![](https://static.wixstatic.com/media/e3ffc0_ba03fa4d928a4b6cbb55d34f73f0f51c~mv2.png/v1/fill/w_842,h_842,al_c,q_90,enc_auto/e3ffc0_ba03fa4d928a4b6cbb55d34f73f0f51c~mv2.png)
Lumaki si Claudia na may malalim na galit na namuo hindi lamang sa kanyang puso kundi sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa. Sagad sa buto. Sa kanyang balingkinitan at matikas na anyo, na naging kapital niya upang makilalang isa sa mga sikat na modelo noong kabataan niya, hindi nahalata na halos makuba ng kanyang galit na naging bigat niyang pasanin ang kanyang buong pagkatao. Dito siya nakilala ni Anton Alabastro, na nag-iisang tagapagmana ng mayamang haciendero sa Negros at nagmamay-ari din ng mga taniman ng saging at pinya sa Mindanao. Dito unang nabuo ang kanyang matagal na plinanong paghihiganti bilang kabayaran sa sinapit ng kanyang lolo at lola, at ng kanyang ama. Si Anton ang naging daan niya upang magkaroon ng puwang sa mundo ng mayayaman at makapangyarihan sa bansa.
Ginamit niya ang kanyang katawan. Inakit niya si Anton, na ang buong akala ay siya ang panginoon at si Claudia ang alipin. Nasanay sa rangya, yaman at layaw. Ang akala ay lahat ng babae ay pwede niyang paglaruan. Hindi alam ng mayamang erederong una niyang nakilala sa isang fashion show na kanyang sinalihan na siya ang ginamit ni Claudia.
Claudia Verdad, na di kalaunan ay naging Claudia Alabastro. At hindi lamang is Anton ang inakit at pinasayaw ni Claudia sa kanyang mga palad. Ang ama nitong si Don Gregorio at ang Inang is Donya Conchita, sampu ng lahat ng alta sosyedad sa Negros, at sa Davao at Bukidnon. Para siyang brillanteng kuminang sa lahat, at lubusang natakpan ng kanyang mga ngiti, pakikipagkamay, pakikipag-beso-beso at pakikipag-ututang dila, ng napakaraming party, at shopping, at cruise, at spa na kasama ang mga matronang asawa ng mga panginoon may lupaing tinaman ng tubo, pinya at saging, ang kanyang tunay na pakay – ang gamitin sila lahat upang makapahiganti sa mga nagkakautang sa kanya. Matagal na siyang nagtanim ng pagkasuklam, at pinaghandaan niya ang araw na ito ay kanyang aanihin.
Si Claudia Verdad ay lumaki sa piling ng isang amang buo man ang katawang matipuno, ay wasak at lasug-lasug ang pagkatao at kaluluwa. Nakabaon dito ang lagim na kanyang nasaksihan. Bata pa si Virgilio na ama ni Claudia nang una niyang nasilayan ang mukha ng mga demonyo, nang gabing nagising siya sa malakas na pagsigaw at pagmamakaawa ng kanyang ina. Dahan-dahan siyang lumabas sa kwarto sa itaas ng kanilang bahay at sinilip ang nangyayari sa ibaba. Hindi niya makakalimutan ang tagpong iyun. Nakahandusay ang ama ni Virgilio na si Manuel at duguan habang nakaluhod ang kayang inang si Julia, magkadaop ang palad habang nakatingala sa isang nilalang na noon lang niya nakilala. Sumisigaw, umiiyak ang ina, humihingi ng tawad sa lalaking kausap para sa kasalanan ng kanyang ama, sa isang bagay na hindi niya lubusang maintindihan. Sa halip na maawa, isang malakas na suntok ang pinatikim ng lalaki sa ina.
Hindi napigilan ni Virgilio ang sarili. Sa murang isipan hindi siya nakaramdam ng panganib, at nagpupuyus ang kanyang damdamin habang tumakbo paibaba para ipagtanggol ang ina. Sinugod niya ang lalaki at kinagat nang mariin sa kamay hanggang dumgo ito. Isang malakas na bigwas ang pinakawalan nito na siyang naging sanhi para siya ay tumilapon sa sahig. Tinakbo siya ng kanyang ina para yakapin. Muling nakiusap sa lalaki na huwag siyang idamay.
Sa labas, nagpupuyus ang langit at malalakas na kulog at kidlat ang nagsalimbayan sa kalangitan. Nagbabadya ng lagim na hanggang ngayon ay buhay na buhay sa dibdib ni Claudia, isang ala-ala na ipinamana sa kanya ng kanyang ama.
Tandang-tanda pa ni Claudia ang kwento ng ama. Damang-dama pa ng kanyang ama ang takot habang ginugunita nito ang sandaling inutusan ng lalaking nagbuhat ng kamay sa kanya at sa kanyang Lola Julia ang kanyang dalawa pang kasama – ang ikalawa at ikatlong demonyo. Kinaladkad ng unang demonyo ang kanyang Lola sa buhok habang ang kanyang ama naman ay marahas na hinila palabas ng ikalawang demonyo, samantalang hila-hila naman ng ikatlong demonyo ang noon ay wala nang malay niyang si Lolo Manuel. Habang kinikwento ito ng kanyang Ama, damang-dama ni Claudia ang takot na umiiral sa mura nitong isipan noon. Apat na taon pa lamang noon ang ama niyang si Virgilio, na ang tunay na apelyido ay Cruzado, at hindi Verdad.
Sa labas, tumambad kay Virgilio ang grupo ng mga armadong kalalakihan na kasamahan ng dalawang demonyo.
“Tapusin na natin ang mga ito,” ang sabi ng unang demonyo.
“Pati ang bata?,” ang patawang tanong ng ikalawang demonyo na may halong pangungutya.
“Pag sinabig lahat, lahat!,” ang sagot ng ikatlong demonyo.
At doon nasaksihan ni Virgilio Cruzado ang kaawa-awang sinapit ng mga magulang. Sinipa ng unang demonyo ang katawan ng ama nitong si Manuel, ang Lolo Manuel ni Claudia, at itinihaya na gamit ang paa. At nang ito ay nakatihaya ay walang awa itong binaril sa mukha.
Ang ina naman ni Virgilio, ang Lola Julia ni Claudia, ay hinawakan ng ikalawang demonyo sa buhok, pilit na ipinasok ang dulo ng hawak na baril sa bibig nito, at pinaputukan ng walang awa.
Sa murang isipan ni Virgilio, ang ama ni Claudia, lahat ito ay naging mga bangungot na paulit-ulit na dumalaw sa kanya para gambalain ang kanyang mga gabi, at sirain ang kanyang mga araw. Hindi na nito namalayan ang kanyang inakalang kamatayan, kung saan pinaputukan siya ng baril ng ikatlong demonyo.
Umalis ang mga demonyo at ang kanilang mga kampon na inakalang patay na siya.
Tama nga naman sila. Para sa ama ni Claudia, sa mga pagkakataong iyun ay para na rin siyang pinatay. At para kay Claudia, ang tatlong demonyo ang nagkait sa kanya ng isang normal na ama.
Nang makaalis na ang pangkat ng mga sumalakay sa Hacienda ng mga Cruzado, na galing sa kampo ng mga nakaaway ni Manuel sa usapin ng pulitika, na may kinalaman din sa lupa, saka lamang naglakas loob si Telesforo na isa sa mga hardinero nila sa Hacienda, na siya lamang bukod tanging nakaligtas sa ginawang pag-masaker sa hacienda, na ikinamatay ng lahat ng kasambahay, trabahador at guwardya, para lapitan ang bangkay ng mga amo. At dito niya natuklasan na bagamat bangkay na si Don Manuel at Donya Julia, ay nag-aagaw buhay si Virgilio.
Kinarga niya ito at dinala sa kanyang kubo sa hindi kalayuan na nasa labas ng Hacienda. Andun niya inabutang nagtatago ang kanyang asawang si Ibyang, na tuwang-tuwa nang makita siyang buhay. Inakala nito na kasama siya sa nasawi. Hindi naging lingid kay Ibyang ang pag-masaker sa mga Cruzado dahil dinig na dinig niya ang putukan, sigawan at iyakan. Nanlulumo siya dahil alam niyang hindi lamang ang Don at Donya ang nasawi. Nadamay din sampu ang mga inosente nilang mga tauhan, na halos lahat ay kakilala nila ng asawa niyang si Telesforo.
Makatapos gamutin ni Ibyang sa pamamagitan ng pagtapal ng mga dahon ang mga sugat ni Virgilio, na mapalad dahil hindi malalim, bagkus ay daplis lamang, ay minabuti ng mag-asawa na magpakalyu-layo. Sila ay umalis ng Negros at nagdesisyong lumikas papuntang Antique sa kamag-anak ni Telesforo. At dito pinalabas ng mag-asawa na anak nila si Virgilio, na kinilala na sa apelyido ng mag-asawa na Verdad.
Samantala, bagama’t napabalita ang malagim na sinapit ng Hacienda Cruzado, walang naglakas ng loob na imbestigahan ito. Makapangyarihan ang mga demonyo. Kapartido nila ang nakaupong Presidente noon, at si Manuel Cruzado ay galing sa oposisyon. Ang mga pamilya ng nabiktima ng masaker ay napilitang manahimik, at ang iba nga ni hindi nagkalakas ng loob ng iburol at ilibing ang mga mahal sa buhay sa takot na baka sila madamay. Sa kalaunan tuluyan nang nabaon sa limot ang sinapit ng mga Cruzado, sampu ng mga tauhan nila.
Tanging si Virgilio Verdad, na dapat sana ang pangalan ay Virgilio Cruzado, ang hindi nakalimot. Hindi siya kailanman nakalimot. Naging permanenting residente ng kanyang isipan ang mukha ng tatlong demonyo. Hindi nagkulang si Telesforo at Ibyang sa pagpapalaki sa kanya na may paggalang sa kapwa, at ang magkaroon ng mga pangarap tulad ng ibang bata. Subali’t nakamarka na sa kanyang pagkatao ang poot. Dala dala niya itong hanggang sa kanyang pag-aaral sa Maynila, kung saan na siya nanirahan.
Hindi naging normal ang paglaki at pagbibinata ni Virgilio. May mga pagkakataong hindi siya makatulong. At pag siya ay nakakatulog, siya naman ay malimit bangungutin. At pag siya ay gising, siya naman ay laging tulala.
Hindi dayuhan si Claudia sa pinagdaanang hirap ng ama. Nanahan na rin sa puso at pagkatao niya ang galit at ang hangaring makapaghiganti na siyang naging laman ng diwa at alaala ng kanyang ama. Tanda niya pa ang malalim na takot nito sa dilim, at sa baril. Hindi ito makakilos ng normal kapag may nakikitang mga inaakalang may armas o mukhang mga bodyguard. Inaakala lagi na mga tauhan ito ng mga demonyo na pumatay sa kanyang mga magulang.
Ang buhay ng kanyang amang si Virgilio ay naging isang pasanin ng kanyang mga mahal sa buhay. Ang tanging naging liwanag sa buhay nito ay ang kanyang inang si Celia, isang nurse na sa kung anong dahilan ay minahal ang kanyang ama sa kabila ng mga problemang dala nito. Si Celia ang bumuo sa wasak at durog na pagkatao ni Virgilio. Ito ang naging haligi at sandigan, at ang naging kaganapan ng isang buhay na hanggang namatay ay walang sinambit kundi ang tatlong demonyo ng kanyang mapait at malagim na kabataan.
Mahal na mahal ni Claudia ang ama. At sa mura niyang edad, namuo sa kanyang isipan na siya ang tutupad sa mga adhikain nito. Gusto man ng amang maghiganti, wala na itong lakas ng isip, at lakas ng katawan. Pumanaw ang kanyang ama ng siya ay nasa high school pa lamang, at pinangako niya dito na wala siyang ibang ambisyon kundi ang pagbayarin ang mga demonyong siyang naging sanhi nang lahat ng paghihirap ng kanyang ama. Noong college naman namatay ang kanyang inang si Celia.
Mag-isa sa buhay, lumaban si Claudia na gamit ang poot para pasukuin, amuin, karinyuhin at gamitin ang lahat sa paligid. Ginamit ang gandang minana sa Lola Julia, talinong galing sa Lolo Manuel niya at pakikipag-ugnayan sa tao na ipinamana ng kanyang ina sa kanya para matupad ang hindi nagawa ng kanyang ama Kung ang ibang dalaga ay ang ambisyon ay mag-asawa ng mayaman para sumaya, inambisyon ni Claudia na maging mayaman para pumatay. Lahat ay nakaplano sa kanya.
Si Anton Alabastro, plinano niya. Ang mga Alabastro ang nauna sa kanyang listahan. Si Gregorio Alabastro ay anak ni Paquito Alabastro, ang hacienderong bumaril sa kanyang ama at inakalang patay na ito. Apo si Anton ng ikatlong demonyo.
Napakadali ang paghihiganti sa mga Alabastro. Namatay si Donya Conchita sa atake sa puso at hindi niya ito kagagawan. Subalit ang kamatayan ni Don Gregorio ay hindi aksidente. Napakadaling alisan ng preno ang sasakyan nito, na siyang dahilan ng pagkahulog nito sa bangin.
At si Anton, ang pobreng si Anton. Ang tagapagmana ng lahat ng ari-arian ng mga Alabastro. Ang bobong si Anton. Hindi na niya ito kailangang patayin, dahil wala itong utak. Kung tutuusin, iniligtas pa nga niya ang pag-aari ng mga Alabastro, ang hacienda sa Negros, ang malawak na taniman ng pinya at saging sa Davao at Bukidnon, at ang iba pang mga ari-arian na kasama sa Jin Conglomerate. Pinalago lahat ito ni Claudia, gamit ang kanyang mga kuneksyon, ang kanyang katawan, ang kanyang talino. Ang kanyang pagiging tuso.
Napakadaling papirmahin si Anton sa mga kasulatan para mapalipat sa kanya ang lahat ng kayamanan ng mga Alabastro. At habang pinagmamasdan niya ang unti-unti pagkaupos ng pagkalalaki ni Anton, hindi niya maikakaila na ang nakikita niya ay kung paano binaril ng Lolo nito ang kanyang ama. Tama lang na ang wasak at durog na si Anton ang kabayaran sa kasalanan ng kanyang Lolo. Si Anton na sa ngayon ay umaasa na lamang sa droga para magkaroon ng katwiran ang buhay, mga drogang kontrolado niya, at siyang pang-blackmail niya para sumunod ito.
At ngayon nga, si Claudia Alabastro na ang President at CEO ng Jin Conglomerate. Pinakamayaman at pinakabatang babaeng CEO sa bansa.
At habang pinagmamasdan niya ang kaguluhan na dulot ng pagsabog sa Las Palmas, at ang balitang isa si Vice President Miriam Labrador sa nasawi, ay walang pagsidlan ang kanyang galak. Sa wakas, nakaganti na siya sa unang demonyo, ang may pakana ng lahat na nangyari sa Hacienda Cruzado at sa pamilya ng kanyang Ama. Ang dating Presidente na ama ni Miriam Labrador ang bumaril sa kanyang Lolo Manuel, ang lolo niyang walang kalaban-laban at wala nang malay.
Subalit may mas matamis pa na higit sa makitang ang pag-asa para mabuhay ang dinastiyang pulitikal ng mga Labrador ngayon ay patay na. Wala na si Miriam. Hindi na ito magiging Presidente tulad ng demonyo nitong ama na ngayon ay balitang imbalido na.
Mas higit sa makitang bumagsak anh dinastiya ng mga Labrador ang makita ang pagbagsak ng mga Valderrama.
Kahit na nga hindi ang mga tunay na Valderrama ang kanyang kaaway. Walang kasalanan sa kanya ang mga Valderrama.
Ang malaki ang pagkakautang sa kanya ay ang mga anak ni Guada Valderrama, na hindi naman mga totoong Valderrama. Si Evelyn Valderrama. Si Eric at Araceli Valderrama. Mga huwad silang Valderrama. Sila ay mga anak ni Guada sa kalaguyo nitong si Procopio Delfin. Si Procopio Delfin, na dating sundalong taga-Negros ang ikalawang demonyong pumatay sa kanyang Lola Julia.
Nagsisimula pa lamang si Claudia.
At ninamnam niya ang pagkakataong kinasihan siya ng magandang kapalaran. Iisang bomba. Dalawang demonyo ang napuruhan niya.
Hindi man lang pumasok sa isip niya na may bago nang demonyo.
Muli niyang dinampot ang kanyang telepono at may tinawagan.
“Yes, Atty. I am calling to ask you. I need your advice on how to acquire a university.”
Comments