Ang huli niyang alaala sa kanyang ina ay ang kaway nito habang siya ay palabas ng bahay papasok sa trabaho. Tanda pa niya ang huling usap nila noong nakaraang gabi, habang sila ay naghahapunan ng pansit, fried chicken at coke. Kaarawan ni Aling Natalia kahapon, at bagama’t gusto niyang ilabas ito para ipagdiwang ang espesyal na araw na iyon, ay minabuti ng nanay niya na sa bahay na lang sila, silang dalawa na lang ang magsalo, at bumili na lang siya ng simpleng handa.
Sila na lang naman talagang dalawa ang naiwan, mula noong araw na iniwan sila ng kaniyang ama noong siya ay nasa Grade 1 pa lamang. Tandang-tanda niya ang impiyernong buhay na meron sila, ang araw-araw na pagmamalupit ng kanyang ama hindi lamang sa kanya kundi sa kanyang ina. Walang ginawang matino ang tatay niya. Babaero, lasenggero, sugarol – halos lahat na yata ng sumpa na pwedeng dalhin ng isang masamang ama at asawa ay tangan ng tatay niya, at naging pasanin nilang dalawa ng nanay niya. Bugbog sarado ang kanyang ina sa kamay ng kanyang ama, at maging siya ay hindi nakaligtas sa kalupitan nito. At hindi pa nasiyahan sa kalupitang dulot niya sa mga pisikal nilang katawan, minsan ay harapan pang nagdadala ito ng babae at hayagan silang naghaharutan sa loob ng kuwarto habang silang mag-ina ay nagtitiis at pilit sinusupil ang kanilang mga pandinig upang hindi mapakinggan ang mga kahalayang nagaganap.
Para siya noong naaagnas sa murang isipan niya, hindi para sa kanya kundi para sa kanyang ina.
Kaya noong araw na natagpuang puno ng saksak ang kanyang ama na nakatimbuwang sa maruming kanal malapit sa labasan, sa halip na siya ay malungkot, siya ay nagdiwang. Malaya na sila ng ina niya. Wala na ang halimaw. Wala nang mananakit sa kanila.
Iginapang ng ina niya ang kanyang paglaki. Tumanggap ito ng mga labada, at nanilbihan din bilang arawang katulong sa isang malapit na subdibisyon. Maganda ang nanay niya at maraming sumubok manligaw subalit hindi na ito nagkainteres mag-asawang muli. Inubos nito ang oras niya sa pag-aalaga sa kanya. Elementarya hanggang highschool, inatika nitong matustusan ang pag-aaral niya sa isang pribadong eskwelahan.
Hindi nakapag-tapos ng kolehiyo si Aling Natalia. Hanggang high school lang tinapos niya bago siya binuntis ng kanyang ama. Ang sabi-sabi pa nga, na narinig niya mula sa mga kamag-anak nila, ay hinalay pa nga daw ng ama niya ang nanay niya kaya napilitan na lamang itong magpakasal para makaligtas sa kahihiyan. Subalit mariing itinanggi ni Aling Natalia ang kuwentong ito nang tanungin niya ito tungkol dito.
“Hindi anak. Produkto ka ng pagmamahalan. Minahal ko naman ang tatay mo. Ginusto ko naman na mabuntis, at isa yan sa hindi ko kailanman pagsisisihan. Naging impiyerno man ang buhay ko sa ama mo, ikaw naman ang anghel na kapalit nito.”
Mapagmahal at mapag-arugang ina kay Loloy si Aling Natalia. Kaya bilang kapalit ay sinikap niyang maging isang mabuti at magaling na estudyante. Nilalait pa nga ang nanay niya ng mga kapitbahay at tinawag na ambisyosa, kasi hirap na nga sa buhay ay sa private school pa na mataas ang bayarin siya pilit ipinasok. Subalit desidido si Aling Natalia. Hindi nga siya nakapag-aral, pero gagawin niya ang lahat upang makakuha ng magandang edukasyon si Loloy.
Kaya halos nakatungtong si Loloy sa ulap noong tinawag ang pangalan niya hindi lamang sa iisang pagkakataon, kundi sa dalawa. “Cirilo Bagonghasa. Valedictorian.” Una noong elementary, at pagkatapos ng apat na taon, sa Highschool naman. At hindi pa kasama dito ang taunang pag-akyat nila sa entablado para sabitan siya ng medalya sa pagiging first honors niya, at pinakamagaling sa hindi na mabilang na kategorya, magmula sa “cleanest uniform” at “most friendly” hanggang sa “best in reading” at “best in math.” At kasama din dyan ang dose-dosenang mga medalya niya sa mga paligsahan sa spelling, oratorical contests, declamation, at maging sa pagiging “best athlete of the year.”
Kayod marino naman si Aling Natalia, at dinoble pa ang kanyang pagtanggap ng mga labahin. Ang nagtulak sa kanya ay ang masidhing pagnanais na maitawid ang pag-aaral ni Loloy. Ang hindi lang niya mapigilan ay ang unti-unting paghina ng kanyang resistensya at katawan. Pero bagama’t ramdam na ni Aling Natalia ito, ay pilit niya itong itinago. Ayaw ng nanay niya na mag-alala siya.
Maswerte naman si Loloy na natanggap siya sa isang scholarship para makapag-aral sa UP Diliman sa kursong Mass Communication. Subali’t dahil malayo sa kanila ang campus, ay naging pasanin pa rin ng mag-ina ang gastusin sa pamasahe araw-araw, bukod sa pagod na naramdaman niya sa kanyang katawan. Muli, nag-atika si Aling Natalia na siya ay tumira sa dormitory sa kalaunan.
Lalong naging problema ng mag-ina ang mga requirements na kailangan ng gastos, na hindi naman sagot ng scholarship. Kasama na dito ang gastusin sa mga school projects, ang mga kailangang samahan na field trips, at sa dakong huli ay ang gastusin sa internship at thesis. Ramdam ni Loloy ang bigat ng kalooban ng ina, na alam niyang hirap na hirap na subalit laging kung sa paanong mahika ay may pinaghuhugutan ng pera.
Bilang ganti, pilit ding binigyan ni Loloy na kaunting rangya ang kanyang ina. Pinag-ipunan niya mula sa kanyang allowance at stipend na maibili ito ng smartphone, kahit yung mumurahin lang. Binigyan niya ng panahon para makapamasyal sa mall kasama niya, o kaya ay ng kanyang mga kaibigang kapitbahay. Simple lang pero kahit papaano ay naipadama niya sa kanyang ina ang kaunting rangya sa buhay, maging ito man ay pagkain paminsan-minsan sa labas, o ang panonood ng sine at pamamasyal.
At nakapagtapos nga si Loloy. Magna cum laude. AB Mass Communication. Wala silang pagsidlan ng galak ng nanay niya. Sulit lahat ang paghihirap nilang dalawa.
Subalit hindi pala ganoon kadali maghanap ng trabaho, kahit tapos ka pa ng UP, at Magna cum laude ka pa. Ilang network at pahayagan na ang inapplyan ni Loloy subalit sa kung anong kadahilanang ay tila wala siyang swerte. Siguro dahil kulang siya masyado sa personalidad. Hindi siya matikas. Hindi guwapo. Walang dating sa camera. Kahit na nga siya ay magaling magsalita, at ang patunay nito ay ang napakarami niyang nakuhang medalya sa oratorical at declamation contests, hindi naman siya naging Ginoong Highschool. Hindi niya namana ang ganda ng nanay niya, at siguro nga siya ang sumapo ng sama ng loob nito at lahat ito ay naibunton ng masamang kapalaran sa kanyang mukha. Lipas na ang panahon na kahit hindi ganun kaganda ay nagiging broadcaster. Ngayon, kailangan artistahin ka na rin. Kahit nga sa radio, ayaw pa rin sa kanya dahil nga siguro sa nakakunekta na rin ito sa video streaming.
At dito niya naisip na mag-apply na lang sa call center sa may Cubao. Dito, hindi kailangang ng gandang lalake, Sapat na ang magandang boses at ang galing sa pagsasalita.
Ayaw niya sanang tanggapin ang trabaho bagama’t medyo may kataasan din naman ang sweldo. May problema siya sa kumpanya. Ito ay isang collection agency, at ang trabaho niya ay mangulekta ng mga pautang, at magtawag, at manakot sa mga taong hindi makabayad.
Umuwi siyang guluhan ang isip. Kailangan niya ng trabaho para makatulong sa ina niya. Subalit kakayanin niya ba ang trabahong ganito? Ito ang naglalaro sa isipan niya nang nakatanggap siya ng text mula sa kapitbahay. Magmadali daw siya at nasa barangay health center ang nanay niya. Nahilo at nanikip ang dibdib. Nagmamadali siyang umuwi at tumungo agad sa nanay niya na naabutan niyang nakahiga sa clinic. Mataas ang blood pressure ng nanay niya, sabi ng duktor sa clinic. At medyo iregular ang tibok ng puso. Pinayuhan siyang dalhin at patingnan sa espesyalista ang nanay niya.
At dito nakapagpasiya si Loloy na tanggapin na lang ang trabaho sa call center bilang tagasingil ng utang. Kailangan niya kasi. Para sa nanay niya, handa niyang gawin ang lahat.
At doon, unti-unti, ginamit ni Loloy ang kanyang boses, ang kanyang perfect diction, para mangulit, manakot, mambwisit at magbanta sa mga hindi makabayad ng utang. Kinalimutan nya na ang awa sa sarili, ang kanyag pagyuko at pagtanggap ng ganitong trabaho samantalang graduate siya ng Mass Communication sa UP, at Magna cum laude pa. Para ito sa nanay niya. At kinalimutan na rin niya ang awa sa iba.
Walang sinayang na oras si Loloy. Dinala niya agad si Aling Natalia sa espesyalista. Maraming tests, at mas lalong napakaraming gamot. Ang mamahal, pero kailangang bilihin kahit walang diskwento kasi hindi pa naman senior citizen ang nanay niya.
Matagal siyang iginapang ng nanay niya. Siya naman ngayon ang kailangang gumapang para maalagaan ito, para mabayaran niya ang napakarami niya nang utang na loob, kahit na ang kapalit ay ang isang trabahong pinagkakitaan ang miserableng buhay ng ibang hindi makabayad ng utang nila at ginawang kapital ang pagsupil niya sa awa niya sa kapwa.
Pumasok si Loloy ng araw na yun. Isang normal na araw sa kanyang opisina, na parang isang call-center. Ang naabutan niya ay ang napakadaming kasamahan niya na may kausap sa iba’t-ibang linya.
Iba-ibang klase ng tao ang nakakausap ni Loloy sa trabahong ito. May housewife, may pari, may pulis, may estudyante, may artista pa nga. Lahat iisa ang kapalaran. Mga taong hindi makabayad ng utang.
At heto na naman siya. Ang una sa ticket niya ay isang propesor sa isang sikat na Unibersidad sa Manila na may utang sa isang credit card company. Kailangan niya na namang takutin at pagsinungalingan na idedemanda at ipapahuli, at may mga ahente na ng NBI na handa siyang dakpin kapag hindi siya magbayad. Alam naman niya, at lahat ng nagtatrabaho sa collection company nila na hindi sila pwedeng magkaso sapagkat binili lang naman ng company nila ang paniningil ng mga utang sa mg bangko at credit card companies na matagal nang nakakulekta sa mga insurance, at kung saan idedeklara nila na pagkalugi ang mga utang na hindi nabayaran at bawas na sa tax.
Pero heto siya, ginagamit ang natutunan niyang communication skills sa UP, with matching voice modulation at theatrical na intonation, para mangulekta sa mga walang malay na tao para mabawi ang ginamit ng company nang binili nila ang mga utang na ito sa mga financial na institution.
Nakikiusap ang propesor sa kabilang linya na bigyan siya ng palugit. Nagmamatigas si Loloy at sinabing matagal nang lipas ang palugit, at kailangan nang bayaran sa lalong madaling panahon kundi ay magpapalabas na sila ng arrest warrant. Isa itong kasinungalingang hindi matanggap ng kanyang sikmura, ngunit napapawi ang kanyang agam-agam habang naisip niya ang kanyang inang may sakit. Umaarte siyang masamang tao at walang awa para lamang kumita.
Tinanong siya minsan ng nanay niya kung ano ang trabaho niya. Ang sinabi lang niya sa call center. Pero hindi niya sinabi kung anong klase ng mga tawag ang pinoproseso niya. Alam niya kasing hindi ito tatanggapin ni Aling Natalia nang maluwag sa dibdib.
Handa na sana siyang tawagan ang isa na namang case pero tumunog ang telepono niya. Text ng kapitbahay. Umuwi daw siya ngayon na at may emergency. Naisip niya agad ang nanay niya.
Nagpaalam agad siya sa supervisor nila at nagmamadaling umuwi.
Malayo pa lang siya at nasa labasan nang nakita niya na ang napakaraming taong naguusyoso sa kanilang bahay. Patakbo niyang tinungo ang kanilang bahay, at doon niya nakita ang kanyang ina. Walang buhay na nakahimlay sa kama habang ang matalik na kaibigan nito ay umiiyak sa tabi.
“Bakit po? Anong nangyari sa kanya?,” ang tanong niya habang yapos niya ang kanyang walang buhay na ina.
“Inatake. Bigla na lang natumba,” ang sagot ng kaibigan.
“Bakit po? Nakalimutan niya po bang inumin ang gamot niya? Ano po bang ginagawa niya?,” tanong niya ule.
“Hindi niya ba nasabi sa iyo? Kahit noong una siyang inatake, meron na kasing tumatawag sa kanya sa telepono. Ninerbiyos siya lagi,” ang sagot.
“Tawag? Mula kanino? Tungkol po saan?,” pasigaw niyang itinanong.
“Naniningil ng pautang. Matagal na kasing may utang ang nanay mo sa credit card, yung pinapamigay ng libre sa mall. Ayaw niya ngang gamitin noon pero kinailangan mo kasi ng dagdag panggastos sa tesis mo at napilitang gamitin ng nanay mo na pambili ng mga materyales na kailangan mo noon ang card. E hindi niya mabayaran, lumaki na nang lumaki ang interes. Sabi ko naman sabihin sa iyo pero ayaw niya. Kaninang umaga tumawag na naman ang collection company, at tinatakot na naman siya. Ipapapulis na daw siya. Ayun, bigla na lang natumba.,” ang sagot sa kanya ng kaibigan.
Parang gumuho ang mundo ni Loloy nang marinig niya ito.
“Ano, ano pong pangalan ng kumpanyang tumatawag sa kanya?,” muling pasigaw niyang itinanong.
“Alliance Credit Collection yata yun,” ang sagot.
At dito, parang naupos na kandila si Loloy. Alliance Credit Collection ang pangalan ng pinagtatrabahuhan niyang kumpanya.
Comments