top of page

TSISMIS AT PASABOG

Writer's picture: Antonio ContrerasAntonio Contreras

Updated: Jan 16, 2024



Nagmamadali siyang nagbihis, at nagkape na lamang at nagkasya sa isang pirasong pandesal. Kailangan niyang makausap si Kapitana Cherrie. Importante ang kanyang sasabihin.


Ang huli nilang pag-uusap ni Kapitana ay noong isang buwan pa, kung saan siya ay ipinatawag dahil sa reklamo ni Juliana, na kanyang kapitbahay. Galit na galit noon si Kapitana habang sinisermunan siya, samantalang si Juliana ay iyak nang iyak. Sawang sawa na daw si Kapitana sa kaniya dahil sa mga kaguluhang linikha ng kanyang matabil na dila.


“Isa ka kasing Marites! Sakit mo na yata yan! Ano ka? Salot?” Ito ang tandang-tanda niyang pinagsigawan ni Kapitana, na sa lakas ng boses ay pati ang doble-baba nito ay nanginig. “Bakit mo ipinagkakalat na pokpok itong si Juliana, ayan tuloy hiniwalayan ng kanyang jowang nasa Saudi?”


Gusto niyang magdahilan at ipagtanggol ang sarili niya. Ano ba ang maitatawag mo sa isang babaeng gabi-gabi ibang lalaki ang nakikita niyang pumapasok sa pintuan nito. At dahil magkadikit lang ang mga bahay nila, ay kung anu-anong tunog ng kahalayan ang naririnig niya. Ano siya? Santa? Hindi naman siya manikurista, o masahista. At lalong hindi manggugupit kasi wala namang alam ito, at hindi lang iisang lalaking kalbo ang nakita niyang pumasok sa bahay nito. Anong gugupitin doon?


At masama bang sabihin niya ito sa ina ng boyfriend ni Juliana na hanggang ngayon ay nagtitiis na magtrabaho sa Saudi kahit ilang beses nang pinagtangkaang gahasain doon ng mga Arabo, makaipon lang ng pera para magpakasal sa kanya? Kumakayod at nagtatrabaho sa initan ng disyerto samantalang ang kanyang nobya ay puro kalandian ang ginagawa? Hindi na niya matiis ang mga naririnig niyang mga ingay kapag may kalampungan ito. At ang naging mitsa ay minsan isang araw ay narinig niya itong may kausap sa telepono at nalaman niya kalaunan na ang nobyo niya ang sa kabilang linya. Ang hitad! Naglalambing pa. May pa-I love you pang nalalaman. At ang hindi niya masikmura ay ang sabihin pa nito na lagi naman siyang loyal sa nobyo. Tahasan na itong panloloko.


Hindi paninirang tao ang ginawa niya nang isinumbong niya sa ina ng nobyo ni Juliana ang kanyang mga nalalaman. Para sa kanya, ito ay pakikipagkapwa. Gusto niya lang makatulong, nang makaiwas na ang nobyo sa mas malaking problema kapag siya ay magpapakasal sa malanding kapitbahay niya. Gusto niya lang ituwid ang mga pagsisinungaling at pagtataksil nito.


Subali’t alam niyang hindi na makikinig si Kapitana Cherrie sa mga dahilan niya. Punong-puno na ito sa mga gulo at sumbong na hinarap ng kanyang opisina mula sa mga taong nagreklamo sa kanyang pagiging tsismosa.


Tsismosa. Marites. Yan nga ang bansag sa kanya sa kanilang barangay.


Bagay daw sa kanya ang kanyang pangalan. Dolores. Puro dolor ang dinudulot niya sa kanyang kapwa.


Sa kakaibang dahilan, hindi niya ito matanggap. Dahil kahit ipagpalagay na matabil ang kanyang dila, ilang buhay na ba ang kanyang natulungan dahil sa kanyang katabilan?


Tanda niya pa ang kaso noon ng anak ni Lucing, na sa tingin niya ay abnormal ang pagkilos at pag-uugali. Hindi ito nakakatingin sa tao. At laging nagwawala. Ayaw pang magsalita. At ang nakakatawag pansin ay may kakaibang ugali ito na nalalamang may dadating na delivery o rider kahit wala pa, at inaanunsyo na ito eksaktong limang minuto bago may dumaang rider na nakamutor. Ilang beses niya nang sinabihan si Lucing na patingnan na sa espeyalista ang bata. Pero sa halip na makinig sa kanya, inaway pa siya at inireklamo kay Kapitana dahil sinisiraan daw niya sa mga kapitbahay at sa buong barangay ang anak niya.


O, ano ang nangyari. Hindi ba dahil sa katabilan niya nakarating sa health center ang usapan, at doon nagkainteres ang nurse na ireport sa doctor ang pag-uugali ng bata. Tanda niya pa nang araw na may bumisitang psychologist sa bahay ni Lucing at gusto siyang kausapin at para tingnan ang bata. Ano ang ginawa ni Lucing. Hindi ba sinugod siya at pinagsalitaan na pakialamera. Pero ayun, lumabas na autistic pala ang anak niya, at dahil sa nangyari ay libre nang nakakuha ng serbisyo sa city hall para sa mga batang katulad niya.


Hindi ba tulong yun.?


At naandun din yung nangyari naman sa binatilyong anak ni Loring na si Ivan. Ang gwapong bata noon. Pero ang pinagtataka niya ay kung saan ito kumukuha ng pera at laging maluho ang mga suot, bago ang mga sapatos, at pati ang celfone ay mamahalin, e mahirap pa sa daga ang pamilya, at labandera lang naman si Loring, at lasenggo at batugan ang tatay na si Pulong. Noong una akala niya nagbebenta ng droga ang binatilyo. Pero kilala niya ang lahat ng pusher at user sa kanilang barangay, at hindi kasama doon itong si Ivan. Isang araw nakita niya itong inihatid ng isang magarang kotse. At sa paguusyuso niya ay nasilip niya na ang driver nito ay isang baklang matanda na punung-puno ng alahas ang katawan. At doon siya nagduda na ito ay nagko-call boy.


Ang hindi nakikita nang marami, kahit matabil ang kanyang dila, ay hindi siya tumitira ng patalikod, at sinasabihan niya lagi ang mga apektadong tao. Gaya ni Lucing na ang anak ay may diperensya, at yung sa ina ng nobyo ni Juliana.


Ganyan naman talaga siya, hindi lamang kahit kani-kanino niya ikinikwento ang kanyang mga obserbasyon, suspisyon at sapantaha. Nirereport niya ito sa mga kinauukulan na may responsabilidad sa usapin.


Isa siyang responsableng tsismosa. Isang Marites na ang misyon ay hindi lang manira ng kapwa.


Yan ang nagtulak sa kanya nang kausapin din niya noon si Loring tungkol sa kanyang anak. Inaway pa nga siya nito, at hindi na yun bago sa kanya. Sanay na siya na ang mga tao ayaw maniwala agad sa mga sabi-sabi, at ang tingin sa lahat ng kwento ay tsismis at paninira, at walang katotohanan. Pinagbantaan pa nga siya ni Pulong na makakatikim kung hindi siya titigil sa pagkalat ng paninira sa kanyang anak. Marangal daw na trabaho sa isang call center ang pinagkakakitaan ni Ivan. Call center? Meron bang call center na hinahatid pa ang agent ng boss na bakla?


Isang araw nakita niya si Ivan na parang hinang-hina, at ubo nang ubo. At sa kalaunan nalaman na lang niya na ito pala ay may sakit na nakuha niya sa pakikipagtalik sa mga lalaki. At ayun, buti na lang may gamot na ang HIV-AIDS. Kung nakinig lang sana si Loring at Pulong, e baka napigilan pa sana nila ang pagkakasakit ni Ivan.


At higit sa lahat, itong si Kapitana. Naku, at nakalimutan na yata yung tulong na ginawa niya kaya nanalo siya noong huling barangay election.


Hindi niya ba naalala? Hindi ba dahil sa kanyang matabil na dila ay nabuko ang anomalya ng dating Kapitan na nakalaban niya? Kapitbahay niya ang dating Kapitan. Kaya hindi makakaligtas sa kanyang mga alertong mata ang mga kaganapang nangyayari sa paligid, kahit pa sa gitna ng gabi, kung saan laging may dumadating na tricycle lalo na pag panahon ng bigayan ng ayuda kapag may bagyo o baha, at may mga kahong halatang mabibigat na ibinababa dito at ipinapasok sa bahay ni dating Kapitan. At nung mag-donate si Congresswoman Velarde ng mga gatas pambata, e pati ito ay hindi pinatawad at nakita niyang ipinupuslit e wala naman nang anak na bata, at malalaki na ang mga apo ni Kapitan at wala nang sumususo.


Ano ba ang ginawa niya. Hindi ba ipinagsabi niya sa mga kapitbahay, at kumalat ang balita na parang apoy hanggang sa kasuluk-sulukang looban at kanto ng barangay at naging laman ng usapan ng mga lalaking nagiinuman sa kanto, mga babaeng nagkikwentuhan habang naglalaba sa poso o naghihingutuhan sa mga hagdanan, o kahit na sa mga sala at hapag-kainan, o sa mga higaan. At ito ang nagpabagsak sa dating Kapitan.


Walang utang na loob ang Kapitanang ito.


Kung hindi sa matabil niyang dila, hindi siya mananalo. Sino ba siya? Si Cherriefer Calamai noong dalaga pa na nakapangasawa ng Cacanindin, pero hiniwalayan ng asawa at sumama sa kabit na taga Samar? Dating naglalako lang naman itong si Kapitana Cherrie ng kung anu-ano, mula sa panty at bra hanggang sa mga kakanin. Kahit masarap ang kanyang puto at dinuguan, at maluwag siya kung magpautang, hindi ito sapat para matalo niya ang dating Kapitan na inugatan na sa posisyon at nakasanayan na ng tao. Bukod pa kasi sa pagiging beterano na, e dating artista ito na kasa-kasama pa ni Fernando Poe Jr. noon. Paano siya mananalo?


Pero nanalo itong si Kapitana dahil sa naibulgar na anomalya ni dating Kapitan. Nabulgar sa buong barangay ang mga pangungupit nito ng mga supply at relief goods, at mga donasyon sa barangay, na ang pinagmulan ay walang iba kundi ang kanyang pagiging usyosera at katabilan.


At ngayon, wala nang ibang nakita si Kapitana kundi ang mga kaguluhan at problemang dulot diumano ng kanyang pagiging tsismosa at pakialamera. At noong nagreklamo si Juliana, ay kung pagsalitaan siya ng masasakit ay wagas at wala man lang halo ng utang na loob sa kanya. Tinawag pa siyang isang salot.


Nangako siya sa sarili niyang titigilan niya na ang pagkikwento, at pipigilan niya na ang kanyang katabilan at pangingialam sa buhay ng iba. Mahirap gawin, kasi bahagi na ng kanyang kalikasan ang pagiging mapanuri, magusyoso, mamuna at magkwento. Pero tao rin siyang nasaktan. Masakit na tawagin siyang isang salot. Hindi siya salot.


At tuluyan na ngang hiniwalayan si Juliana ng kanyang nobyo. At patuloy itong nagpapasok ng mga lalaki gabi-gabi sa bahay niya, at tuluyan nang naging bayaran. At patuloy itong pinagkwentuhan sa mga inuman, labahan, hingutuhan, sala at hapag-kainan. At minsan, narinig na lang niyang nagkakagulo sa labas, at nakita niya si Toyang na magbababoy, sinasabunutan si Juliana habang pinagwawasiwasan ito sa maraming pusali sa may tabi ng bahay nila. Pati pala asawa ni Toyang ay pinatulan ni Juliana.


Hindi na lang siya kumibo. Hinayaan na lang niyang ang mga pangyayari ang magsilbi niyang kakampi, at siya nang magsabi ng belat sa lahat ng taong humusga sa kanya, lalo na kay Kapitana.


Sa kahihiyan, umalis si Juliana.


Isang araw, nakita niya na may nakatira na palang bagong lipat sa dating tinitirhan nito. Isang lalaking mukha namang mabait. Maayos manamit. Tahimik. Mukhang may pinag-aralan naman. Tanda niya pa noong araw na ito ay lumipat. Sakay ng mutor, na may dala-dalang mabigat na kahon at isang malaking maleta nakatali sa likod, maliban sa backpack niya.


Nanibago siya dahil dati kung anu-anong ingay ng kahalayan ang naririnig niya sa kabila ng kanyang dingding. Ngayon naman ay katahimikan.


Subalit iba naman ngayon ang kanyang napansin. Amoy pulbura. Amoy paputok. Hindi niya mawari kung bakit ganun ang amoy. Isang gabing umalingasaw sa may bandang tulugan niya ang amoy na iyon, hindi na niya napigilan ang likas niyang pagiging usyosera at pakialamera. Napilitan siyang sumilip sa maliit na siwang sa may haligi ng kwarto niya. At doon niya nakita ang lalaki, abala sa kung anong bagay. Ang nakita niyang kinukutingting nito ay ang mga kawad na kulay pulat at puti, mga electrical tape na inilalagay niya sa isang parang maliit na kahong kulay itim. At nang makita niyang inilapat ng lalaki ang tila isang maliit na timer, doon siya ay biglang napaatras.


Bomba. Isang bomba ang ina-assemble ng kanyang kapitbahay. Walang duda.


Kailangang malaman ito ni Kapitana. Ito ang dahilan kung bakit maaga siyang gumising. Gusto niyang kausapin si Kapitana at sabihin ang kanyang nakita.


Sa bungad pa lang ng Barangay, nakita niya na si Kapitana na nakasimangot. Tinanong siya kung ano na naman ba ang kalokohang sasabihin niya. Talaga yatang hindi na maalis sa isipan ni Kapitana ang kanyang pagiging tsismosa, at hindi nito pansin na nagbago na siya.


Pero ngayon, hindi tsismis ang dala niya. Kailangan niyang isiwalat ang nakita niya. Inilahad niya dito ang kanyang nasaksihan na ginagawa ng kapitbahay niyang bagong lipat.


“Naku, Dolores, kung anu-ano na namang ang iniimbento mo. Hindi mo ba alam na pwede kitang ipahuli dahil isang krimen ang paggagawa ng mga kwento-kwento tungkol sa bomba,” Ang sabi sa kanya ni Kapitana. "Umayos ka nga!"


Hindi siya pinaniwalaan. Hindi naman siya yung sinungaling na batang lalaki na ginagawang kwento lamang ang banta ng isang mabangis na lobo. Hindi lang siya ang mapapahamak dito kapag tama ang kanyang suspetsa. Maraming tao ang mamamatay.


Matabil man si Dolores, wala sa sakop ng kanyang katabilan na makakita sa malayuan, at hindi siya katulad ng anak ni Lucing na autistic na may kakayahang maramdaman ang tunog ng mutor ng mga rider kahit malayo pa ito, limang minuto bago sila mapadaan. Hindi siya kinasihan ng kakayahang sumipat ng laman ng backpack. Hindi tuloy niya nakita na sumakay sa mutor ang lalaki, papuntang Mall of Asia. Hindi niya napansin ang pagdaan ng lalaki sa harap ng Barangay Hall habang sinisermunan siya ni Kapitana, at laman ng backpack ng lalaki ang bombang inassemble nito. Hindi abot ng kanyang pagiging usyosera ang masilip ang nalalapit na lagim na gigimbal sa araw na yun sa buong Metro Manila at sa buong bansa.


Isa lamang siyang tsismosa, isang Marites na hindi na pinaniniwalaan. Ano ang magagawa niya.

111 views0 comments

Recent Posts

See All

TROLL

תגובות


Tonton Contreras Creations

©2022 by Tonton Contreras Creations. Proudly created with Wix.com

bottom of page