nakilala ang kilusan, at ang mga brods at sis niya na mga aktibista. Sila ang kanyang naging sandigan sa panahon ng kagipitan. At ang kanilang mga ideya at kaisipan ang kanyang naging libangan.
Sa kanyang payak na kaisipan, ang kanyang pagsama at pagdalo sa mga pulong at welga, ang pakikinig sa mga ideya ng democratic centralism, ang mga kaisipan ni Marx at Mao, ang pagbiyahe patungong Malacanang gamit ang mga arkiladong jeep, ay mga pagkakataon kung saan siya ay naging bahagi ng isang pamilya. Sapagkat yan ang naging tingin niya sa kilusan. Ito ang naging tahanan niya upang supilin ang kanyang kalungkutan.
Wala siyang dahilan para magrebelde. Wala siyang personal na karanasan o maging ang pamilya niya na naging biktima sila ng batas militar. Kapitan ng barangay ang tatay niya, at schoolteacher naman ang nanay niya. Subalit sa piling ng mga aktibista niyang kaibigan habang pinaguusapan ang mga ideya sa pulang aklat, sa saliw ng mga rebolusyonaryong kanta, doon niya natagpuan hindi ang rebolusyon kundi ang ikalawang pamilya.
Isang maulang gabi nang siya ay nahuli kasama ang iba pa niyang brods at sis. Yan yung gabing ayaw niya sanang sumama dahil meron pa siyang exam sa Chem 16.
Dinala sila ng mga armadong kalalakihan sa lumang gusaling yun. Nakapiring ang mata nila habang papunta sa lugar kaya hindi niya mawari kung saan ito. Ang natatandaan niya lang ay yung nakakasulasok na amoy ng babuyan, at ang nabungaran ng kanyang mga mata nang alisin ang kanilang mga priing na mga butas sa kisami at mga sirang haligi at pader ng mga nabubulok nang kahoy.
Hindi niya kilala si Kumander Gusting. Wala naman siyang alam. Ang alam niya lang sumasama siya sa mga pulong dahil nalulungkot siya.
Pero nang gabing yun, habang siya ay nilulunod ng tubig mula sa tubo na nakakabit sa embudo, doon niya napagtanto na dapat sana ay nakinig siya nang mas masinsinan pa sa mga nilalaman ng pulang aklat. Doon nabuo ang galit at pagkasuklam sa puso niya at pakasuklam sa mukha ng lalaking yun sa likod ng embudo, ang mukha na nagpahirap sa kanya.
Ang mukhang yun, yun ang nakikita niya ngayon na nagsasalita sa entablado na siyang pagmamartsahan ng kanyang bunsong anak na magtatapos na may karangalang isang Summa.
II
Iba talaga ang nakaupo. Maswerte. Yan ang sinabi ng karakter na ginampanan in Giselle Sanchez sa sineng “Maid in Malacanang” na lumikha ng alingasngas nitong mga nakaraang araw.
Pero noon pa niya alam yan. At yan ang naalala niya noong napanood niya ang eksenang yun. Maswerte ang nakaupo. Dahil diyan nakaligtas sila ng mga kasamahan niya sa tiyak na kapahamakan. Kamag-anak ng Heneral ang isa sa mga sis niya na kasamahan niyang nahuli, at dahil dito sila ay pinalaya, at pinabaunan na lang ng babala na huwag na huwag nang sumama sa mga pagkilos.
Iba ang tumakbo sa isip niya. Tumimo sa kanyang isipan ang hindi-makatwiran at malahayop na pagtrato sa kamay ng militar. Sa halip na tumalima, siya ay tuluyan nang namundok at umanib sa armadong kilusan. Tinalikuran na niya ang pag-aaral. Pati ang kanyang mga magulang ay kanya nang kinalimutan. Sa mga panahong iyun, malalim ang sugat na hindi naghilom, sagad sa buto ang pagkapoot na kanyang naramdaman.
Tama ang pulang aklat. Tama si Marx at Mao. Rebolusyon ang sagot.
At siya ay nakipaglaban, itinaya ang buhay, at hindi mabilang na sundalo na ang kanyang napatay o nasugatan. At dito, ginamit niya ang pangalang ibinintang sa kanya. Pinangatawanan niya na siya na si Kumander Gusting.
Nakaramdam siya ng tuwa nang bumagsak ang gobyerno ni Marcos noong 1986. Subali’t para sa kanya hindi pa rin tapos ang laban kahit si Cory Aquino na ang Presidente.
Subalit mali talaga yata ang tadhana para sa kanya.
Isang araw, siya ay ipinatawag ng pamunuan ng kilusan sa isang pulong sa isang liblib na lugar sa Bundok Banahaw. At kanyang ikinagulat na siya pala ay pinaparatangang isang espiya ng gobyerno. Nakarating sa pamunuan ang dahilan kung bakit siya at ang kanyang mga kasamahan ay pinakawalan noon, at naging laman ng pagdududa na inayos ng isang Heneral ang kanilang paglaya. Mariin niyang itinanggi ang paratang. Pero kahit ano ang kanyang sabihin, nakalinya na ang mga testigo laban sa kanya.
Siya ay iginapos at dinala sa isang lugar na madilim. Isang giba nang kubo na kung sa anong kadahilanang ay nakakasulasok ang amoy tae ng baboy. At muli, dito siya nakatikim ng paulit-ulit na pahirap. Kinabitan ng tubo ang kanyang bibig, at sa dulo nito ay may embudo. At doon, sa likod, nakita niya ang mukha ang isang kasamahan niya sa kilusan na may hawak na timba at ibinubuhos ang laman nitong tubig sa embudo.
Isang mukhang hindi niya makalilimutan.
Isang mukha na pilit siyang pinapaamin na siya, si Kumander Gusting, ay isang espiya ng gobyerno.
Ang huling naalala niya noon ay ang pagtutok sa kanya ng baril at ang isang malakas na putok. Nang siya ay nagkamalay, siya ay nakahiga sa papag na kawatan sa isang kubo. Natagpuan pala siya ng mag-asawang kainginero na sugatan at duguan, at inakala na nga nilang patay.
Muli, sa ikalawang pagkakataon, nakaligtas siya sa tiyak na kamatayan. At dito, hindi na niya kinailangan ang tulong ng isang Heneral.
Maraming mapait na ala-alang namuo sa kanyang isipan at kamalayan. Hindi niya matanggap na ang kilusang kanyang inaniban ay siya ring magsasakdal sa kanya sa isang bagay na walang katotohanang.
At dito nakita niya na walang pinagkaiba ang rehimen ni Marcos noong batas militar sa armadong kilusan. At muli, may isa na namang mukha na hinding-hindi niya makakalimutan.
At ang mukhang yun ay nasa entablado din na kung saan magmamartsa ang kanyang bunsong anak upang tanggapin ang kanyang medalya bilang isang Summa. Hindi siya maaring magkamali. Sa mata na lang alam niya na. At nakumpirma ito nang inalis nito ang kanyang face mask. Isa siyang propesor ng pamantasan.
III
Kinalimutan na niya ang kilusan. Bumalik siya sa pag-aaral kahit siya ay may-edad na. Nag-aral siya sa isang maliit na Kolehiyo, nagtapos siya ng kurso, at nagdesisyong magtayo ng sarili niyang negosyo. Napalago niya ito, bilang isa sa mga nangungunang supplier ng mga manok sa Timog Katagalugan.
Binalikan niya ang pamilya niya sa probinsya. Muli niyang natagpuan ang kanyang puso, at nabuhay muli ang kanyang damdamin sa kanyang kababata na iniwan niya sa Antique. Ito na nga siguro ang kanyang kapalaran.
Naging maswerte siya sa mga anak niya. Lahat naman napatapos niya. At ang bunso nga ay nagtapos pa ng may pinakamataas na karangalan bilang isang Summa.
Subali’t dahil sa pandemya, naghihirap ang kanyang negosyo. Matumal ang bentahan ng manok, at napeste pa. Ano man ang kanyang gawin, ay hindi niya na talaga maiiwasan na magtanggal ng manggagawa. Bago siya umalis sa kanyang opisina ay kinausap niya na ang pinuno ng union na hindi na niya talaga kayang pasahurin ang kanyang mga manggagawa at dapat na siyang magbawas. Labag ito sa kanyang kalooban. Hindi ito ang pagkakilala niya sa sarili niya. Bagama't umalis na siya sa kilusan at kinalimutan niya na ang ideyolohiya sa likod nito, nanatili sa kanyang puso at kaisipan ang simpatiya sa uring manggagawa. Subali’t hindi pala talaga maiiwasan na sasalungatin niya ang prinsipyo niya at kahit anong bait niya na kapitalista, sa dakong huli, ang pwersa ng kita pa rin ang tutulak sa kanya.
Tinanong niya ang sarili niya kung masama ba siyang tao. Kabilang na ba siya sa mga mapang-aping mamumuhunan?
Ito ang nasa isipan niya nang masilayan niya ang mukha ng Propesor na dati niyang kasamahan sa kilusan na kasama sa nagbintang na siya ay espiya, nagpahirap at nagtangkang pumatay sa kanya. At kasunod naman nito ay nang tawagin ang commencement speaker, at bumulaga sa kanya ang mukha ng sundalong nagpahirap sa kanya noong martial law, na ngayon pala ay isa nang mataas na opisyal sa gobyerno.
Heto siya, isang dating armadong rebelde ay nasa ibaba, habang ang dalawang parehong dating asal mamamatay tao at nang-abuso ng kanyang karapatan ay mga nasa entablado, mga naka-barong at kasuotang akademiko, mga pinagpipitagan. Samantalang siya naman, dating nakipaglaban para mga magsasaka at manggagawa, heto at handang pagkaitan ng kabuhayan ang kanyang mga tauhan.
Tunay nga talagang maswerte ang mga nakaupo.
Sa kung anong dahilan, para uli siyang nalulunod. At parang ang buong bulwagan na kung saan ginaganap ang graduation ng kanyang bunsong anak ay naging isang sira-sirang gusali na nag-amoy babuyan
Comments