Nang makita niya ang mukhang yun, alam niya na muli na naman siyang uusigin ng kanyang nakalipas. Isang nakalipas na parang masamang bangungot na mula sa kung saan ay gusto niyang magising, pero parang nagiging masamang pangitain sa mga pagkakataong siya naman ay mulat at gising.
Matagal nang panahon ang inilagi niya sa islang ito. Sampung taon. Dito siya napadpad nang tinakasan niya ang kanyang bangungot.
Bata pa siya noon, at guro sa isang eskwelahan ng mga batang alagad ng sining. Teatro at sayaw ang kanyang itinuturo, na may tutok sa mga porma ng teatro at sayaw sa timog silangang Asya. Mundo niya hindi lamang ang mga katutubong porma ng teatro at sayaw sa Pilipinas, kundi pati na rin ang sa ibang bansa sa rehiyon. Isa sa mga paborito niyang ituro ay ang teatro ng mga anino sa Indonesia, ang Wayang Kulit, at ang klasikal na Ramayana sa iba’t-ibang anyo nito – ang Reamker ng Cambodia, ang Ramakien mula sa Thailand, at ang mga bersiyon nito na Indonesian, Lao, Burmese, Malay at siyempre ang adaptasyon nito sa Pilipino.
Isa sa mga naging mahalagang ambag niya sa sining ng teatro at sayaw ay ang kanyang bersyon ng Ramayana na isinalin niya na gamit ang Wayang Kulit. Nakakabighani ang kanyang likha, na kung saan ang mga anino ng mga puppet ang siyang naging medium para buhayin niya sa imahinasyon ng mga manonood ang kuwento ng tunggalian ng kabutihan at kasamaan. Binuhay niya ang mayamang kultura ng rehiyon gamit ang mga aninong kumatawan sa pagmamahalan ni Rama at Sita, at ang pakikipaglaban nila, kasama si Hanuman, sa lahat ng puwersa ng kadiliman.
Subalit ang hindi alam ng marami, may sarili siyang pakikipagdigma sa kanyang sarili. Napapaloob sa kanyang pagkatao ang isa ring digmaan sa pagitan ng puwersa ng kabutihan at kasamaan. Isa siyang pinagpipitagan, batang-bata at award-winning na performance artist, isang magaling na guro, at isang mabuting anak at kapatid. Alam naman ng lahat ang kanyang tunay na sekswalidad, na hindi niya itinago, at lantad naman. Hindi naman di-pangkaraniwan ang mga LGBTQI sa larangan ng teatro at pagsasayaw, at wala nang kakaiba dito.
Hindi rin na bago sa mga kabataang gay na maging mapusok at malibog. Subali’t ang hindi alam nang marami ay ang itinatago niyang hilaw na pagnanasang laging tumikim ng sariwang laman ng mga batang lalaki. Mas bata, mas mainam. Pilit niya itong nilalabanan kapag siya ay nasa eskuwelahan, at kaulayaw ang kanyang mga batang-batang estudyante. At sa halip, siya ay bumababa na lang sa mataas na kinaroroonan ng kanilang eskuwelahan para maghanap sa bayan, o kung may panahon, sa malaking lungsod, ng mga batang bayaran para kanyang maparausan. Marami na siyang mga suki at regular, na parang mga pipit na naghihintay na sa kanyang pagdating sa kanyang bahay sa Maynila.
Malinaw sa kanya na labag sa batas ang kanyang ginagawa, sapagkat maituturing na statutory rape ang makipagtalik sa isang menor de edad, kahit na nga bayaran pa ang mga ito. Subali’t dahil regular na ang mga suki niya, at galante naman siya sa mga ito mula sa pagbibigay load, at sa pagregalo sa mga espesyal na okasyon, alam niyang ligtas siya sa ganitong gawain, at wala namang dahilang isuplong siya ng mga bata. Ang iba nga dito, alam naman ng mga magulang at parang ibinubugaw pa nga sa kanya. Ang nagagawa nga naman talaga ng materyal na pangangailangan, kakapit sa patalim. Sa kanya simple lang ang usapan. Kailangan niya ang panandaliang aliw, at may kailangan sa kanya ang mga batang ito, at minsan pati ang mga pamilya nila, na kanyang tinutugunan. Ang kailangan niya lang ay mag-ingat. Alam niyang mali, pero mas mababaliw siya kapag hindi niya tinugunan ang tawag ng kanyang laman.
Lingid sa marami ito ang nagbibigay sa kanya ng sigla para diligin at pagyamanin ang kanyang pagiging malikhain. Kakaiba man, subalit ang sarap na nararamdaman niya sa pakikipagtalik sa mga bata ang siyang pinagkukunan niya ng inspirasyon para makalikha ng mga kabigha-bighaning piyesa. Ang nakakubling anino ng kanyang pagkatao ang siyang pangloob na puwersa na nagpapayaman ng kanyang imahinasyon para kumatha ng mga salaysay at makapagimahe kung papaano pakikulusin ang mga anino sa kanyang mga obra. Kailangan niya munang makipagtalik sa isang batang lalaki para makalikha siya ng kanyang sining at mapagalaw niya ang mga aninong napapaloob dito.
Ganunpaman, meron siyang panuntunan na sinusunod. Nangako siya sa sarili na hindi niya kailanman gagalawin ang kanyang mga estudyante. Ito ang kanyang hangganan, ang limitasyon sa kanyang mga libog. Malinaw sa kanya na ito ay isang lugar na hindi niya maaaring pasukin. Siya ay isang guro, isang propesyonal at hindi nita puwedeng labagin ang koda ng tamang asal at moralidad na napapaloob dito.
Subali’t ang tawag ng laman ay minsan mas nangingibabaw sa mga artipisyal na panuntunan.
Nang semestreng iyon ay naatasan siyang magturo sa mga bagong pasok na mag-aaral ng isang introductory course sa mga porma ng sayaw sa timog silangang Asya. Sa unang araw pa lang ay nakatawag na sa kanya ng pansin si Crispin, isang mag-aaral mula sa Davao. Galing sa mahirap na pamilya, at nag-uumapaw sa talento at kagandahang katutubo. Hindi niya mawari ang kanyang naramdaman, na parang may kumikislot at nabubuhay sa kaibuturan ng kanyang pagkatao. Hindi lamang libog. Mas malalim pa. Kapag ito ay kanyang pinagmamasdan habang sumasayaw ng mga basic na movements ng Ramayana, ang nakikita niya ay ang mga perpektong anino ng kanyang teatro.
Isang araw, lumapit sa kanya si Crispin at hiniling na mag-overtime sana siya para maturuan niya na maging perpekto ang kanyang porma. Madilim na noon at umuulan pa, at ang mga kaklase ni Crispin ay nagsiuwian na sa kanilang mga dormitoryo.
Naging kakaiba ang sesyong iyon. Sa halip na umasa si Crispin sa mga pasalitang instruksyon mula sa kanya, ang gusto nito ay ituro niya ang tamang porma sa pamamagitan ng mas malapitang pagsasalarawan. Halos magdikit ang kanilang mga katawan habang hinahawakan niya ang mga kamay nito para ipakita ang tamang pagpilantik ng mga daliri. Dahil gustong matutunan ang tamang pagsikad ng paa, at ang pagpadyak ay kailangan niyang hawakan ang hita nito kahit malapit na sa maselang bahagi. At dito, sa di-mawaring puwersang nagmula sa kaloob-looban ng kanyang pagkatao, di niya namalayan at hinahalikan na pala niya ang batang lalaki sa batok habag hinahagod niya ang hita nito.
At dito kumawala sa kanyang pagkakayapos si Crispin. Tumingin sa kanya ito na may galit ang mga mata, at sabay sinamsam ang mga gamit niya at dali-daling lumabas ng teatro.
Hindi niya alam kung ano ang gagawin niya. Inisip niyang habulin ang bata para magpaliwanag at humingi ng paumanhin. Nagdesisyon siya na ipaumaga na lang at kinabukasan na lamang niya kakausapin ito. Hindi siya makatulong ng gabing iyon. Alam niya na nilabag niya ang kanyang panuntunan, sa unang pagkakataon, at dito nabahala siya.
Kinaumagahan, bago pa niya hanapin at kausapin si Crispin, ay pinatawag na siya ng Principal sa kanyang opisina. At doon pagpasok niya, alam niya na kung saan patungo ang kanyang umaga. Naandun si Crispin, nakayuko na nakaupo sa harap ng Principal.
Hindi na niya hinintay na makasuhan siya. Siya na ang kusang nag-bitiw at iniwanan ang kanyang pagtuturo. Umuwi siya sa Maynila na guluhan ang isipan. Ang inisip niya na lang kahit papaano ay makakapahinga siya sa stress, at magkakaroon ng espasyo para mag-isip kung ano ang mga susunod pa niyang hakbang at makabangon sa bangungot na nilikha ng isang pagkakamali.
Subali’t hindi pa pala tapos ang kanyang bangungot.
Isang araw pagbukas niya ng kanyang Facebook, tumambad sa kanya ang mga posts na kung saan siya ay tinawag na pedophile. Kalat na sa social media ang post mismo ni Crispin, na shinare ng iba pa, kasama na ang mga iba pang artists na katulad niya. Nandidiri. Galit. Hinahatulan siya. At hindi dito nagtapos ang kanyang kalbaryo. May mga sumunod na posts mula sa mga hindi kilalang accounts na dinetalye ang mga naging relasyon niya sa mga batang lalaki, at ang isa pa nga ay nagpainterview pa sa isang Vlogger.
Nagdesisyon siyang takasan ang bangungot na ito. Nagpakalayo-layo siya at naghanap ng lugar na walang makakakilala sa kanya. At sa isla ngang ito siya napadpad, para makapagsimula muli, malayo sa mundong nadungisan na niya. Ninais niyang magbago at labanan ang mga demonyong nasa loob ng kanyang pagkatao, para sa panahong handa na siyang bumalik, at makalimutan na ng mundo ang masamang aninong iniwanan niya, ay magkaroon uli siya ng bagong pagkakataon.
Hindi niya kailanman kinalimutan ang kanyang larangan. Araw-araw, para siyang baliw na nag-sasayaw kahit na sa dilim ng gabi, may buwan man o wala. May araw man o maulan. Ayaw niyang makalimutan ang mga galaw ng Ramayana at ng iba pang porma ng pagsasayaw sa timog silangang Asya. Sa kanyang isipan hinuhuni niya ang musika ng gamelan, kulintang at iba pang instrumentong pangmusika ng rehiyon. Minsan siya si Rama, minsan si Sita, minsan si Hanuman, at minsan ang mga kampon ng kasamaan.
At dito siya ay napansin ng mga kabataang lalaki na laging tumatambay sa gulod na tinatanaw ang dagat, na malapit sa bahay niya. Noong una, ayaw niya itong pansinin. Nilalabanan niya ang udyok, at ayaw na nga niyang mahulog muli sa bitag ng kahinaang siyang naging mitsa ng kanyang kalbaryo.
Subali’t isang araw nagulat na lang siya nang lapitan siya ng mga ito. Gusto nilang matutong sumayaw nang kakaiba. Ang plano nila ay gamitin ang kanilang nakita bilang materyal sa pagsali nila sa isang paligsahan sa pagsasayaw, at sa paparating na piyesta sa isla ay magkakaroon ng kompetisyon, at balak nilang sumali gamit ang kakaibang nakita nilang koryograpiyang etniko.
At muling napukaw ang kanyang sigla bilang isang guro. Pero mas malalim ang dahilan. Gusto niyang patunayan na naghilom na ang sugat sa kanyang pagkatao, at sa kanyang pagkamalikhain. Gusto niyang mapatunayan na hindi na niya kailangan pang makipagtalik sa mga batang ito para siya makalikha ng sayaw. Ang kanilang pagsali sa paligsahan ang siyang magiging hudyat ng kanyang muling pagbangon, at sa paghilom ng kanyang sugatang pagkatao.
Araw-araw bawat hapon ay tinuruan niya ang mga kabataang lalaki. Pinagsanib na hip-hop at etniko, sa tunog ng gamelan at kulintang. Ginamit din nila ang konsepto ng Wayang Kulit sa koryograpiya, na binuhay ng mga mananayaw na nakasuot na parang mga puppet na gumagalaw sa likod ng telon na tanging mga anino lang nila ang napapanood.
At dito niya napatunayang hilom na ang sugat sa kanyang pagkatao.
Dumating ang araw ng paligsahan. Hiniling niya sa mga kabataan na ayaw na niyang magpakilala bilang choreographer nila. Ayaw niyang maging obheto ng atensyon, sa takot pa rin na baka may makakilala sa kanya, kahit na nga ito ay isang liblib na isla sa malayong lugar.
Ang ganda ng sayaw ng mga batang kanyang tinuruan. Tatak niya ang litaw na litaw. Walang duda. At nang tawagin na ang nanalo, ito ang naging patunay na hindi pa rin nawawala ang kanyang tatak. Tatak kakaiba. Tatak panalo.
Walang pagsidlan ang kanyang tuwa.
Subali’t ang mga anino ng nakalipas na ayaw na niyang balikan ay tila yata ayaw magpahinga. Tinawag siya ng isa sa mga mananayaw na kanyang tinuruan. Meron daw gustong makipagkilala sa kanya, isa sa mga kasapi ng board of judges na sobrang nagandahan sa kanilang sayaw. At sa dilim ng bahaging iyon ng pinagdausan ng paligsahan sa may likuran, sa silaw ng mga ilaw na nakapalamuti, habang ang tunog ng gamelan ay muling pinatugtog, lumabas ang isang anino ng kanyag nakalipas. Hinding-hindi niya makalimutan. Si Crispin.
At ngayon nga, alam niya na kung ano ang pakay ng punong Barangay nang ipaabot nito na gusto siyang makausap. Alam niya na kung saan patungo ang usapan. Alam niya na ito ang kasunod nang makita niya na kausap ni Crispin ang punong Barangay ng gabing iyon makatapos silang muling makita. Ni hindi man lang siya kinumusta nito. Ang nakita niya ay ang parehong mukha, parehong reaksyon, nang araw na yun ng kanyang malaking pagkakamali. Puno ng galit. Nandidiring tumalikod pa rin ito sa kanya.
Hindi pa rin talaga niya matakasan ang mga anino ng kanyang nakalipas.
Gusto man niyang makipaglaban, pagod na siya sa pagtatago at pagtakas sa mga anino. Gusto na niyang magpahinga. Wala siyang mapagtataguan. Kahit ang mga liblib na isla ay hindi ligtas sa pagtugis sa kanya ng kanyang mga anino.
Tinungo niya ang talampas sa may gulod malapit sa kanyang maliit na kubo na kung saan una niyang nakitang nakatambay ang mga batang lalaking tinuruan niyang sumayaw.
Tumingin siya sa ilalim, sa mga batuhang matatalas at sa mga rumaragasang alon na humahampas dito. Bilog ang buwan. Alam niya na ang kanyang gagawin.
Ngunit bago ito, ay kailangan niya munang mamaalam sa mga aninong kanyang nakasama sa kanyang paglikha. Dahan-dahan, sa saliw ng gamelan at kulintang na tahimik na tumutugtog sa kanyang isipan, isinayaw niya ang buong Ramayana. Palipat lipat ang tauhan. Minsan si Rama. Minsan si Sita. Minsan si Hanuman. Minsan ang mga puwersa ng kasamaan. Habang ang kabilugan ng buwan ang siyang nagsilbing ilaw at ang kadiliman ng gabi sa may talampas na pilit inaagaw ang liwanag ng buwan ang siyang kanyang naging telon.
Ito ang kanyang huling sayaw kapiling ang mga anino ng kanyang sining. Gusto niya na maging anino na rin lamang.
Bukas, alam niya na muli na naman siyang magiging laman ng mga balita, sa huling pagkakataon.
Comments