top of page

2 DUWELO SA KONSEHO (UNIVERSIDAD, BOOK 1)

Writer's picture: Antonio ContrerasAntonio Contreras

Updated: Jan 18, 2024



Isa sa mga matinding pinag-awayan ni Eric at ng kanyang inang si Donya Guada ay ang pagpupumilit nito na magkaroon ng isang University Council sa Universidad. Mariin niya itong tinutulan. Para sa kanya, pabigat na nga sa kanilang pamilya ang merong isang Board of Trustees na kung saan may mga miyembro na hindi nila kapamilya. Ang magkaroon pa ng isang University Council na binubuo ng lahat ng faculty na may ranggong Assistant Professor pataas upang siyang mag-apruba ng lahat ng usaping pang-akademiko, mula sa pagtuturo hanggang sa research, ay isa nang kalabisan, lalo na at siya ang Vice President for Academic Affairs at sa ilalim ng opisina niya ang mga usaping ito.


Walang ibang inisip si Eric, maliban sa pambabae. Ito ay ang kontrolahin ang pagpapatakbo ng Universidad.


Siniguro ni Eric na hawak niya sa leeg ang lahat ng mga opisyal na may hawak na mga sensitibong posisyon. Sa mundo ng Unibersidad, hindi mahirap maghanap ng mga taong magagaling sa kanilang mga larangan subalit may mga tinatagong baho sa kanilang buhay. At yan ang ginamit niya na panuntunan sa pagtatalaga ng mga opisyal. Itinalaga niya ang mga taong alam niya na hindi pwedeng matawaran ang galing bilang mga siyentista at propesyonal, para walang masabi ang mga accreditation bodies. Subali’t siniguro niya na hawak niya ang mga sekreto nito, o mga bagay-bagay na ikakabagsak nila.


Si Dr. Demeterio Estacio ay isang sikat na manunulat at nagawaran na ng maraming parangal. Isa siyang malakas na kandidato para maging isang pambansang alagad ng sining. Kaya nga siya ang itinalaga niyang Dekano ng College of Arts and Humanities. Subalit si Estacio ay mahilig sa mga batang lalaki, at humaling na humaling sa child pornography. Ito ang pamblack-mail ni Eric sa kanya. Hindi naman pahuhuli sa galing si Dr. Eufracia Collantes, Dekana ng College of Science and Technology. Isa itong batikang mananaliksik sa larangan ng Biology. Marami na itong nadiskubreng mga species ng halaman, at tinitingalang kasapi ng pambansang akademiya ng agham at tekholohiya. Subali’t hindi ito makapalag kay Eric dahil hawak niya ang mga ebidensya kung paano nito pinayaman ang sarili sa mga kickback mula sa mga research grants na nakukuha niya.


Isang sikat na sociologist si Dr. Dionisia Erigencia, Dekana ng College of Social Sciences. Maraming pagkakataon na itong naging visiting professor sa iba’t-ibang Unibersidad sa abroad. Subali’t ang hindi alam ng marami, nagkaroon ito ng seryosong kaso ng plagiarism noong pumunta ito sa kanyang sabbatical sa Germany, na pinaabot sa atensyon ni Eric. Pinagtakpan ito ni Eric at dahil dito naging malaki ang utang na loob ni Erigencia sa kanya. Si Dr. Pastor Baldemor, Dekano ng College of Engineering, ay kilalang structural engineer. Nagkaroon ito ng reklamo ng sexual harassment na inayos ni Eric kaya malaki din ang utang na loob nito sa kanya.


Hindi si Dr. Loida Castrence, Dekana ng College of Medicine and Allied Sciences, at isang kilalang medical doctor at scientist na nakaimbento ng mura at madaling paraan para matest ang dugo ng mga bata, ang may problema. Ang asawa nito ang nagkaroon ng mga kaso ng katiwalian, na inayos din ni Eric sa pamamagitan ng kaibigan niya sa Ombudsman. Si Dr. Myrna Merced, Dekana ng College of Business, na kilala sa larangang ng business management, ay napakaraming unpaid credit cards, na sinagot ni Eric para mabayaran. Inayos niya din ang mga gusot na kinasangkutan ni Dr. Leandro Cordero na isang batikang beterinaryo at Dekano ng College of Veterinary Medicine. Si Justice Atanacio Atanacio ay maagang nag-retire sa Judiciary at kinuha ito ni Eric at itinalaga bilang Dekano ng College of Law kahit alam niyang pinag-retire na lamang ito sa halip na makasuhan dahil sa pagbebenta nito ng mga kaso.


Noong 2000, ang isa sa mga gusaling itinayo ni Dr. Alberto Caramancion, isang kilalang architect na Dekano ng College of Design, Architecture and Fine Arts, ay gumuho at maraming taong namatay. Sa isang masusing imbestigasyon, natuklasang si Caramancion ang may pangunahing pagkukulang. Ginamit ni Eric ang kanyang kuneksyon para mapawalang-sala si Caramancion. Ang daming graft cases naman ang dapat sana ay isinampa laban kay Dr. Isidro Isidoro, Dekano ng College of Agriculture, Environment and Natural Resources noong ito ay nasa gobyerno pa. Subali’t tinulungan din ito ni Eric para maayos ang mga kasong ito. At ang Dekana ng College of Education na si Dr. Liberty Sobrevinas, bukod sa isang lesbiana na may lihim na kinakasamang graduate student, ay maraming beses nang inireklamo kay Eric dahil sa pagsasamantala nito sa mga graduate student advisees niya na ginagamit niya sa kanyang mga research publications.


Malaki din ang utang na loob ni Dr. Carlota Lopez na siyang Director of Instruction kay Eric, dahil siya ang nagpadala nito sa abroad para matapos ang kanyang PhD. At hindi niya makalimutan ang maraming gabing nakapiling niya ito sa kama. Si Dr. Robert Eramis, ang Director of Research, ay isang masunuring alagad ni Eric, at kainuman at kabarkada niya ito. At si Dr. Laura Salonga, ang Registrar, ay isa sa napakaraming kabit ni Eric.


Hawak ni Eric lahat ng kanyang mga opisyal, mula Dekano hanggang mga Direktor. At hawak niya rin ang mayoriya ng Board of Trustees. Madali niyang sindakin ang kanyang kapatid na si Araceli. At kahit marami silang hindi pinagkasunduan ni Donya Guada, na siya ring bumuboto bilang proxy ni Evelyn, ay bihira niyong sinasalungat ang kanyang interes, at kahit na nga bumoto ito ng kontra, ay kuha pa rin niya ang mayoriya sapagkat mga tao niya ang Mayor ng bayan na kumpare niya, at ang kinatawan ng pribadong sector.


Iisa lang ang kanyang sakit ng ulo sa Board. Si Alejando Maravilla, ang Presidente ng union. Hindi niya ito hawak, hindi katulad ng pinalitan nito na hawak din niya sa leeg, na sa kasamaang palad ay namatay sa cancer dahil sa sobrang paninigarilyo.


Tanda niya pa noong pinagdebatihan ang pagkakaroon ng University Council sa Board. Ipinanukala ito ni Donya Guada sa argumentong dapat magkaroon ng lugar kung saan magkakaroon ng malayang talakayan tungkol sa curriculum, sa mga academic policies, at sa pag-apruba ng admission policies, at graduation ng mga estudyante. Nakumbinsi ni Donya Guada ang mayoriya ng Board na dahil hindi naman administratibong mga usapin ang sakop ng University Council, ay dapat hindi mangamba ang Board. Mas competent ang mga akademiko sa mga usaping pag-uusapan sa Council. Gustong gayahin ni Donya Guada ang kalakaran sa UP at aniya ay magkakaroon ng matibay na saligan ang mga curricular programs ng Universidad.


Sa kalaunan ay napapayag ni Donya Guada ang dalawang kinatawan ng pribadong sector na sumama sa dalawang boto niya, at sa boto ni Alejandro na sapat na para makakuha ng mayoriya ang panukala. Sumang-ayon na rin si Araceli at ang Mayor.


Noong una ay hindi naman talaga ininda ni Eric na malaking kawalan sa kanyang kapangyarihan at impluwensya ang pagkakaroon ng University Council. Ang totoo nga nito, kahit siya pa ang Vice President for Academic Affairs, ay wala naman sa kanya kung ang magdedesisyon tungkol sa mga usaping kurikular at akademiko ay ang Council, basta ba hindi nito papakialaman ang mga academic appointments, mga pagbibigay ng scholarships, ang usapin ng promotion at tenure, at ang iba pang usaping administratibo, kasama na ang mga grants na may mga kaakibat na pera at pondo.


Hanggang sa dumating ang araw na ito.


Naipangako niya kay Cherrie-Lyn, ang estudyanteng noong isang araw ay nakatalik niya kaya niya hindi sinagot yung tawag ni Evelyn, na gagawan niya nang paraan at aayusin ang bagsak nitong grado sa isang major na kurso sa political science, na siyang naging dahilan para siya ay hindi makagraduate.


Hindi niya pwedeng hindi tuparin ang kanyang pangako. Ibang ligaya ang naranasan niya sa piling ni Cherrie-Lyn. Batang-bata, pero napakarami na nitong alam na gawin sa kanya na noon pa lang niya naranasan at hindi niya natikman sa ibang babae, lalo na kay Deborrah na kanyang asawa, na ang tanging libog na lang sa katawan ay ang mga alahas nito at pananamit.


Pinatawag niya ang Propesor na may hawak ng kurso, si Prof. Gina Laforteza at sinabing kailangang baguhin nito ang grado ni Cherri-Lyn bago magpulong ang University Council para mapasama na ito sa listahan ng mga gagraduate. Akala niya ay tatalima ito sa kanya, kaya laking gulat na lang niya nang makatanggap siya ng sulat mula kay Alejandro Maravilla, na inirereklamo ang pangingialam niya sa mga grades ng estudyante, na dapat ay ang University Council ang may sakop, at hindi siya.


Nang araw na yun bago natanggap ni Eric and sulat mula kay Alejandro, kinausap ni Gina Laforteza si Alejando para ikonsulta ang sinabi at iniutos sa kanya ni Vice President Valderrama.


Si Eric ang presiding officer ng University Council, at ang secretary nito ay ang Registrar na kabit niya na si Laura Salonga. At nang nakarating na sa usapin ng pag-apruba ng graduation, ay tumayo si Laura para ipaalam sa konseho na may request ang graduation committee na siya ang pinuno na isama ang pangalan ni Bb. Cherri-Lyn Bandayrel sa listahan ng mga magtatapos sa degree na Bachelor of Arts, major in Political Science. Sinabi ng registrar na nakatanggap sila ng isang sulat mula kay Cherri-Lyn na humihiling na palitan ang grado niya sa isang major course na hawak ni Gina Laforteza mula 5.00 na bagsak at gawing 3.00. Sinabi ni Laura Salonga na sinang-ayunan ng graduation committee ang hiling ng estudyante at inirerekomenda sa konseho na pagtibayin ito.


Sinegundahan ito ng isang miyembro ng graduation committee.


“The motion to include the name of Cherri-Lyn Bandayrel in the list found in Appendix A. to graduate with the degree of Bachelor of Arts major in Political Science is hereby seconded. Is there any objection.”


At dito, tumayo si Alejandro. “Objection, Mr. Vice President.”


Atubili siyang kinilala ni Eric.


“Mr. Vice President, Honorable members of this Council. Before I would present the grounds for my objection, let me just first ask for the indulgence of the Registrar, Chair of the Graduation Committee, if she would be willing to yield to some questions from this representation.”


Tinawag ni Eric ang atensyon ni Laura para sagutin si Alejandro.


“Madam Registrar, you said your committee received a letter of request from Ms. Bandayrel asking her failing grade to be changed to passing. Didn’t you?”


“Yes, we did.”


“Did the letter make any allegations against Dr. Laforteza of misconduct or negligence?”


Nag-atubiling sumagot si Laura. Tumingin kay Eric na parang nagpapasaklolo.


Nagpatuloy si Alejandro sa pagsasalita.


“Mr. Vice President, may I request that I be allowed to see the letter of Ms. Bandayrel.”


Muling tumingin si Laura kay Eric na parang kinakabahan.


“No need for that. I am directing the Registrar to please answer the earlier question of the Union President,” sabi ni Eric.


“No, Mr. Vice President, and Dr. Maravilla, sir. The letter of Ms. Bandayrel did not contain any allegations of misconduct against Dr. Laforteza.”


“Thank you, Madam Registrar. Mr. Vice President, I would now lay the ground for my objection to the motion of the good Madam.”


At hinarap ni Alejandro ang konseho, na binubuo ng halos 1,230 na kasapi – lahat mga may ranggong Assistant, Associate at Full Professor, mga dalubhasa at may mga mataas na tinapos sa kanilang mga larangan.


“Honorable members of this Council, it is a given fact that we, as members of this body, are empowered to make decisions not only on who will be allowed to graduate, but also on any decision to change the grades given by any faculty to any student. Before we can allow Ms. Bandayrel to graduate, we have to first agree with her request that her failing grade be changed to passing. Your honors, there is no doubt that this is within the jurisdiction of this Council. However, the question is this. We may have the power and authority, but is it prudent and proper to use it? Would it be fair and just?”


Tumigil pansamantala si Alejandro at tumingin kay Eric, na ngayon ay halatang iritado na.


“One of the pillars of any university is academic freedom. The Supreme Court has ruled that academic freedom entails who can teach, what, and how. And an important component of the “how” is the manner we assess the performance of students like Ms. Bandayrel. In the allocation of powers made by the Board of this University, the “who” is under the prerogative of the administration, but the “what” and “how,” which pertain to the curriculum, its content and delivery, including student assessment, have been allocated for this Council to oversee and have jurisdiction over. This is precisely why ordinarily, this council has to approve any request for a change of grade made by a faculty to ensure that such freedom is not abused. In the same manner that any request of a student to change a grade should be made in the context of a grievance, for which allegations have to be made that the faculty concerned was negligent. And it is here that the need for due process becomes imperative, for the simple reason that we are governed by the principle of regularity, where we presume that the faculty has conducted himself or herself properly, and it is incumbent upon the student who is complaining to prove otherwise, but only after the faculty has been given his or her time to defend or explain his or her side.”


Tahimik ang buong konseho. Halos walang marinig kahit ang mga hininga ng mga kasapi nito.


At nagpatuloy si Alejandro sa pagsasalita.


“It is a fact that Ms Bandayrel did not allege any misconduct against Dr. Gina Laforteza, who is an excellent, dedicated, and judicious colleague in my department. Thus, there is no grievance filed, and therefore the request to change the student’s grade has no basis. If we allow the Graduation Committee’s recommendation to pass, then we are in effect allowing this Council to become an instrument to violate not only one but two important tenets of democratic university governance. We will violate not only Dr. Laforteza’s right to due process, since it would be like saying she erred in her duty of giving a fair grade without giving her the proper venue to air her side, which is not for this council to decide, but an appropriately convened grievance board to determine for this is the proper procedure contained in the student handbook. More importantly, we will violate the very basic tenet of academic freedom, for we will become an instrument in extinguishing its power to protect our rights to give grades to our students without the benefit of any rational and compelling justification.”


Sandaling tumigil sa pagsasalita si Alejandro para muling tingnan si Eric Valderrama, na noon ay namumula na sa galit.


“Mr. Vice President, Honorable members of this Council, let us protect our academic freedom. Let us reject the recommendation of the Graduation Committee. I therefore ask each and every one of you to vote no on the motion of the Madam Registrar. And with this, I yield the balance of my time.”


Ni isa walang tumayo para salungatin si Alejandro. Kahit isa man lang sa mga Dekano, o ang mga alipores na kakampi ni Eric.


At nang tawagin na nito ang boto, naging malinaw na hindi ito ang araw niya. Sa higit na isang libong nasa bulwagan, tanging ang mga Dekano, ang director ng instruction at ng research, at ang registrar sampu ng mga kasapi ng graduation committee ang sumuporta sa graduation ni Cherrie-Lyn Bandayrel.


Nagpupuyos si Eric habang nilisan niya ang bulwagan papuntang elevator. Hindi niya na napansin si Cherri-Lyn na kanina pa nag-aabang sa kanya at ngayon ay tila naguguluhan. At nang nakarating siya sa itaas, pagbukas ng elevator sa tuktok na palapag, nabungaran niya agad si Araceli. At ito ang napagdiskitahan niya.


“Sabihin mo sa ina mong magaling, unti unti na tayong nawawalan ng kontrol sa Universidad na ito. Hindi na natin hawak ang Konseho! And that is because of her. And of you and your vote for establishing this Council that may soon be all over us! You fucking idiots! You morons!”


At nang makita niya ang estatwa ni Venus de Milo sa may hallway sa tapat ng elevator, dinakma niya ito at itinapon sa dingding, at muntik nang tamaan nito si Vivian na kanyang secretary na nagmamadali sanang sasalubungin siya nang marinig nito ang kanyang pagsisigaw kay Araceli.


Dahil sa ingay naglabasan lahat ang mga empleyado.


"What are you staring at. You fools. Balik kayo sa mga trabaho niyo. Mga palamunin!"


Takot na tumalima ang mga empleyado. Habang si Vivian ay abala sa pagligpit ng mga basag at kalat.


Samantala, sa bulwagan sa ibaba, pinapaligiran si Alejandro ng mga miyembro ng konseho. Ang daming bumati sa kanya, nagpaabot ng paghanga at suporta.


At habang pinagkakaguluhan siya, walang iba sa isipan niya kundi ang kanyang lola na nasa Maynila. Gustung-gusto niya nang tawagan ito at sabihing malapit na, malapit na nilang tuluyang mapabagsak ang mga Valderrama at mabawi ang dapat namang sa kanila.


102 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Tonton Contreras Creations

©2022 by Tonton Contreras Creations. Proudly created with Wix.com

bottom of page