![](https://static.wixstatic.com/media/e3ffc0_0633d8220b1e4aedbe875f17842f8c4c~mv2.png/v1/fill/w_842,h_842,al_c,q_90,enc_auto/e3ffc0_0633d8220b1e4aedbe875f17842f8c4c~mv2.png)
Naaliw si Sister Mary Tarcila sa kanyang nabasa sa Facebook. Tungkol ito sa panawagan ng isang Obispo na iboycott ang sineng “Maid in Malacanang” dahil siniraan daw nito diumano ang mga madre. Kung anu-ano ang naglalaro sa isipan niya, at naputol lang ang kanyang pagmumni-muni nang may kumatok sa pintuan ng office niya. Bukas yan, ang sabi niya, sabay pinapasok ang taong kumatok.
Sa unang tingin pa lang sa babae, kahit naka-face mask pa ito, alam na niya ang pakay nito. Natatandaan niya ang mukhang iyon. Mag-aalas sais na ng hapon at napakalakas ng ulan sa labas. Nagdudumilim ang himpapawid na tanaw niya sa bintana, at panaka-naka ay matatalim ang guhit ng mga kidlat na nagpapaliwanag sa kalangitan na sinusundan ng dumadagundong na kulog. Alam niyang hindi biro ang lumabas at magbiyahe ng mga sandalling iyon. Namuo sa isipan niya na may mahalagang dahilan ito. Ang hindi niya inaasahan ay karay-karay ng babae ang kanyang anim na anak na lahat babae, mula sa pinakapanganay na dalaga, hanggang sa pinakabunsong karga pa niya. Natatandaan pa niya na noong isang buwan ay humingi na rin ito ng tulong sa kanila sa Bahay Panuluyan at Kalinga, isang home for abused women na pinapatakbo ng kanyang kongregasyon.
Bago pa pumasok sa kumbento, sanay na si Sister Mary Tarcila sa mga ganitong babae. AB Psychology ang tinapos niya sa Kolehiyo at nag-masters siya ng clinical psychology. Naging espesyalisasyon niya ang mag-counsel at mag-therapy sa mga babaeng dumaan sa lahat ng uri ng pang-aabuso, pisikal man o sikolohikal. Hindi niya masasabing kapatid niya sa karanasan ang mga kababaihang ito, sapagkat ni minsan hindi niya naranasan ang maabuso nang pisikal. Ang totoo nga nito, ilang sa kanya ang mga lalaki. Masyado kasi siyang liberal at agresibo sa kanyang mga pananaw. Ang ama niya ay isa sa pinakamayamang negosyanteng Tsinoy sa Pilipinas at pag-aari ng pamilya nila ang ilang hotels at shopping malls sa bansa. Laki sa layaw, at nabuhay sa marangyang pamumuhay. Laman siya ng mga bars, at naging aliwan niya na ang mga casino. Ang kanyang ina naman ay isa sa mga kilalang socialites sa bansa
Kumuha siya ng Psychology hindi dahil sa ito ang interes niya, kundi isa lamang itong pagrerebelde sa ama niyang ang nais sana ay business management at accountancy ang kunin niya. At dahil humaling na humaling siya sa mga detective shows sa TV, lalo na sa mga karakter na ang specialty ay pag-aralan ang kaisipan ng mga criminal, nagdesisyon siyang Psychology ang kunin. Ito ang tunay na dahilan. Subali't nang tanungin siya ng ama niya kung bakit Psychology ang gusto niyang kurso, nakakuha siya ng pagkakataon na maipaabot dito ang matagal na niyang kinimkim, kahit hindi naman talaga yun ang dahilan.
“Well Dad. What we have is a dysfunctional family. You only crave for money and power. Mom would have nothing to do with mothering and would rather caress her jewelries, and the gigolos she play with because she is terribly bored since Kuya had that accident. And I don’t feel loved. I want to understand us. Therefore, Psychology!”
At yun ang huli nilang pag-uusap ng kanyang ama, na nagdesisyong alisin siya sa kanyang poder kung hindi siya ang susundin. At nang araw na umalis siya sa kanilang mala-palasyong mansion sa Ayala Alabang, ni hindi man lang siya niyakap ng kanyang ina para magpaalam.
At doon niya napagtanto na maaring hindi nga siya inabuso. Pero pinabayaan lang.
Hindi niya kailanman tinanggap ang pinansyal na tulong mula sa kanyang pamilya. Ikinayod niya ang sarili niya at kung anu-ano ang pinasok niyang sideline para matustusan ang kanyang pag-aaral. Naandung nag-model siya ng panty at bra, nagpose ng hubad sa mga art shows, at naging promo girl ng mga pabango at damit. At habang nasa college siya, nagtrabaho siya sa isang NGO na tumutulong sa mga babaeng biktima ng pang-aabuso. At dito nagsimula ang kanyang pagkakaroon ng interes sa ganitong mga klase ng babae.
Nang matapos niya ang kanyang AB Psychology, nagdesisyon siyang mag-volunteer sa Afghanistan para magtrabaho sa mga refugee camps, at naging trabaho niya ang mag-counsel ng mga batang babaeng Afghan na mga ulila at biktima ng giyera doon. Nang matapos ang kanyang volunteer work, umuwi siya sa Pilipinas at bumalik sa pag-aaral bilang masteral student sa clinical psychology. Natapos niya ang kurso, at naipasa niya ang licensure exam at naging ganap na licensed psychologist.
Bagama’t maunlad naman ang kanyang clinical practice, hindi siya ganap na masaya. Parang may kulang. Gusto niyang gumawa ng kakaiba, pero isang gawaing kung saan maipagpatuloy niya ang pagtulong niya sa mga babaeng inaabuso.
Isang araw, tumawag bigla ang kanyang ina at niyaya siyang mag-lunch. Hindi pa rin nagbago ang kanyang ina. Vanidosa pa din. Puno pa rin ng alahas ang katawan. Matronang-matrona. Kinumusta siya. Tinanong kung ano ang mga plano na niya sa buhay. Inaming ang may gustong makipag-usap sa kanya ay ang kanyang ama, ngunit naduwag yata at ang pinadalang emisaryo ay siya na lang. Nais ipaabot ng kanyang ama na balak na nitong mag-retire bilang CEO at Chairman ng Board ng kanilang kumpanya, at gusto sana nitong siya na ang pumalit.
At dito muling napukaw ang rebelyong matagal nang nanahan sa kanyang puso at isipan, na parang humihila sa kanya para takasan ang isang buhay na bagama’t kinagisnan niya sa kabataan niya ay suyang-suya na siya.
“Papasok ako sa pagka-madre,” ang biglang namutawi sa labi niya. “Tell that to Dad. I don’t want his company.”
At dito nagsimula ang kanyang pagpapalit ng anyo, at dito isinilang si Sister Mary Tarcila. At sa ngayon, muli niyang hinaharap ang isa na namang kaso ng inabusong babae, kasama na pati ang kanyang anim na anak. Ito ang babaeng sinabihan niya noon na huwag nang balikan ang kanyang asawang masahol pa sa hayop dahil paulit-ulit hinahalay ang kanyang mga anak na babae. At tandang-tanda pa niya ang sinabi ng babaeng ito.
“Papaano po ang aking pamilya? Kawawa naman po ang mga anak ko. Ayoko po silang lumaki na sira ang kanilang pamilya.”
Nais niya noong sapakin at bulyawan ang babae at ipamukha dito na matagal nang nasira ang pamilya niya mula noong unang pagkakataong hinalay ng asawa niya ang kanyang panganay. At patuloy itong nasisira habang inuulit niya ang panghahalay sa iba pa niyang anak. Gusto niyang ireport na agad-agad ang lalaki sa pulisya, ngunit nagmakaawa ang babae noon. At para kontrahin ang kanyang galit, ay sinalat na lang niya ang rosaryong nakakakabit sa kanyang sinturon. Kung hindi nga lang siya isang madre, at hindi siya nakagapos sa code of ethics ng kanyang pagiging therapist-counselor, matagal niya nang isinuplong sa pulis ang hayop na lalaking iyon.
At heto uli ngayon ang babae, pero ang kakaiba ay kasama niya na pati ang mga anak niya. Dama niya na may bagong pasanin ang babae, kita sa kanyang mga namumugtong mata at mga malalim na buntong-hininga.
“Ano po ang nangyari,” tanong niya.
“Sister, iba na po ito. Promise hindi na po ako babalik sa hayop na yun,” ang sagot ng babae.
“Mabuti naman po. Hindi po ko kayo pipiliting sabihin ang dahilan, nasa sa inyo po ang desisyon. Basta andito lang po kami sa Bahay Panuluyan,” malumanay niyang sagot.
“Okay lang po sister. Ang hayup na yun. Pati ba naman ang tatlong taong gulang naming anak, pinagtangkaan pang halayin. Hindi ko na po mapalalagpas yun.” Ang sagot ng babae.
Pinigilan niya ang sarili niya. Subali’t gusto niyang pagsalitaan ang babae na wala dapat siyang pinalagpas, kahit noon pa. Hindi dapat niyang hinayaan ang mga nakakatandang anak niyang babae ay gawing parausan ng kahayupan ng kanilang sariling ama.
Pero dahil madre siya, at psychologist pa, wala siyang magawa kundi salatin na lang ang rosaryong nakasabit sa kanyang sinturon.
Nang matapos ang kanilang pag-uusap, tinawag niya na ang kanyang secretary-assistant at sinabihang ihanda ang isang room para sa babae at ang kanyang mga anak. Pakatapos nito ay inalis niya ang kanyang face mask na lalong nagpapatindi sa kanyang pakiramdam na parang hindi siya makahinga. Nagmamadali siyang uminom ng tubig at lumabas sa opisina. Kailangan niya ng hangin. Kailangan niyang huminga. Kailangang niyang magpahinga.
Pumasok siya sa kusina at naabutan niya ang mag-asawang Cardo at Dalisay, driver at kusinera ng Bahay Panuluyan at Kalinga. Amoy na amoy ang pritong galunggong at ginisang munggo na magiging hapunan nila. Subalit hindi siya gutom. Iba ang hanap niya.
Tiningnan niya si Cardo, na tila alam na ang kanyang hinahanap. Basang-basa naman sa kanyang mukha ang stress. Inabutan siya ng sigarilyo ni Cardo. Isang hitit lang, okay na siya. Hindi naman kasalanan ang manigarilyo ang mga madre, wala namang nakasulat sa banal na aklat. At isang hitit at buga ng usok ang kanyang pinakawalan. Isa lang na ang katumbas ay isang session ng therapy na hindi niya magawa sa sarili niya.
Tiningnan niya si Dalisay. Makahulugang tingin. Kinindatan niya habang inginuso niya ang isang mesang kuwadrado sa may tabi ng hapag kainan. Ngumiti si Dalisay at saglit na lumisan, habang siya ay umupo sa mesang kwadrado na hinahanda na ni Cardo at binabalutan ng parang kumot na pranela. Pagbalik ni Dalisay ay may dala-dala na itong maliit na kahon, habang kasunod naman si Sister Mary Nancy Grace, ang isa pang madre na kasamahan niya, na nakangiti na bumati sa kanya. Kanya-kanya na silang upo sa paligid ng kuwadradong mesa, habang binuksan ni Dalisay ang maliit na kahon at binuhos sa mesa ang laman nitong mga pitsa ng mahjong.
Tandang-tanda ni Sister Mary Tarcila ang larong ito. Ito ang siya na lang mabuting ala-alang natatandaan niya sa kanilang mala-palasyong mansion sa Ayala Alabang. Ito na lamang ang nagsisilbing tali niya sa kanyang pinagmulan, na nagdudulot sa kanya ng aliw at saya. Kahit noong maliit pa siya, musika na sa kanya ang tunog ng mga hinahalong pitsa. Naging libangan niya ang mga pong, kang, chow at todas na naririnig niya, at nagkakaroon pa nga siya ng mga panaginip na naghahalo siya ng pitsa. Nagsilbing parang last song syndrome pa sa kanya ito.
At higit sa lahat, tanging ang mahjong na lamang ang naiwan sa kanyang ala-ala ng kanyang pamilya bilang isang pamilya. Ang dad at mom niya, ang kuya niya bago ito namatay sa accidental drug overdose, at siya. Ito lang ang aktibidad na pinagsaluhan nila na mas higit pa sa bilang ng pagkain nila nang sama-sama.
At sa mga panahong siya ay stressed at kailangan ng pamilya, lalo na at ang kanyang laging nasasaksihan ay mga salaysay at kwento ng mga pamilyang winasak ng pang-aabuso, ay tanging ang paglalaro na lamang ng mahjong, kahit walang pusta, ang nagpapasaya sa kanya. Kailangan niya ito. Ito ang kanyang therapy para makabangon siya muli sa bigat ng loob ng dulot ng mga kuwento ng mga wasak na pamilyang araw-araw niyang hinaharap. Sa paghahalo at pagsasalat ng mga pitsa naaalala niya ang kanyang wasak ding pamilya. Kahit man lang sa paghahalo at pagsasalat ng mga pitsa mabuo ito.
Kaya laking tuwa niya nang malaman niyang marunong maglaro ng mahjong si Cardo at Dalisay, at pinagsikapan nilang tatlo na turuang maglaro si Sister Mary Nancy Grace.
Habang sila ay naghahalo ng pitsa, ay biglang nagtanong si Sister Mary Nancy Grace.
“Sister, ano masasabi niyo tungkol doon sa panawagan nang Obispo laban sa sineng ‘Maid in Malacanang,’ lalo na doon sa mga madreng nagmamahjong?,” sabay hagikhik. Medyo may pagka-masayahing tao talaga itong si Sister Mary Nancy Grace na lubos na kinaaliwan ni Sister Mary Tarcila, bukod sa kasabwat niya ito sa maraming bagay. Katulad din niya kasing liberal mag-isip.
“Hay naku Sister. Ang daming problema ng bansa natin. Ang daming babaeng inaabuso at sinasaktan. Ang daming pamilyang wasak at hindi buo. Ang daming babaeng hindi ligtas sa kanilang tahanan. Ang daming naghihintay na matulungan natin. Yan ang gusto kong pagka-abalahan ng simbahan, hindi yang mga bagay na yan,” ang sagot niya.
“Pero Sister, kanina tumawag ang ating mga Superiors. Meron daw na papaikuting statement na dapat nating pirmahan. Ipapadala daw nila sa email kung hindi ngayong gabi ay bukas. Pipirma ba tayo, sister?,” tanong ni Sister Mary Nancy Grace.
“Sister, nasa sa iyo kung pipirma ka. Sa akin kasi, mas malinaw kung alin ang mas importante. Ano ba ang ating misyon? May kabuluhan ba na pagtuunan ng pansin ang isang eksena lamang sa isang pelikula,’ ang tanong niya.
At dito sumabat na si Dalisay. “Pero Sister, propaganda daw kasi ang eksena. Paninira para lang pabanguhin ang pangalan ng kasalukuyang nakaupo sa palasyo.”
Si Cardo naman, tila inip-na inip nang simulan ang laro, at niroll na ang dice. “Ako ang mano. Game na tayo,” ang sabi niya. Sabay tapon ng seven char. "Ano ba kasi ang masama sa mahjong?," ang hirit niya.
“Pong!,” sigaw ni Sister Mary Tarcila. Ramdam niya na mukhang sisiwertihin siya sa hitsura ng kanyang mga pitsa. Waiting na siya agad. Isang tapon na lang
“Alam niyo,” ang sabi niya, “Walang masama sa mahjong kung hindi naman ito sugal at laro lang. At hindi naman tayo nagsusugal.” Sabay tapon sa eight balls.
“At pag ako tinanong kung pipirma ako, ang sasabihin ko sa kanila ay ito. Mahirap humarap sa mga babaeng biktima ng pang-aabuso, at kailangan ko ng lakas at sigla para patuloy na makapagsilbi sa kanila. Maliban sa pagsalat sa aking rosaryo para mapigilan ko ang sarili kong pagsalitaan ng masama ang mga babaeng nagpapakatanga at bugbog-sarado na nga ay gusto pang balikan ang mga asawa nila, ang pagsalat ng mga pitsa ang nakakapagbigay sa akin ng lakas na harapin ang mga babaeng gatalong na ang mukha, mga buntis na bugbog sarado, at mga babaeng may paso ng plantsa ang likod. Mga batang babaeng ginahasa ng sarili nilang mga ama. Sa pagsalat lang ng rosaryo at mga pitsa, okay na ako.”
At may nagtapon ng seven sticks. “Okay! Mahjong na ako!” Sigaw ni Sister Mary Tarcila.
Comments