top of page

10 ANG PAGSABOG (UNIVERSIDAD, BOOK 1)

Writer's picture: Antonio ContrerasAntonio Contreras

Updated: Jan 19, 2024



Hindi maiiwasan ni Alejandro Maravilla na mangamba sa kung ano ang kahihinatnan ng kanyang mga plano laban sa mga Valderrama. Maya’t-maya ay tumatawag sa kanya si Donya Mercedes, ang kanyang lola, at kinukulit siya kung ano na nga ba ang kanyang gagawin ngayong naibulgar na sa buong bayan ang tunay na katayuan ng mga magkakapatid na Valderrama. Galit na galit siya kay Lander dahil halos sinabotahe nito ang kanyang mga plano. Pinag-iisipan na niya kung dapat na rin siyang lumantad at aminin sa publiko na siya, si Propesor Alejandro Maravilla, Presidente ng union ng mga manggagawa sa University of South-Central Philippines, ang siyang tunay na may karapatan sa lahat ng ari-arian ng mga Valderrama, at kasama dito ang Universidad.


Subali’t alam niya na hindi ganun ito kadali. May mga masalimuot na usaping legal. Bagama’t kaalyado niya si Evelyn Valderrama, hindi pa rin niya ito lubos na pinagkakatiwalaan, lalo na at nasangkot na sa usapan ang anak nito na si Lander. Alam nya rin na hindi basta-basta titiklop si Eric at Araceli. Magiging madugo ang labanan nito sa korte. Andyang pagdududahan ang authenticity ng mga dokumentong hawak niya. Kilala niya ang likaw ng bituka ni Eric at pati na rin ni Araceli. At alam niyang hindi mangingimi ang mga ito na gumamit ng hindi patas na kaparaanan, maging ang paggamit ng pananakot at dahas.


Kailangan niyang kumilos na rin dahil alam niyang mapanganib ang labang kanyang susuungin. At alam niya na hindi siya pwedeng papapatay-patay at matulog sa pansitan. Handa siya dapat na tapatan kung anuman ang gagawing aksyon ng magkapatid na Valderrama, lalo na si Eric.


Ito ang nasa isipan niya habang kaharap niya ang General Assembly ng union, na tinipon niya sa isang emergency meeting para pag-usapan ang mga isyung hinaharap ng Unibersidad. Bagama’t abala ang lahat sa paghahanda sa graduation ceremonies na nakatakdang magsimula sa ganap na ika-3 ng hapon ng araw na yun, ay minabuti na niyang pulungin ang mga kasapi ng union, at sa umagang yun ay naandun na rin naman sa campus ang karamihan sa mga miyembro.


Magulo at maingay ang naging kahinatnan ng pulong. Maraming tanong ang mga kasapi. Nangunguna na dito ay ang mga pangamba tungkol sa kinabukasan ng Universidad, at sa kaseguruhan ng kani-kanilang mga trabaho at posisyon. Dahil isang pribadong institusyon, alam ng lahat na kahit na nga protektado ang marami ng kani-kanilang mga tenure bilang mga propesor, ay hindi ito ganap. Nakasalalay pa rin sa kita mula sa tuition ng mga estudyante ang kanilang mga sahod. At kapag nagsialisan ang mga estudyante at magsilipatan sa ibang Universidad, baka manganib na malugi ang Universidad at magsara ito nang tuluyan. Kapag nabangkarote ang Universidad, magkakaroon ito ng seryosong epekto sa kabuhayan ng karamihan sa kanila, lalo na ang mga batang mga propesor na malayo pa sa edad para mag-retire.


Sineguro ni Alejandro sa lahat na anuman ang mangyari ay poprotektahan ng union ang mga karapatan at benepisyo ng mga kasapi nito at lahat ng apektadong empleyado ng Universidad, ayon sa batas ng paggawa. Subali’t hinikayat niya ang mga ito na patuloy na magkaroon ng tiwala sa pamunuan ng Universidad, at sa bago nitong Presidente, na hindi ito gagawa ng mga hakbang na ikapapahamak ng lahat.


At dito na nagsalita ang ilang mga mas progresibong kasapi ng Union na pinangungunahan ng kaibigan niyang si Propesor Alexis Principe na siya namang Presidente ng NGO na Tanggol Lupa, Tubig at Hangin. Pinaalala ni Alexis na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin ganap na tinugunan ng pamunuan ng pamantasan ang mga kagyat ng pangangailangan ng mga nasalanta ng pagguho ng imbakan ng basura, at ang pagpapanagot sa mga nagkasala. Sinagot ito ni Alejandro at sinabing patuloy ang mga proseso, at tinanggal na nga sa pagiging Vice Presidents sila Eric at Araceli Valderrama, at ito ay dahil sa agarang pagkilos ng bagong Presidente na si Evelyn na hindi nag-atubiling aksyonan maging ang kanyang mga kapatid. At dito na nabuksan sa hayagang pagsalungat ni Alexis sa kanya, na pinuna ang tila pagiging malapit niya kay Evelyn. Sinabi nito na huwag dapat pagkatiwalaan si Evelyn dahil Valderrama pa rin ito.


Iginiit ni Alexis na dapat ay magsampa ng reklamo ang union sa korte bilang isang interested na partido para mabuksan ang usapan at madesisyunan kung sino ba talaga ang tunay na may-ari ng Universidad, at para tuluyan nang mapatalsik ang mga Valderrama. Bagama’t hindi tutol si Alejandro dito, kita niyang hati ang mga kasapi ng union sa usaping ito. May mga sang-ayon kay Alexis pero marami din ang tutol. Ayaw ng iba na makialam sa usaping internal ng pamilya, at nangangamba sila na kapag sumawsaw sila sa isyu ay baka lalo pang mapabilis ang pagbagsak ng Universidad, na ikakapinsala din ng mga kasapi. Hati ang union sa usaping kung dapat pagkatiwalaan si Evelyn, subali’t mas nakararami ang pabor na suportahan siya pansamantala dahil siya na lang ang kanilang pwedeng asahan laban sa iba pa nitong kapatid, na mas tiyak nilang laban sa kanilang mga interes ang isinulong kung ang basehan ay ang kanilang mga ginawa, lalo na ang kanilang mga kapabayaan at pagmamalabasi, at isusulong kung sila ay makakabalik sa puwesto.


At dito inihain ng isang progresibong kasapi ang dalawang resolusyon. Una ay ang resolusyon ng conditional na suporta kay Evelyn Valderrama. At ito ay nakapasa at sinang-ayunan ng mayoriya bagama’t marami din ang tumutol. Ang ikalawang resolusyon ay ang pagtawag sa pagbibitiw ng lahat ng opisyal ng Universidad na kilalang kaalyado ni Eric Valderrama, na nangangahulugan na halos lahat ng Dekano at Direktor. At ito ay malugod na sinuportahan ng mayoriya, at tanging lima lang ang bumoto laban dito.


Habang nagpupulong ang General Assembly ng Union, abala naman ang mga tao sa paghahanda sa Sports Coliseum na pagdadausan ng graduation. Unti-unti nang nagsisidatingan ang mga graduates at ang kani-kanilang mga magulang, na maaga pa ay nagseguro na para hindi maubusan ng parking. Samantala, ang mga student leaders, na pinamumunuan ni Migz Rallos ay abala naman sa paglalagay ng mga banners at tarpaulin na nagsasaad ng kanilang mga panawagan sa katarungan para sa biktima ng mga Valderrama. Inspirado si Migz, na tila isang ibong nakawala sa hawla dahil tuluyan na niyang inamin sa dating girlfriend na si Paula ang kanyang tunay na sekswalidad, at ang kanyang tunay na relasyon kay Lander. At para siyang nakalutang sa ere dahil nasa tabi niya ng mga sandaling iyon si Lander, na abala din sa pagpapaskel ng mga propaganda materials sa dadaanan ng mga tao at ng processional.


Unti-unting napuno ang campus ng mga tao at kotse sa mga sumunod na oras pakatanghalian. Mga naka-sablay na ang mga magsisipagtapos na abala na sa pagpila para sa processional. Ang mga faculty naman ay nagsimula nang magtipon sa isang bulwagan malapit sa coliseum. Andun na rin ang mga Dekano at director, at iba pang opisyal ng pamantasan. Halatang may tensyon na namumuo dahil nakarating na sa mga ito ang resolusyong inaprubahan ng union na humingi sa kanilang pagbibitiw. Halatang wala sa bulwagan si Eric at Araceli. Dapat ay kasama din sila sa processional dahil kasapi pa naman sila ng Board of Trustees. Dumating na rin ang Mayor.


Ilang sandali pa ay naulinigan na ang sirena ng mga police escorts. Hudyat na dumating na ang Commencement Speaker na si Bise-Presidente Miriam Labrador. Isang mahalagang bagay kay Evelyn na maimbitahan ito at nagpaunlak, dahil kahit papaano ay isa itong magandang imahe ng vote of confidence ng pamahalaan sa kanyang panunungkulan bilang Presidente ng Universidad, at magpapataas ito ng moral kahit papaano, na kailangang-kailangan niya sa mga panahong ito. Popular si Labrador na anak ng dating Presidente, Bagama’t ayaw sa kanya ng mga maka-kaliwa, na kitang-kita sa ibang mga placards at tarpaulin na bumabatikos sa administrasyon na kinabibilangan niya, sampu ng mga pagbatikos sa human rights records ng kanyang ama.


Naging sakit ng ulo ni Police Lt. Col. Carlos Mesina ang seguridad ng graduation na ito. Mabuti na lang at sa unang pagkakataon ay nakipagtulungan ang University Security force sa local na pulisya, na hindi nangyayari noong si Eric at Araceli ay nasa kani-kanila pang mga posisyon. Bukod sa tensyon na umiiral na sa pagitan ng mga aktibista at pamunuan ng Universidad, ay nadagdagan pa ito sa maselang usapin ng seguridad ng Bise Presidente.


Kasama si Evelyn ng Bise-Presidente nang pumasok ito sa bulwagan na kinaroroonan ng mga faculty at administrador. Naging abala ang marami sa pagsalubong sa kanila, at marami ang humiling na magpakuha ng mga litrato kasama ang mga VIP. Andun din si Congresswoman Henrietta De Mesa na balak tumakbo pagka-Gobernador, na kasama ang kanyang asawang si Antolin na matunog na gustong pumalit sa kanya sa Kongreso, na siya namang makakalaban ng kasalukuyang mayor na si Pancho Sumague. Andun lahat ang iba pang miyembro ng Board of Trustees, maliban kay Araceli at Eric na tila hindi na dadalo.


Labing-limang minuto at magsisimula na ang processional ng mga graduates, faculty at mga administrador, kasama ang mga VIP na panauhin.


Samantala, magkahawak kamay si Lander at Migz na nanonood sa isang tagong lugar sa may likod ng coliseum, habang minomonitor na ang mga kasama nilang nakaposisyon sa dadaanan. Nakahanda na rin ang mga kasapi din nilang kasama sa mga magsisipagtapos na planong magkaroon ng flash mob rally sa bulwagan.


Magdamag na magkasama si Lander at Migz nang gabi bago ang araw na ito. At nang panahong iyon, ay pinagsaluhan nila ang kanilang kakaibang pagmamahalan. At ngayon nga, ay magkasama sila na hinihintay ang pagsisimula ng graduation ceremonies. Lingid sa kanilang kaalaman, ay nagmamasid sa kanila si Paula Barredo at Jake Valderrama sa di kalayuan sa kanilang kinaroroonan. Kapwa ito mga nakangisi na tila may maitim na balak. Mababasa sa kanilang mga mata, lalo na kay Paula, ang masidhing hangaring makapaghiganti sa dalawa.


At nagsimula na ang processional, na tumagal nang halos isang oras sa dami ng mga graduates. At nang nakaupo na ang mga graduates sa kanilang mga takdang upuan, at ang mga Dekano at mga matataas na opisyal sa entablado, kasama ang mga miyembro na faculty ng University Council, ay nagsimula na ang programa. Unang bahagi ng programa pakatapos ng pagpupugay sa watawat at pambungad na dasal ay ang opisyal na pagtatanghal ng bawat Dekano sa mga graduates ng kani-kanilang mga Kolehiyo, at kasabay nito ay ang pagtitibay at pagproklama ni Evelyn bilang Presidente ng Universidad sa kanilang mga Pagtatapos sa kani-kanilang mga larangan. Kasunod nito ay ang paggawad ng Doctor Honoris Causa kay Bise Presidente Miriam Labrador. Pagkatapos ng seremonyang ito ay bibigyan naman siya ng pagkakataon na magdeliver ng kanyang commencement address sa mga magsisipagtapos.


Samantala, sa labas ay abala si Carlos Mesina sa pag-aasikaso sa kanyang mga tauhan na nakadeploy sa iba’t-ibang lugar sa campus at sa coliseum. Sa kanyang monitor ay naulinigan niya na magsisimula na ang commencement address ng Bise-Presidente, na pangungunahan ng isang maikling video presentation. Napakinggan niya sa monitor ang usapan ng nasa control room, at ang hudyat sa pagplay sa video.


Naunang ipakita sa video ang mukha ni Labrador, subali’t saglit lamang ay biglang nagulantang ang buong coliseum dahil ang lumabas na dito ay ang mga imahe ng mga bangkay ng namatay sa pagguho ng imbakan ng basura. Nagkagulo ang mga opisyal sa entablado samantalang dali-daling nilapitan ni Evelyn ang Bise-Presidente. Patuloy ang pag-play ng video na ngayon ay imahe naman ng mga naghihiyawang kamag-anak ng mga nasawi sa trahedya habang inililibing ang mga ito. At lalo pang nagulat ang buong coliseum nang ang sumunod na mga imahe ay ang isang video ni Lander at Migz habang ito ay nagtatalik. Hinablot ni Evelyn ang mikropono at sumigaw sa direksyon ng control room para putulin ang video presentation.


Naririnig ni Carlos ang ingay sa control room at ang malakas na utos ng isa na patayin ang video, subali’t tila nanggagaling ito sa ibang source.


Biglang nag-ring ang telepono ni Carlos. Sinagot niya ito at sa kabilang linya ay ang isang pamilyar na boses ng isang babae. Hysterical ito. Sumisigaw sa kanya. May sinasabing noong una ay hindi niya maintindihan, nguni’t nang luminaw ito ay nabalot ng kilabot at takot ang kanyang mukha.


Samantala, sa isang tagong lugar sa campus, may isang nilalang na nakaitim at naka-facemask na katatapos lang sagutin ang isang tawag. Alam niya kung ano ang kanyang gagawin. Hindi niya kailangan pang magtanong. Wala siya sa lugar. Ang mga taong katulad niya ay walang layang magtanong, bagkus ay ang tungkulin lang ay ang sumunod sa mga taong makakapangyarihan. Yan ang kanilang hanapbuhay.


Tumakbo si Carlos papasok sa Coliseum. Kailangang itigil ang seremonya.


May kinuha ang nilalang na nakafacemask sa kanyang bag. Tila isa itong remote. Umusal siya nang isang dasal na sana patawarin siya sa kanyang gagawin. At pagkatapos ay walang pag-aatubili niyang pinindot ang hawak niya.


Hindi pa nangalahati si Carlos sa pagtakbo papuntang entablado nang ang buong Coliseum ay niyanig ng isang malakas na pagsabog na nagmula sa likod ng stage na kinaroroonan ni Evelyn, ng mga miyembro ng Board of Trustees, ng mga Dekano at Direktor, ng mga kasapi ng University Council na binubuo ng mga Faculty. At naandun kasama nila ang mga VIP na mga panauhin, kasama na ang Bise Presidente ng bansa.

115 views0 comments

Recent Posts

See All

Comentários


Tonton Contreras Creations

©2022 by Tonton Contreras Creations. Proudly created with Wix.com

bottom of page