top of page

3 ANG MGA USUAL SUSPECTS (UNIVERSIDAD, BOOK 2)

Writer's picture: Antonio ContrerasAntonio Contreras

Updated: Jan 25, 2024





Tinitigan ni Carlos Mesina, Chief of Police ng Las Palmas, ang babaeng kausap niya.  Pero hindi ang magandang mukha nito ang nasa isip niya kundi ang dala-dala nitong impormasyon. Alam niyang mahalaga ito sa imbestigasyong isinasagawa kaugnay ng pagsabog na ikinasawi ng maraming tao.  Ang opisyal na bilang ng casualty ay siyam na daan at limampu, habang isang libo tatlong daan at apat na pu at dalawa ang nasugatan, marami dito ay malubha.  Kasama sa mga nasawi ay si Antolin de Mesa na asawa ng kasalukuyang Congresswoman ng distritong may sakop sa Las Palmas na si Henrietta.  Nasawi din si Mayor Sumague.  At ang pinaka-prominenteng casualty ang Bise Presidente mismo ng bansa na si Miriam Labrador.

 

Tatlumpung kasapi ng Faculty ang kasama sa casualties, samantalang tuluyan nang binawian ng buhay ang Dekano ng College of Arts and Humanities na si Demeterio Estacio at ng College of Law na si Retired Justice Atanacio Atanacio.  Binawian din ng buhay ang nag-iisang Summa Cum Laude Graduate na si Dominic Atienza, na may iniwang pamilyang nagluluksa, at isang katipang ngayon ay nasa harapan ni Carlos Mesina. 

 

Hindi niya alam kung paniniwalaan niya agad-agad si Krisandra Montes, and dalagang nasa harap niya.  Alam niyang masakit ang mawalan ng mahal sa buhay.  Hindi imposible na baka naghahanap lang ito nang masisisi sa sinapit ng nobyo.

 

Bagama’t natakpan ng mas malaking balita ng pagsabog ng Coliseum, isa sa mga katanungang bumabagabag sa isipan ni Carlos ay kung sino ang nasa likod ng pagpapalabas ng video sa bulwagan na nasaksihan ng lahat bago pa sumabog ang bomba.  Higit siyang interesado sa kung sino ang may pakana sapagkat sangkot sa naturang video ang kanyang anak na si Lander na nakitang nakikipagtalik sa kapwa nito lalaki, ang aktibistang si Migz Rallos.  Ang eksenang iyun ay tumambad kasunod ng mga footages ng trahedyang dumalaw sa buong bayan ng Las Palmas kumakailan nang masira at bumigay ang dam na naglalaman ng mga nakalalasong basura at kemikal na pagmamay-ari ng University of South Central Philippines. 

 

At ang kasagutan sa mga katanungang ito ang siya ngayong laman ng impormasyong ibinahagi sa kanya ni Binibining Montes.

 

Interesado siyang malaman hindi lamang dahil sa isa itong kontra-salaysay sa lumalabas na balitang ang may pakana ng pagsabog ay ang mga maka-kaliwang puwersa, at ang mga kapanalig nito sa loob ng Campus, sa pangunguna ni Migz Rallos na Presidente ng Student Council, at ni Alejandro Maravillas na Presidente ng Union ng mga Faculty at Empleyado ng Universidad.  Maingay ngayon sa social media ang mga vloggers na kapanalig ng nasirang si Bise Presidente Labrador.  Iisa ang tono ng mga sinasabi – na ito ay kagagawan ng mga komunista.  Sa Las Palmas, makikitang nakapaskel sa mga pampublikong lugar ang mga posters at tarpaulin ng naglalaman ng mga anti-communist propaganda. 

 

Sa UP, may mga aktibistang binugbog ng mga di-nakikilalang mga kalalakihan na naka-face mask habang nasa loob ng isang Starbucks branch sa may Katipunan.  Sinunog naman ang isang kilalang bahay na tagpuan ng mga maka-kaliwang estudyante sa University Belt.  Sa Davao ay nakita na lang na nakabulagta sa kalye ang isang student leader.  At naulit ang karahasan na nauwi sa kamatayan ng mga aktibista at union leaders sa maraming lugar pa sa bansa. Kumikilos na ang mga galamay ng mga Labrador.

 

Nagpalabas ng sentimyento ang mga retiradong Heneral na lalong pinaigting ang red-tagging na ngayon ay lumawak na at idinamay ang lahat ng progresibong puwersa sa bansa.  Ang mga pulitikong kaalyado ng mga Labrador ay naging maingay hindi lamang sa social media kundi sa mainstream media, at pati na sa Senado at sa Mababang Kapulungan.  Pati si President Redentor Rivero ay hindi nakaligtas, bagkus ay naging oportunidad ng makakanang mga puwersa na batikusin ito, at binansagang ahente ng Komunismo.  Ang iba pa nga ay pinaratangan pa itong may kinalaman sa pagsabog, o di kaya naman ay ang siyang tunay na utak sa ngayon ng binansagan nilang isang state-sponsored terrorism para patayin ang nangungunang boses ng konserbatismo at militarismo sa bansa at tagapagmana ng dinastiyang pulitikal ng mga Labrador.

 

“Ito ang napapala natin sa pagkakaroon ng Presidenteng liberal at progresibo,” ang paulit-ulit na sinasabi ng marami.  Naging trending sa social media ang mga hashtag na #DeathtoCommunism, #JusticeforMiriam, at #RememberLasPalmas.

 

Sa Las Palmas, laman ng ingay sa mga usap-usapan sa kalye, mga tambayan, inuman, barber shop, kainan at maging sa loob ng mga tahanan habang naghuhuntahan ang mga pamilya at magkakaibigan, ang nakakabagabag na katanungan – nasaan si Migz Rallos at si Alejandro Maravillas nang mangyari ang pagsabog?  Bakit hindi nakitang dumalo sa Graduation si Alejandro samantalang ito ay kasapi ng Faculty, at miyembro pa nga ng Board of Trustees bilang kinatawan ng mga Union.  At ang mga pagtatanong na ito ay iisa ang tinutungo, ang lambungan ng malisya at pagdududa si Migz at si Alejandro na siyang may pakana sa pagsabog. 

 

Subali’t para kay Carlos Mesina, ang mas nakakabahala sa kanya ay ang pagkadawit ng kanyang anak na si Lander.  Naging maingay ang tsismisan tungkol sa relasyon nito kay Migz Rallos, at naging laman ang mga eksenang mahalay na natunghayan ng buong madla, na nagpapakita ng mga dapat sana para sa marami ay isang kahihiyang itinago.  Sayang daw si Lander at Migz, ang gagandang lalaki, matitikas at matitipuno, subali’t mga bakla pala.  Ito ang naging laman ng mga usapang naging daluyan ng pangmamata at hindi pag-unawa sa naiibang uri ng pagmamahalan. Hindi pa nga siguro handa ang Las Palmas, maging ang Pilipinas, para makitang ang dalawang lalaki ay naghahalikan at nagtatalik.

 

Kahit si Carlos Mesina ay hindi pa rin handa.  Masakit at mabigat na ang anak niyang matagal na hindi nakita, dahil itinago ito sa kanya ni Evelyn sa matagal na panahon, ay isa palang bakla.  At ang lalo pang nagpapahirap sa kanya ay nadagdagan ang pabigat na dala niya dahil ang anak niyang ito ngayon ay pinararatangan na ring may kinalaman sa nangyaring pambobomba.

 

“Galit si Lander sa mga Valderrama.”

 

“Hindi nakakapagtaka na magsama sila ng kanyang boyfriend na isa ring aktibistang komunista para sirain ang mga Valderrama.”

 

Ito ang mga naririnig sa mga usap-usapan hindi lamang sa kalye, kundi maging sa social media.

 

Mabigat ang dilemma na hinaharap ni Carlos.  Isa siyang retiradong militar na dinambana ang kanyang pagkalalaki, at binuhay niya ang toxic masculinity sa kanyang pagkatao.  Isa sa mga tinugis niya gamit ang toxic masculinity na ito ay ang mga komunistang rebelde.  At ngayon, ang anak niya na bukod na para sa kanya ay may kulang sa pagkalalaki, ay nakipag-ugnayan pa sa isang komunista.

 

Subali’t anak niya ito.  Hinanap niya ito nang matagal.  Kaytagal ng mga panahong kanyang hinintay para makasama ito at makilala.  Hindi sila nagka-anak ng kanyang tunay na asawa, at ito lamang ang kanyang nag-iisang anak sa mundong ito.

 

Mahal na mahal niya si Lander, at sa mga panahong ito ay wala na siyang pakialam kung ito ay bakla at may nobyong komunista.

 

At sa obhetibo niyang pag-iisip bilang isang imbestigador na may kasanayang sumiyasat ng mga krimen, may mga butas ang anggulo na pinaparatang kay Lander at Migz.  At yun ay nagmumula sa videong ipinalabas sa Graduation bago pa sumabog ang bomba sa Coliseum ng University of South Central Philippines.

 

Ang nilalaman ng video ay masyadong obvious na incriminating sa dalawa.  Hindi naman tanga si Lander at Migz para maglabas ng video na naglalaman ng mga eksenang ikakapahamak nila.  At hindi lamang ito tungkol sa mga eksenang nagpapakita ng consensual sex acts sa pagitan nilang dalawa.  Mas matingkad ang self-incrimination sa mga eksenang nagpakita ng trahedyang gawa ng mga Valderrama patungkol sa nangyaring pagbaha dahil sa pagkawasak ng dam sa Las Palmas. Mga eksena ito na tila nagmistulang mga hintuturo na itinuro si Migz, sampu ng mga aktibistang nagprotesta laban sa mga Valderrama.  Masyadong hindi kapani-paniwala ang ipinapahiwatig ng video, kung babasahin sa konteksto nang pagsangkot kay Migz at Lander sa pagsabog.

 

Ito ang mariin niyang sinabi sa mga kinatawan ng NBI at PNP-CIDG na dumalaw sa opisina niya kahapon.  Bagama’t sang-ayon siya na persons of interest si Migz at Lander, at pati na rin si Alejandro Maravilla, na hanggang ngayon ay nawawala at hindi alam kung saan, ay hindi dapat nalilimitahan lamang sa anggulong gawain ng mga komunistang terorista ang nangyaring pagsabog.

 

Ang hindi nagustuhan ni Carlos ay ang sinabi ng NBI agent na isa sa mga kausap niya. “Tapusin na natin ang imbestigasyon.  Lalo na itong kay Rallos. Sabihin na nating mensahe ito para sa mga komunista na nga ay bakla pa,” na sinabayan pa ng tawa.

 

Hindi napigilan ni Carlos ang sarili at pinadama sa NBI agent ang saloobin. “Sir, mukhang foul naman yang sinabi mo.  Mga imbestigador po tayo.  Hindi tayo dapat nakakahon sa mga prejudices natin.”

 

Hanggang sa ngayon ay dinig na dinig pa rin ni Carlos ang sagot sa kanya naman ng kinatawang ng PNP-CIDG, na may ranggong mas mataas sa kanya. “What he hell, Mesina!?  Well, sa tingin ko ikaw ang hindi na objective dito dahil sangkot ang balita ay anak mo pala na boyfriend ng bakla.  Kung ako sa iyo kausapin mo yang anak mo.  Meanwhile, you are effectively removed from the investigation, understood?”

 

Kahit na tinanggap ni Carlos ang pag-alis sa kanya sa imbestigasyon, ay minabuti niyang sa kanyang sariling inisyatibo ay kakalap pa rin ng impormasyon.  Hindi lamang ito para sa anak niya, kundi para sa katotohanan.

 

At ang isang bersyon ng katotohanan ay nasa harap niya na dala-dala ni Krisandra Montes, ang nobya ng isa sa mga nasawi sa malagim na pagsabog.

 

Mga isang oras nang nakaalis si Krisandra Montes sa opisina niya, at ngayon nga ay mag-aalas sais na ng hapon.  Nag-aagaw na ang dilim at Liwanag sa labas.  Nagbabadya na naman ng isang malakas na ulan sa may kanlurang bahagi ng papawirin sa direksyon ng lawa ng Laguna.  Parang may unos na naman na dadating, na parang sinasabayan pa ang mga kaguluhang naglalaro sa kanyang isipan na iniwan ng kanyang pakikipag-usap kay Krisandra.

 

Si Krisandra Montes ay kasamahan ni Paula Barredo sa University Pep Squad.  Si Barredo ay ang dating nobya ni Migz Rallos.  At ang isinawalat ni Montes ay isang impormasyong naglagay ng butas sa naratibong si Migz ang may pakana ng pambobomba, at sa halip ngayon ay nagtuturo sa direksyon ni Barredo at ng isang taong hindi na nagulat si Carlos na masasangkot sa mga ganitong kaguluhan – si Jake Valderrama. 

 

Isa si Krisandra Montes sa mga naging saksi sa galit ni Paula Barredo kay Migz at kay Lander Valderrama, at mismong siya ang sinabihan nitong gagawa siya ng paraan para makaganti.  At ayon kay Montes, hindi mag-isa si Paula, at may kasapakat ito sa kanyang maitim na plano.

 

Isinalaysay ni Paula ang naulinigan niyang usapan sa pagitan ni Paula Barredo at ni Jake Valderrama, na anak ni Eric Valderrama, at dinig na dinig niya ang plano ng dalawa na guluhin ang graduation ceremonies para ipahiya si Migz at Lander. 

 

At dito binalikan ni Carlos ang mga pangyayari kung saan nasangkot si Jake sa mga kaguluhan, kasama na ang pambubugbog niya kasama ang mga brod niya sa fraternity kay Migz.  Alam din niya na matagal nang may gusto si Jake kay Paula.  At sumagi din sa isipan niya ang maaaring isa pang motibo ni Jake para gumanti kay Lander.  Posibleng ipinaghihiganti nito ang kanyang amang si Eric, na sa mga panahong iyon ay may malalim na galit sa kapatid na si Evelyn na hindi lamang naging bagong Presidente ng Universidad, kundi siya ding nagtulak para alisin sa kanilang mga puwesto si Eric bilang Vice President for Academics at ang isa pa nilang kapatid na si Araceli, na tiyahin ni Jake, bilang Vice President for Administration.

 

Pero ganun pa man, at tulak ng kanyang likas na pagiging imbestigador, andun pa rin sa kanya ang pagdududa kung kaya ba ni Paula at Jake ang ganitong klase ng kademonyohan at kasamahan.  Hindi niya basta maisantabi na ang ama ni Paula ay miyembro ng Board of Trustees at nasa entablado nang sumabog ang bomba, at isa sa mga malubhang nasugatan, at maswereng nakaligtas at nabuhay, subalit kailangang putulan ng paa. Alam ni Paula na naandun ang kanyang ama, at kahit anong galit niya kay Migz at Lander, ay hindi nito maatim na ilagay ang ama sa panganib.

 

Naisip din ni Carlos na mas malamang si Jake pa ang may predisposisyon na magplano ng krimen.  At dito sinariwa niya ang kaso ng babaeng ginahasa nito at tinangkang patayin, at iniwan lamang sa tabi ng tambakan ng basura, isang kasong hanggang ngayon ay buhay at pilit pinagtatakpan ng mga Valderrama.  Kaya ni Jake pumatay, kung gugustuhin niya.  Wala itong sinisino.  Lulong ito sa droga.  Anak mayaman, at lumalangoy sa pribilehiyo na alam niyang magpoprotekta sa kanya.

 

Subali’t para maisagawa ni Jake ang plano, kailangan niya ang kooperasyon ng iba.  Sino?  Ganun na ba siya kasama?

 

At dito pumasok sa isipan ni Carlos na kung may mas sasama pa kay Jake, wala nang iba kundi si Eric na ama nito.  Si Eric na marami nang krimeng ginawa, mga taong tinakot at sinaktan, kasama na mismo ang asawa nitong si Deborrah, na minsan nakarelasyon ni Carlos noong wala pa silang mga asawa.  Si Carlos mismo ay naging obheto ng pananakot ni Eric.  At hindi rin lingid sa kanyang kaalaman na marami nang pinapatay si Eric. 

 

Bumalik sa kanyang isipan ang nauna na niyang itinanong sa sarili nang makita niya si Eric, kasama si Araceli, sa gumuhong Coliseum makataps ang pagsabog.

 

Posibleng si Eric kaya ang utak ng pambobomba?  Maaring hiwalay na kaso ang video, na maaaring si Jake at Paula ang may pakana, subalit hindi sila ang nasa likod ng pambobomba.  Maaring si Eric Valderrama.

 

May motibo si Eric sa krimen.  Nais niyang gantihan si Evelyn na sa isipan niya ay ninakaw sa kanya ang posisyong dapat sa kanya, ang pagiging Presidente ng Universidad.  At lalo pang umigting ang kanyang galit nang pinangunahan nito ang Board of Trustees para alisin siya sa puwesto bilang Vice President for Academics.  At malaking tanong kung bakit wala siya sa Graduation.  Wala rin sa Graduation si Araceli.  Alam kaya ni Araceli ito?  Kasapakat kaya ni Eric si Araceli?  Plinano ba ng magkapatid na patayin ang bunso nilang si Evelyn? At dinamay din nilang paghigantihan ang mga miyembro ng Board of Trustees na nagtraydor sa kanila?

 

Ang daming katanungan na naglaro sa isipan ni Carlos, na nabasag lang ng nag-ring ang kanyang celfone.  “Nasaan ka?,” ang tanong niya sa kausap. Bakas sa mukha ni Carlos ang labis na pagkabahala.  “Ano?,” ang naging tugon siya sa sagot sa kanya.

 

Sa isang madilim na iskinita sa may likod ng Universidad, na lugar ng mga dormitory ng mga estudyante, at mga kainan, na punong-puno lagi ng mga tao, subali’t ngayon ay tahimik, tila naging isang libingan sa kawalan ng mga estudyante na nagsiuwian na sa kani-kanilang bayan nang ideklara muna ng Universidad ang kanselasyon ng lahat ng klase at trabaho bunga ng nangyaring pagsabog, naandun sa isang madilim na sulok si Lander at Migz, takot na takot na nasusumiksik sa likod ng mga nakatambak na basura. 

 

Kanina pa sila nagtatago mula pa nang nakatanggap sila ng tawag mula sa isang kaibigan ni Migz na may naghahanap sa kanilang dalawa na mga nakasakay sa mutor.  Dala lang kanilang mga backpack, ay nagmamadaling umalis ang dalawa sa inuupahang bahay ni Migz, at hindi pa sila nakakalayo ay nakita nila sa may kalayuan ang mga lalaking nakamutor.  Alam nilang nasa panganib ang buhay nila.

 

Kung saan saan sila pumunta at nagpalipat-lipat para magtago. At ngayon ay nasa isang madilim silang eskinita, nakakubli sila sa mga basurang itinapon ng isang ihawan na popular sa mga mag-aaral. Bagama’t balot ng takot, dahil alam kapwa ni Lander at Migz na nasa peligro ang buhay nila, ang tanging pinagkukunan nila ng lakas ng loob ang malamang kahit papaano ay magkasama silang dalawa.

 

Unti-unti nilang nabanaagan sa dilim ang anino ng isa sa mga lalaking humahabol sa kanila.  May dala itong baril.  Papalapit sa kanila.  Wala na silang matatakbuhan.  Dead-end ang lugar, at nasa dulo ito ng eskinita.  Katapusan na nila ito, ang naisip ng dalawa.  At sa sandaling iyon, magkayakap silang namaalam, mariin at buong pagmamahalang hinalikan ang isa’t-isa.

 

Habang sila ay nakapikit, nakarinig sila nang malakas na tunog na parang may bumagsak sa semento.  Nang buksan nila ang mata nila, nabanaagan nilang nakahandusay na sa semento ang lalaking humahabol sa kanila.

 

At bumungad sa kanila ang mukha ni Carlos Mesina.

 

“Sumunod kayo sa akin.  Madali!,” ang mariing utos ni Carlos sa kanila. “Hindi na kayo ligtas dito.”

 

At walang pag-aatubiling tumayo si Lander at hinila si Migz, at tumalima sa ama.

31 views0 comments

Recent Posts

See All

Komentáře


Tonton Contreras Creations

©2022 by Tonton Contreras Creations. Proudly created with Wix.com

bottom of page