![](https://static.wixstatic.com/media/e3ffc0_370002a450514717b4728df3a1612e24~mv2.png/v1/fill/w_842,h_842,al_c,q_90,enc_auto/e3ffc0_370002a450514717b4728df3a1612e24~mv2.png)
Nakamasid siya sa malaking TV Screen sa kanyang opisina sa Makati. Laman na ng lahat ng balita ang malagim na pagsabog sa Las Palmas sa okasyon ng Graduation Ceremonies ng University of South Central Philippines. Abala ang lahat. Isa na itong national crisis dahil isa sa mga napaulat na nasa Sports Coliseum ng Unibersidad na kung saan naganap ang pagsabog ay ang Bise Presidente na si Miriam Labrador, na siyang dapat sanang Commencement Speaker.
Kitangkita ang nawasak na malaking bahagi ng Coliseum. Ang mga bakas na iniwan ng bomba sa isang bulwagang kani-kanina lamang ay puno ng mga magsisipagtapos at ng kanilang mga pamilya. Kani-kanina lamang ay balot ng kasiyahan ang bulwagan, ng mga magulang na sa wakas ay makikita ang kanilang mga anak na tatanggap ng katibayang sila ay tapos na. At ang mga estudyanteng puno ng mga pangarap habang tinatanaw ang mundong handa na sanang sumalubong sa kanila. May kabuuang tatlong libo, isang daan at limampu ang dapat sana ay ga-graduate ng araw na yun, sa lahat ng degrees hanggang sa pagka-doctorate. Andun din ang mayoriya ng mga kasapi ng faculty ng iba’t-ibang Kolehiyo ng Universidad. Andun ang lahat ng mga opisyal, na pinamumunuan ng lahat ng Dekano at iba pang mga kasapi ng Executive Committee, ang lahat ng kasapi ng Board of Trustees, at ang Presidente ng Unibersidad na si Dr. Evelyn Valderrama.
Tanging ang mga kapatid ni Evelyn na si Eric at Araceli, na kumakailan lamang ay inalisan ng kani-kanilang mga administrative appointments, kahit na nga kasapi pa rin silang ng Board of Trustees dahil sa ang pamilya nila ang nag-mamay-ari ng Unibersidad, ang hindi dumalo.
At naandun ang ilang pulitiko. Andun si Congresswoman Henrietta De Mesa, na balitang kakandidato sa pagka-Gobernador ng lalawigan, at ang kanyang asawang si Antolin na may balak humalili sa kanya sa Kongreso. Andun din si Mayor Pancho Sumague, na balak ding tumakbo sa pagka-Congressman at siyang makakalaban ni Antolin De Mesa sa posisyong ito.
Subali’t ang lahat ng atensyon ng media ay nakatuon sa kinahinatnan ni Bise Presidente Labrador, na nitong mga huling araw ay nasangkot sa kontrobersya dahil sa kanyang mga inilabas na statement na tahasang kinokontra ang nakaupong Presidente, si Redentor Riverona na dati niyang kaalyado noong nakaraang eleksyon. Kagaya ng ama ni Miriam Labrador na si dating Presidente Juancho Labrador, konserbatibo at maka-kanan ang Bise-Presidente. Nasa likod niya ang maraming retiradong heneral, at ang mga puwersang kontra sa aktibismo at sa mga liberal na isinusulong ng mga aktibista, lalo na ang mga lantay na mga maka-kaliwa.
Ito ang naging ugat ng hindi na maitagong hidwaan nila ng Presidente , na bagama’t galing sa angkan ng mayayamang political dynasty sa Mindanao na nakilalang may mga private armies, at nasangkot sa katiwalian, ay tila gustong pabanguhin ang pangalan ng pamilya at ngayon ay sumusulong ng mga reporma hindi lamang sa mga pulitikal na usapin, kundi maging sa mga usaping panlipunan.
Kinakatigan ni President Romero ang peace talks sa mga rebeldeng maka-kaliwa, at isinusulong niya ang divorce, same sex marriages, at ang paglilegalisa ng abortion sa bansa sa mga kaso ng incest, rape at kapag ang buhay na ng ina ang nakataya. Nais din niyang ireporma ang sistema ng edukasyon sa bansa, at isinusulong niya ang pagbabago sa sistema ng gobyerno mula Presidential patungong Federal-parliamentary.
Bagama’t naging popular si President Rivero sa mga kabataan at intellectual, na dati at galit sa pamilya niya, hindi siya sinusuportahan ng mga retiradong heneral, at pati na rin ng Simbahang Katoliko at iba pang mga relihiyon na hindi komportable sa kanyang mga liberal na kaisipan.
Tahasang magkakontra sa ideyolohiya si Rivero at ang kanyang Bise. Para na silang langis at tubig. At hindi nagustuhan ng mga aktibistang estudyante, at ng Faculty Union, na binubuo ng mga progresibong puwersa, ang pag-imbita ng Unibersidad kay Labrador upang maging Commencement Speaker. Ito ang isa sa nilalaman ng protesta ng mga estudyante sa pumuno ni Migz Rallos at ng kanyang boyfriend na si Lander, and rebeldeng anak ni Evelyn na tubong Amerika. At ito din ang naging hinaing ni Alejandro Maravilla, ang Presidente ng Union ng mga nagkakaisang empleyado ng Unibersidad. Bakit si Labrador pa ang inimbatahan. Sana ay si Rivero na lamang.
Nasaan si Labrador, yan ang tanong ng lahat ng reporters na nag-uulat mula sa pinangyarihan ng pagsabog. Sa mga panahong iyo, tila bagang ang mga sugatang dumalo, kabilang ang mga nasawi -- ang mga estudyanteng magsisipagtapos, ang mga magulang nila, ay hindi Mahalaga.
Hindi maiwasan na ngayon pa lamang ay marami nang ugung-ugong na ang Bise Presidente ang tunay na target ng pagsabog.
Subalit hindi ito ang pangunahing nasa isipan ni Police Lt. Col. Carlos Mesina, na bagama’t may bahagyang sugat sa katawan ay milagrong ligtas at buhay. Matapos matulig ang kanyang tenga sa nakakabinging pagsabog, at halos di makakita sa nakakasilaw na tila bagong-taong selebrasyon subalit hindi ligaya ang dulot kundi lagim, sa gitna ng mga sigaw at iyak, at umaalingasaw na amoy magkahalong amoy ng pulbura at kamatayan, hindi si Labrador ang una niyang hinahanap kundi si Evelyn, ang Presidente ng Unibersidad, ang dati niyang kasintahan. At nag-aalala din siya kung pati ang kanyang anak na si Lander, na ngayon lang niya nakilala bilang anak kay Evelyn, ay nadamay. Alam niyang namumuno ito ng mga protesta sa labas kanina, subali't andun pa rin ang pangamba para sa kanyang anak.
Ang pangamba ay napalitan ng magkahalong pagkagulat at saya nang makita niyang tumatakbo pupunta sa guhong bahagi ng Coliseum si Lander, na kasama ang student leader na si Migz Rallos. Bakas ang takot at pangamba sa mukha ng mga ito. Halos kasunod naman nila ang naghuhumangos na magkapatid na si Araceli at Eric, na kapwa tila tulala at nakapinta sa mga mukha ang panlulumo sa nakitang destruksyon sa paligid.
Sa lambong ng lagim at pagkawasak, unti-unting nagsisilabasan ang mga anino ng mga nakaligtas, na para bagang mga zombie na balot ng alikabok, mga duguang katawan, mga mukhang may marka ng lagim na humalili sa masaya sanang okasyong ito. Nabanaagan ni Carlos ang ilang mga miyembro ng Executive Committee ng Universidad, at ilang mga Dekano, na ang iba ay duguan at sugatan. Mukhang walang kaliwang kamay ang Dekano ng College of Arts and Humanities na si Demeterio Estacio, habang malubha ang sugat sa ulo ni Retired Justice Atanacio Atanacio na Dekano ng College of Law. Nabubulabog ang buong bulwagan ng mga hiyawan at iyakan, mga pagtawag ng pangalan ng mga magulang sa kanilang mga anak, at mga anak sa kanilang mga magulang.
At sa gitna ng kaguluhang ito, nakita niya si Dr. Pastor Baldemor na Dekano ng Coillege of Engineering na may akay-akay na isang babaeng duguan ang damit, subalit buhay.
Si Evelyn. Buhay si Evelyn. Patakbo itong sinalubong ni Lander at niyakap. Nakalimutan ni Carlos ang sarili at sinabayan ang anak na yakapin ang ina, ang kanyang minamahal na si Evelyn, na noon ay tila isang buhay na bangkay na nagugulumihanan sa kapaligirang amoy pulbura, dugo at kamatayan. Hindi nito napigilan ang mapasigaw manangis na para bang mula sa kailaliman ng kanyang kalooban, hindi mawari kung dahil sa sakit na nadarama, o sa natunghayang kinasadlakan ng Unibersidad na kanyaang pinamumunuan, at tuluyang mawalan ng ulirat. Tinawag ni Carlos ang mga rescue team na malapit sa lugar, na tumalima naman agad at nilagay si Evelyn sa stretcher. Katulad ng iba pang sugatan at nag-aagaw buhay, itinakbo ng ambulansya si Evelyn para madala sa ospital. Sumama si Lander sa ina, subalit nagpaiwan si Migz at pinamunuan na nito ang pagtulong sa mga survivors ng pagsabog, at sa search and rescue operations, kasama ang kanyang kapwa mga student leaders na sa panahong iyun ay nagsidatingan na rin sa pinangyarihan ng pagsabog.
Nakahinga nang maluwag si Carlos. Ligtas si Evelyn. Ligtas si Lander. At dito sa paglingon niya para pagmasdan ang bulwagang ngayon ay di na makilala na isang Sports Coliseum, ay nahagip ng kanyang mga mata si Eric at Araceli, na kapwa pa rin tulala habang paikot-ikot sa hindi na nila makilalang bulwagan. At dito bumalik ang kanyang likas na pagiging imbestigador. Bakit hindi dumalo ang dalawang ito sa Graduation, samantalang kasapi naman sila ng Board of Trustees? May kinalaman kaya sila sa pagsabog? Hindi lingid sa kanyang kaalaman ang sigalot na nangyayari sa pamilya Valderrama, at ang away sa pagitan ni Eric at Araceli laban kay Evelyn. At alam niyang may motibo ang mga ito dahil inalisan sila ng puwesto sa administrasyon. Sila kaya ang may pakana? Subalit andun pa rin ang pagtatanong na siguro naman ay hindi nila papatayin ang sariling kapatid, at lumikha ng ganitong kaguluhang ikakapahamak ng Unibersidad na itinatag pa ng kanilang mga kanunu-nunuan.
Inisip na Carlos na demonyo lang ang maaaring may pakana nito. Idinamay pa ang mga inosenteng magsisipagtapos, ang kanilang mga mahal sa buhay, ang mga empleyado at propesor na walang malay at kasalanan.
At idinamay pa ang Bise Presidente.
At para sa kanya, ang higit na kasalanan ay ang ilagay sa peligro ang buhay ng kanyang pinakamamahal.
O baka naman talagang ang Bise Presidente ang tunay na target. At ito ay isang political assassination, o isang terrorist attack.
Nakita niya ang isa sa kanyang mga tauhan, at sinabi nito sa kanyang natagpuan na ang bangkay ni Antolin De Mesa, at buhay ang asawa nitong si Congresswoman Henrietta De Mesa, at dinala na sa ospital. Sinabi din sa kanya ang malungkot na balitang hindi nakayanan ni Mayor Sumague ang kanyang mga sugat at ito ay dead on arrival sa ospital.
Talagang walang kinikilala ang kamatayan. Ang pinagkaiba nga lang, ang may mga kapangyarihan kagyat na nabibigyan agad ng pagkilala at puwang, samantalang ang mga ordinaryong mamamayan ay isinasalarawan lamang sa pamamagitan ng mga numero.
Dumating na rin sa bulwagan ang puwersang ipinadala ng national government, kasama na ang mga kinatawan ng NBI at Pambansang pamunuan ng PNP. Andun na rin ang kinatawan ng Army. Kitang-kita niyang paparating si Justice Secretary Normida Villarin, at ang DILG Secretary na si Conrado Majoma, at ang House Speaker na si Roman Martin. Lumapit sa kanya si Villarin para sabihing paparating na ang Presidente, at kailangan nilang isecure ang lugar. Tinawag niya ang isa sa kanyang mga tauhan at inutusang imobilisa ang pwersa ng kapulisan para paghandaan ang pagdating ni President Rivero.
Isa nang pambansang krisis ang pangyayari, ito ang naisip ni Carlos. Dumating na ang mga kinatawan ng estado, ang kanyang mga amo.
Samantala, patuloy ang ginawang paghahanap sa Bise Presidente.
Ayon sa pagtaya ng mga awtoridad, hindi bababa sa isang libo ang sugatan, at isang libo naman ang patay sa pagsabog. Ang malaking tanong ay kasama ba dito si Bise Presidente Labrador.
Maya-maya lang ay nagkagulo sa may grounds malapit sa ngayon ay wasak na Coliseum. Dumating na ang Helicopter na sinasakyan ni President Rivero. Habang sa loob naman ng Coliseum ay may pinagkaguluhan. Hindi malaman ni Carlos kung sino ang uunahin. Ang salubungin ang Presidente ng bansang, o ang alamin kung ano ang pinagkakaguluhan sa labas.
Nagdesisyon is Carlos na alamin at usisain muna ang pinagkakaguluhan sa loob ng nawasak ng Coliseum.
Ilang hakbang lang pala sa likod niya ay andun na si President Rivero, na ngayon ay pinagkakaguluhan na ng media.
Samantala, sa kanyang tanggapan sa Jin Chang Tower sa Makati, patuloy na sinusubaybayan ni Claudia Alabastro, ang CEO ng Jin Conglomerate, ang live coverage sa Las Palmas.
Interesado si Claudia sa mga pangyayari. Nasa likod niya ang malaking portrait ng kanyang Ama, ang kanyang inspirasyon, ang dahilan ng lahat ng kanyang pagsusumikap na maging kauna-unahang babaeng CEO na kilalaning pinakamayaman sa bansa. Nahigitan nya na ang mga Taipan. Maraming ala-ala ang dumaloy at nanahan sa kanyang isipan sa mga pagkakataong iyun. Hindi niya maikakaila na habang pinagmamasdan niya ang lagim na patuloy na ipinapakita ng mga camera, ay nagniningning sa saya ang kanyang mga mata.
Ang kanyang pagmumuni-muni ay nabasag lang ng boses ng reporter na nag-uulat ng live mula sa Las Palmas.
“Mel, Vicky, kinukumpirma natin na natagpuan na ang bangkay ng Bise Presidente. Mismong ang Pangulo ang nagkummpirma nito. Isang malungkot na balita na patay na si Bise Presidente Miriam Labrador.”
Kinuha ni Claudia ang kanyang telepono. May idinial na numero.
Sa kabilang linya, ang kausap niya ay ang isang nilalang na nakaitim at naka-facemask , na alam kung ano ang kanyang ginawa. Hindi niya kailangan pang magtanong. Wala siya sa lugar. Ang mga taong katulad niya ay walang layang magtanong, bagkus ay ang tungkulin lang ay ang sumunod sa mga taong makakapangyarihan. At may pera. Yan ang kanilang hanapbuhay.
“Nakadeposito na sa account mo ang balanse ng bayad. Magpahinga ka muna. At patahimikin mo na ang dalawa mong kasama. Saka na lang kita tatawagin kapag may ipapagawa uli ako sa iyo,” ang sabi ni Claudia.
At pagkababa niya ng telepono, ay kinuha niya ang alak na nasa cooler, at nagbuhos sa wine glass na katabi nito. Ang liwanag ng TV, ang kislap ng alak sa loob ng wine glass. Tila nakikibahagi sa kanyang kasiyahan.
Buong pagbubunying humarap sa portrait ng ama si Claudia Alabastro, ang pinakamayamang babaeng CEO sa buong bansa. Itinaas ang wine glass.
“Cheers, Papa. Our fight has begun. Wish your daughter luck.”
Comments