top of page

4 ANG BULONG NG DEMONYO (UNIVERSIDAD, BOOK 2)

Writer's picture: Antonio ContrerasAntonio Contreras

Updated: Feb 5, 2024




Malalim ang iniisip ni Alejandro habang nakatingin sa dalawang lalaking nakabantay sa pintuan.  Ito rin ang mga lalaking kanina lang ay sapilitan siyang ipinasok sa isang van, at piniringan.  Papunta na sana siya sa presinto para iprisinta ang sarili niya kay Lt. Col. Carlos Mesina. 


Malakas ang usap-usapan sa buong Las Palmas na isa siya sa mga pinagsususpetsahan na may pakana ng pagsabog sa Coliseum na nangyari kamakalawa.  Alam niyang napakadali para sa marami na mambintang.  Presidente siya ng Union ng mga guro at manggagawa sa University of South Central Philippines.  Alam ng marami na kakontra siya ng mga Valderrama, bagama’t tiyak siyang maliban kay Evelyn ay walang ibang Valderrama ang nakakaalam ng kanyang tunay na pagkatao.  Hindi alam ng nakararami ang kanyang kimkim na galit sa pamilyang nagkait sa kanya ng pangalan.  At wala ding nakakaalam, kahit si Evelyn, ng kanyang itinatagong pagkamuhi at ang pagnanais na makaganti sa sinapit ng kanyang lolo at mga magulang, na tiyak na tiyak niyang ang mga Valderrama ang nasa likod ng kanilang kamatayan.


Naging palaisipan sa kanya kung sino ang mga lalaking ito.  Ano ang pakay nila sa kanya.  Mga awtoridad ba ito?  O sila ba ay kabilang sa mas kinakatakutan niyang private army ng mga Labrador?


Alam niyang nag-aalala na ang kanyang Lola Mercedes sa Manila, na kahapon lamang ay kinausap niya sa telepono.  Bakas sa boses nito ang takot at pangamba para sa kanya. 


“Ikaw ba ang may kagagawan ng nangyari sa Las Palmas?,” ang tanong nito sa kanya. “Alejandro, sabihin mo sa akin ang totoo!  Hindi kita pinalaki para mandamay ng mga inosente at walang kasalanan!  Tanging ang mga Valderrama lamang ang may atraso sa atin! Sa akin!  Sa iyo!”


Nasaktan siya sa pagdududa ng kanyang lola, na para bagang hindi siya lubos nitong kilala, at inakalang kaya niyang pumatay ng daan-daang mga inosenteng buhay.  Hindi nito alam ang gimbal at panlulumong nadama niya nang marinig niya ang malakas na pagsabog nang hapong iyon, habang nag-uusap sila ni Prof. Alexis Principe, na kasapi din ng Union, at Pangulo ng Tanggol, Lupa, Tubig at Hangin.  Masama pa rin ang loob ni Alexis sa kanya dahil sa inakala nitong paglimot niya sa ipinaglalaban ng mga guro at manggagawa, at ang nakita nitong tila pakikipagmabutihang loob niya sa bagong Pangulo ng Universidad na si Evelyn Valderrama.  Kasalukuyan pa rin silang nagtatalo noon, habang sinusuot nila pareho ang kanilang mga sablay.  Huli man sila sa processional ay gusto nilang humabol sa graduation ceremonies na nang mga panahong iyon ay nagsimula na sa loob ng Coliseum.


Ang kanilang mainit na pagtatalo ay naputol lamang ng malakas na pagsabog, na kahit sa malayuan ay nagpabagsak sa kanila pareho.  Noong una ay hindi nila agad naisip kung ano ang nangyari, at nagkaroon lamang ito ng dagliang linaw nang nakita nila ang mga nagtatakbuhang mga tao galing sa loob ng Coliseum.  “Bomba! May sumabog na bomba!”


At dito niya naisip si Evelyn na alam niyang naandun sa loob.  At ang mga kasamahan nyang guro na sa mga panahong iyon ay tiyak na nasa stage na sa likod ng mga opisyal ng Universidad.  At ang Bise-Presidente!  Andun ang Bise-Presidente.  Noong una ay gusto niyang pumasok subali’t siya ay tinangay ng agos ng mga taong nagtatakbuhan palabas at ang iba pa nga ay nakita na niyang duguan.  Subalit pinilit pa rin niyang pumasok, at dito bigla na lang merong isang mabigat na bagay ang nahulog mula sa itaas ng pintuan ng Coliseum, at wala na siyang natandaan.


Nang siya ay magising, nasa bahay na siya ni Alexis sa labas ng Universidad.  Doon niya nalaman na nabagsakan siya ng kapirasong bakal, na siyang naging dahilan upang siya ay mawalan ng ulirat. Dinala siya ni Alexis para gamutin sa bahay niya.  Ang girlfriend ni Alexis ay isang doktor at guro sa Universidad na nagtuturo sa College of Medicine.  Nang mga panahong yun ay nakaduty ito sa Ospital kaya hindi siya nakadalo sa Graduation.  Doon niya nabalitaan ang lahat ng pangyayari, pati na ang pagkamatay ng ilang mga kasamahan nila, mga opisyal, ng Mayor ng bayan, at ng Bise-Presidente.


Ibinalita sa kanya ni Alexis ang kumakalat na usap-usapan tungkol sa kung sino ang nasa likod ng pagsabog, at dito niya nalaman na kasama ang pangalan niya sa mga itinuturong maaaring may kagagawan.  Maging si Alexis ay nabahala na rin dahil sa anggulo na pati ang mga makakakaliwang pwersa sa hanay ng mga mag-aaral, guro at mga manggagawa ay pinagdududahan na rin.


Alam ni Alejandro na napakadali para sa iba na mambintang sa kanya.  Ang hindi niya lubos na maisip, at matanggap, ay pati ang Lola Mercedes niya ay nagduda.  Sabagay, hindi nya nga naman ito masisisi dahil alam nito kung ano ang galit ang nararamdaman niya, at ang marubdob niyang pagnanasang mapabagsak ang mga Valderrama.  Ang totoo nito, ang Lola Mercedes niya pa nga ang nagtanim sa utak at puso niya ng poot at pagnanasang makapaghiganti.  Subalit hindi siya masamang tao.  Hindi niya kayang mandamay ng ibang walang kasalanan.  Dapat alam din ito ng Lola niya.  At doon siya labis na nasaktan.


Dahil sa pag-uusap nila ng kanyang Lola, minabuti ni Alejandro na kusang sumuko kay Lt. Col. Carlos Mesina, para malinis ang pangalan niya.  Pinigilan siya ni Alexis, na noon ay nagpaplano na magtago muna, kasama pa ang ibang mga progresibong miyembro ng Tanggol at ng Union.  Subalit para sa kanya, ang magtago ay lalo pang makakapalakas ng pagsususpetsa sa kanila. 


Hindi siya nagpapigil at mula sa bahay ni Alexis ay binalak niya na lakarin na lamang ang presinto ng pulis sa bayan kahit masakit pa anv kanyang katawan sa tama ng bakal na nahulog sa kisams sa may pasukan ng Coliseum.  At habang naglalakad siya ay may isang puting van na tumigil sa harapan niya, at nang bumukas ang pintuan nito ay may dalawang lalaking lumabas, tinutukan siya ng baril, at sapilitang pinasakay, at nang nasa loob na siya ay piniringan ang mata niya.  Mga halos dalawang oras silang nasa daan, at nang makarating sila sa lugar na yun ay ipinasok siya sa loob ng kwarto, at inalis ang kanyang piring.  Doon niya nasilayan ang marangyang kwarto, na tila isang opisina.  Mukhang mayaman ang may-ari ng bahay na ito, ang naisip niya. 


Ganunpaman, hindi pa rin niya lubusang mawari kung sino ang nagpadukot sa kanya, at ano ang pakay.  Hindi maalis sa isipan niya ang mangamba, at mag-isip kung ito na ba ang araw na matatapos lahat.  Naglalaro sa isipan niya ang paraan ng kanyang kamatayan.  Sana naman ay gawing mabilis at huwag na siyang pahirapan.  Tiningan niya ang mukha ng dalawang lalaking nakabantay sa pintuan ng kwarto, at mukha namang mga hindi pipitsuging berdugo.  Naka-barong tagalog pa nga.  Subali’t alam niyang wala sa damit ang pagiging demonyo ng tao.  Una na sa mga halimbawang pumasok sa isip niya ay ang mga Valderrama.


Naputol ang kanyang pagmuni-muni sa kanyang inakalang napipintong kamatayan nang pumasok si Claudia Alabastro.  Sa una pa lang ay nabighani na agad si Alejandro.  Hindi maitatago ang angkin nitong tikas at ganda, kahiy may edad na rin.  Napaisip si Alejandro kung ito ba ang kapalaran niya, ang mamatay sa kamay ng isang magandang babae na noon pa lamang niya nakita sa buong buhay niya.


“Prof. Alejandro Maravillas.  My apologies for meeting you like this, in these circumstances?  Did Andrew and Guido treat you well,” ang tila malambing subalit marka pa rin ng isang babaeng makapangyarihan


“I hope I can be as gracious in responding to your greeting, Ms. ….,” at hindi nakatapos si Alejandro at biglang sumabat agad si Claudia.


“Claudia.  Call me Claudia. Claudia Alabastro.”


Kinuha nito ang isang remote, at biglang nagliwanag ang screen sa isang side ng ngayon ay malinaw na kay Alejandro na isang opisina, habang automatic namang nagsara ang mga blinds. “Hindi na ako magpapatumpik-tumpik pa.”


At sa sandaling iyun ay pinanood ni Alejandro habang nagpuprusisyon sa harapan niya ang tila isang lecture tungkol sa lahat na mahahalagang impormasyon sa kanyang buhay.  Saan siya nagtapos.  Ano ang trabaho niya.  Ang away niya sa mga Valderrama.  At higit sa lahat, at ang ikinagulat niya, pati ang mga impormasyong pinagkakaingat-ingatan niya na mabunyag.  Na siya ang tunay na tagapagmana ng lahat ng kayamanan ng mga Valderrama.


“Paanong…” ang halos nauutal na tanong sana ni Alejandro.


“Well, Prof. Maravillas.  In this world, money speaks.  And I have lots of money,” ang sagot sa kanya ni Claudia.  “You are actually a rich man yourself, Prof.  Except that whatever you are entitled to appears to be in a precipice, and is facing ruin, catastrophically I must say.” At habang sinasabi ito ni Claudia ay ang tumambad sa screen ay ang mga eksena ng guhong Coliseum, at ang iba’t-ibang imahe ng mga biktima ng pagsabog.  “I understand that your problem has even become a national security issue, a terrorist attack” ang dagdag ni Claudia habang ang nakaflash na imahe ay ang split screen nang duguan at nakahandusay na katawan in Miriam Labrador at ang opisyal na larawan nito bilang Bise-Presidente ng bansa.


“I do not understand.  Why am I here?  What is the point of all of this?  Who are you and what is this all about?,” ang nagugulumihanang tanong ni Alejandro.


At dito kumuha si Claudia ng sigarilyo sa kahang nakalatag sa kanyang mesa.  Sa isang iglap lumapit ang guwardiyang si Andrew para sindihan ito.  Malalim na buntong hininga muna ang pinakawalan ni Claudia, na sinundan ng pagbuga ng usok mula sa kanyang mapupulang labi, na kahit tensionado ang sitwasyon, ay bakas pa rin ang isang eleganteng babae sa mata ni Alejandro.


“I can be a blessing, but I can also be your nightmare.  Depending on what you choose,” ang tinuran ni Claudia.


“I don’t understand,” ang sagot ni Alejandro.


“As of now, you are a prime suspect in the bombing.  But of course I know you know that already.  As we speak, your friend Alexis and his ragtag group of left wingers were arrested and those who arrested them are looking for you,” ang sabi ni Claudia habang nakatingin sa malayo. Naglakad ito patungo sa isang portrait ng isang lalaki at tiningnan ito na tila puno ng lungkot.  “But I guess they are safer in the hands of your friend Carlos Mesina, than in the hands of the henchmen of this poor, dead woman whose political dynasty is now thirsting for revenge, don’t you agree,” Ang mariing tinuran ni Claudia na ngayon ay ibinaling na ang tingin sa imahe ng nasawing Bise-Presidente sa video-screen.


“But I can make it go away,” ang sabi ng Claudia kasabay nang pag-ikot nito papunta sa kanya, nakatingin sa kanyang mata na tila nang-aakit.


“I don’t understand… How?,” ang tanong uli ni Alejandro.


“I can make your problems go away if you help me.  We can help each other.,” ang sagot ni Claudia.


“How?,” ang sinambit ni Alejandro.


“My help would not be cheap, though, I should warn you.  It would require you to do several things. Well, actually only two things,” ang malambing na ngayong sinabi ni Claudia, na patuloy na parang nang-aakit.  Lumapit ito kay Alejandro at binugahan ito ng usok ng sigarilyo.


“First, in order for me to help you, we have to find someone who will become the fall-guy. Hindi pwedeng mawala sa iyo ang suspetsa kung wala tayong ididiin, di ba?,” ang tanong ni Claudia.


“Pero, sino?,” ang sagot ni Alejandro.


Gumalaw ang kamay ni Claudia.  Inabot ang remote clicker na noon ay nailapag niya sa mesa.  At unang tumambad sa kanya ang mukha ni Lander.


“Candidate No. 1.  Anak ni Evelyn Valderrama.  A proudly gay liberal activist, having an affair with the head of the student government.  Very convenient suspect.  Last time we heard, he is now in hiding with his lover, with a lot of help from his real father, the Chief of Police of the town.  Ang ganda ng angle noh?”


At isa pang click ng remote, at tumambad ang mukha ng magkapatid na si Eric at Araceli Valderrama,


“Candidates No. 2 and 3.  Mga kapatid ni Evelyn Valderrama.  Everyone knows that they have an ax to grind against their sister, who they see as a usurper, and who, in their view, stole their birthright. Eric is as greedy as you can get. And Araceli may appear harmless but she is as devious as her evil brother.”


Naglaro sa isipan ni Alejandro ang mga kahayupang ginawa ng mga Valderrama sa kanya, sa kanyang lolo at lola, at sa mga magulang niya.


“And oops.  There is actually a fourth suspect,” at muling gumalaw ang kamay ni Claudia, at tumambad kay Alejandro ang kanyang mukha sa video-wall.


“And there is you." Muli lumapit sa kanya si Claudia habang sinasabi ito.   "Malalim ang galit mo sa mga Valderrama.  They stole your birthright, and they even murdered your grandfather, father and mother.”


At dito inilapit pa lalo ni Claudia ang mukha nito sa kanya, Halos magkadikit na ang kanilang mga mukha. 


“And of course, there is collateral damage for you, since it can also implicate your Lola Mercedes.  We can always paint her as the real brain behind this act of terror.  Oh, I love it.  This old lady sitting in her rocking chair somewhere in Quezon City, who sent her grandson to execute her revenge on the family who made her life miserable, who killed her husband, and her son.”


At dito, kumulo ang dugo ni Alejandro, at akma nitong sasampalin si Claudia subalit bigla siyang inundayan ng suntok ni Guido, ang isa pang gwardya, na hindi niya namalayan sa bilis ng pagkilos.  Asintado sa kanyang sikmura. Namilipit sa sakit si Alejandro. Napaupo, at napatingala sa noon at nakangising si Claudia.


“You have to behave, my dear Professor.  You have nowhere to go. I have you by your balls. It’s either them, or you and your poor Lola Mercedes. Now, tell me, who? Sino ang pipiliin mo sa kanila? Who are we going to sacrifice?”


Para kay Alejandro, madali ang desisyon.  Hindi niya pwedeng ipagkanulo si Lander.  Anak ito ni Evelyn, at kahit papaano ay kaalyado na niya si Evelyn.


Malinaw.  Walang kaduda-duda.  Panahon na para magbayad si Eric, at pati na rin si Araceli sa kanilang mga kasalanan hindi lamang sa kanila ng kanyang Lola, kundi pati na sa bayan, at sa mga nasalanta ng kapabayaan nila na naging dahilan sa pagkawasak ng dam na lumason sa malaking bahagi ng Las Palmas.


“Ang magkapatid.  Sila ang pinipili ko!,” ang sagot ni Alejandro habang sapo-sapo ang hanggang noon ay kumikirot niyang sikmura.


“Okay! Madali ka naman palang kausap,” ang sabi ni Claudia. “However, like I said, my help doesn’t come cheap. I have one final condition before I make your problem go away.”


“Ano yun?,” ang tanong ni Alejandro.


“Prof. Alejandro Maravillas, this one final request is a very special one. So special I do not want to say it out loud. Let me just whisper it to you.”


At muling lumapit sa kanya si Claudia Alabastro, na sa panahong iyun ay tila siyang may hawak ng kanyang buhay at kaligtasan, pati na rin ng kanyang Lola Mercedes.


At dito ibinulong sa kanya ni Claudia ang ikalawa at huli niyang kundisyon.


At doon, napagtanto ni Alejandro na hindi tao ang kausap niya, kundi isa ring demonyo, katulad ng mga Valderrama.

43 views0 comments

Recent Posts

See All

コメント


Tonton Contreras Creations

©2022 by Tonton Contreras Creations. Proudly created with Wix.com

bottom of page