top of page

9 PAGKATAPOS NG ISANG PASABOG (UNIVERSIDAD, BOOK 1)

Writer's picture: Antonio ContrerasAntonio Contreras

Updated: Jan 19, 2024


Tulala si Evelyn habang pinagmamasdan ang larawan ng amang si Don Severino at inang si Donya Guada, na kasama silang tatlong magkakapatid na nakasabit sa harapan ng mesa niya sa kanyang opisina. Sino nga naman ang makakapagsabi na ang pamilyang ito na ubod ng rangya, makapangyarihan, at ang mga ngiti ay nakapinta sa canvas ay isang huwad na larawan ng isang masayang pamilya.


Matagal nang alam ni Evelyn ang lihim ng pamilya niya. Alam niyang hindi nila ama si Don Severino. At alam din niya na hindi sila ang tunay na may karapatan sa Universidad at lahat ng ari-arian na ipinundar ng kanyang Lolo Joaquin at Lola Emeteria. Alam niyang ang lahat ng ito ay ipinamana kay Don Severino. Ito ang nilalaman ng kanyang sulat sa kanyang inang si Donya Guada na nabasa ni Lander sa kanyang laptop.


At ngayon ay alam na rin niya na ang lahat ng ito ay hindi sa kanilang magkakapatid iniwan kundi Kay Leandro Maravilla, na ama naman ni Alejandro. Si Alejandro Maravilla, isang propesor ngayon sa kanilang Universidad, at Presidente ng union, ang tunay na may karapatan.


Alam niya rin na hindi lamang yan ang mga umaalingasaw na lihim ng pamilya Valderrama. Mga lihim na siyang nagtulak sa kanya upang lisanin ang Las Palmas at magpakalayo-layo. Mga baho ng pamilya na sumakal sa kanya at kung saan siya ay nagnais na makawala upang makahinga nang maluwag at magkaroon ng buhay na malaya. At ang kapalit nito ay ang isang malaking sakripisyo: ang iwanan ang kanyang pinakamamahal na si Carlos, ang ama ni Lander, ng batang noon ay kanya nang pinagbubuntis sa kanyag sinapupunan.


Marami pang lihim ang mga Valderrama. Mga lihim na kapag malalaman ng publiko ay lalo pang magpapabagsak sa kanila.


At ngayon nga, alam na ng buong bayan ang tunay nilang katayuang magkakapatid. Parang bombang sumabog ang isiniwalat ni Lander sa rally ng inorganisa ang mga estudyanteng aktibista. Usap-usapan ngayon hindi lamang sa buong bayan kung sino ba ang tunay na tagapagmana ni Don Severino. Alam niyang kontra sa interes ni Alejandro na isapubliko ang tunay niyang pagkatao. Pagkatapos nga ng pasabog ni Lander, ang una agad na tumawag sa kanya ay si Alejandro na nagpupuyos sa galit dahil sa ginawa ng kanyang anak na tila magbubulilyaso pa sa kanilang mga plano sa Universidad. Isa itong pangyayaring hindi nila inaasahan, at hindi nila alam kung ano ang magiging epekto nito sa kanilang mga balak gawin.


Nang araw na yun, hinarap agad ni Evelyn si Lander, na noon ay galak na galak sa kanyang ginawa. Hindi niya kayang pagalitan ang kanyang anak dahil alam niyang nagsasabi lang ito ng totoo. At sa kalooban niya, ay hinangaan niya ito lalo dahil sa kanyang katapangan, isang bagay na hindi niya nagawa noon. Ang naging solusyon niya ay ang tumakas at magpakalayo-layo, samantalang si Lander ay matapang na humarap sa buong bayan para baklasin ang pagpapanggap at pagkukunwaring matagal na ginamit ng kanyang pamilya para maghari-harian sa buong bayan ng Las Palmas.


Subali’t kilala niya si Eric Valderrama, na tinanggalan lang niya ng posisyon, kasama ng kanyang ate na si Araceli. Alam niya kung ano ang likaw ng bituka nito, at kung ano ang kaya nitong gawin. Dahil sa ginawa ni Lander, alam niyang nasa panganib na ang buhay nito sa kamay ni Eric, at alam niyang tutulungan ito ni Araceli.


Pinakiusapan niya si Lander na bumalik na lang sa New York. Subali’t gaya ng kanyang inaasahan tumanggi ito. Mariin nitong ipinamukha sa kanya na ginawa lang niya ang dapat sana ay ginawa ni Evelyn noon, at hindi nito gagawin ang takasan ang problema gaya ng ginawa niya.


At kanina lang, ay sumugod sa kanyang opisina si Carlos Mesina para ipaabot sa kanya ang pangamba nito sa kaligtasan ng kanilang anak. Nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo ni Carlos, na isinumbat sa kanya ang lahat nang nangyari. Binalikan nito ang kanyang biglaang pag-alis nang hindi man lang ipinaalam sa kanya kung nasaan sila, at ang pag-tatago nito sa kanyang tunay na pagkatao kay Lander nang napakaraming taon. Ibinuhos ni Carlos sa kanya ang naipon nitong sama ng loob na ipagkait sa kanya ang karapatan niyang maging ama. Tinangka niyang ipaliwanag kay Carlos ang kanyang panig, at ang kanyang nais na makawala sa hawla ng pagpapanggap at mga kasinungalingan. Ibinalik niya dito at ipinaalala na nagtangka naman siya na kumbinsihin si Carlos na sumama na lamang sa kanya, subalit mas inuna nito ang kanyang ambisyon maging sundalo at mag-aral sa Philippine Military Academy. Ibinalik niya ang sumbat at sisi.


Sa kalaunan, kapwa nila tinanggap na pareho silang naging makasarili. Subali’t nag-iwan si Carlos ng babala na makakapatay siya ng tao kapag may nangyaring masama kay Lander.


Naputol ang pagmumuni-muni ni Evelyn ng papasukin ng kanyang secretary ang mga bagong katatalagang Vice President for Academics na si Dr. Teresita Arrogancia at Vice President for Administration na si Dr. Arnulfo Desiderio. Kaya niya pinili ang dalawang ito ay dahil sa rekomendasyon ni Alejandro. Si Dr. Arrogancia at Dr. Desiderio ay iilan sa mga miyembro ng faculty na inapi-api ni Eric dahil hindi niya nakuhang sumuporta sa kanyang mga tiwaling gawain. Dating Dean ng CAH si Dr. Arrogancia at dating Director ng Campus Facilities si Dr. Desiderio. Tinanggal ni Eric si Dr. Arrogancia nang hindi ito pumayag sa pag-hire sa isang faculty na inaanak ng kumpare ni Eric, samantalang si Dr. Desiderio naman ay nag-resign nang pilitin ito ni Eric na pumirma sa isang ghost purchase ng mga sasakyan. Marami silang pinag-usapan para tugunan ang krisis na kinakaharap ng Universidad.


Maraming hinaharap na hamon ang Universidad. Malaki ang pinansyal na pangangailangan para bayaran ang mga gastusin kaugnay sa pagkasalantang ng malaking bahagi ng bayan dahil sa pagguho ng dam ng basura at waste materials na pag-aari ng Universidad. Kailangan din nilang paghandaan ang mga gastusinng kaugnay sa napakaraming demandang hinaharap ng Universidad hindi lamang sa korte kundi sa iba pang quasi-judicial bodies ng bansa. At kailangan nilang mag-invest sa isang PR campaign para tugunan ang krisis sa imahe ng Universidad sa mata ng publiko.


Ang kagyat na kailangang pagplanuhan ay ang napipintong Commencement Exercises na gaganapin sa Sports Coliseum sa susunod na linggo. Kailangan itong paghandaan lalo na at ang Bise-Presidente na si Mariam Labrador, na nakilala ni Evelyn noong nasa New York siya, ang nakatakdang maging Speaker, at gagawaran din ng Doctor Honoris Causa.


Samantala, habang naglalakad sa lobby si Carlos pabalik sa opisina ay nakasalubong nito si Eric na kasama si Deborrah Valderrama. Nagkatinginan sila ng masama, at hindi napigilan ni Eric na balaan si Carlos na ayusin nito ang kanyang anak na si Lander, at mag-ingat. Bumwelta si Carlos at sinabing ang mag-ingat ay si Eric dahil kapag may nangyaring masama kay Lander ay siya ang pananagutin nito. Akma sanang bubuntalin ni Eric si Carlos, na akma namang bubunutin ang baril nito subalit pinigilan sila ni Deborrah, na kinausap si Carlos na umalis na lang muna at huwag silang magpapadala sa init ng ulo.


Malapit sa puso ni Deborrah si Carlos. Bago pa man siya mapangasawa ni Eric ay magkaibigan na sila ni Carlos, at minsan ay may nangyari na rin sa kanila. Subali’t hindi ito nauwi sa isang relasyon, at sa halip ay ang namayani sa kanila ay isang uri ng pagkakaibigan na may paggalang sa isa’t-isa. Bagama’t isa nang Valderrama, hindi pa rin nakakalimutan na Deborrah ang kanyang pinanggalingan sa labas ng Universidad. Kababata niya si Carlos, bagama’t hindi sila naging close nito noong nasa Las Palmas pa si Evelyn dahil ilang nga siya noon sa mga Valderrama. Anak si Deborrah ng dating Chief of Police ng Las Palmas at hindi maiiwasan na naging magkalapit sila ni Carlos lalo na noong nagpatuloy itong mag-aral sa PMA, at siya naman ay nag-aral ng fine arts sa UP Diliman. Wala na noon si Evelyn sa buhay ni Carlos.


Minsan may usapan sila ni Carlos na susunduin siya nito sa Diliman para umuwi sa Las Palmas. Magtatapos na noon si Deborrah ng kanyang kurso samantalang malapit na ring grumaduate si Carlos sa PMA. Hinintay niya ito sa may waiting shed malapit sa Dorm subali’t natagalan ito dumating dahil nagka-aberya ang sasakyan nito galing Baguio. At doon nadaanan si Deborrah ni Eric, na niyaya siyang sumakay at sumabay na lang sa kanya pauwi sa Las Palmas. Mag-aalas nuwebe na ng gabi noon at malakas ang ulan, kaya pumayag na rin si Deborrah. Ang hindi niya alam ay may masamang balak na pala si Eric. Dinala siya nito sa isang madilim na lugar bago mag-Las Palmas at doon siya nito pwinersang makipagtalik sa kanya.


Nang sabihin ni Deborrah sa kanyang ama ang nangyari, sumugod ito sa mansion para makipagtuos kay Eric. Napilitan si Eric na pakasalan si Deborrah, sa utos na rin ni Donya Guada. Pumayag na rin si Eric sa dahilang naisip niya na mapapakinabangan niya naman kung magiging biyenan niya ang Chief of Police ng bayan.


Hindi naalis sa isipan ni Deborrah na manang-mana nga ang anak nilang panganay na si Jake sa ama. Mahilig ipagpilitan ang sarili sa mga babae.


Makatapos ng engkwentro ni Eric at Carlos sa lobby ng Administration Building ng Universidad, pinaalalahanan ni Deborrah si Eric na hindi niya pwedeng i-antagonize si Carlos lalo na at nakabinbin pa rin ang kasong rape at attempted murder ng kanilang anak na si Jake. Kung noong nasa posisyon pa siya bilang Vice President, at nasa posisyon pa din ang kanyang kakamping ate na si Araceli ay malaya niyang maiimpluwensyahan ang imbestigasyon, ay iba na ngayon na si Evelyn na ang nasa kapangyarihan.


At doon ay biglang naisip ni Eric si Jake na noon ay kausap si Paula Barredo sa isang sulok ng mapunong lugar sa loob ng campus, malapit sa botanical gardens. Umiiyak noon si Paula na nagsusumbong kay Jake. Bago pa ito ay ipinagtapat na sa kanya ni Migz Rallos ang tunay na relasyon nila ni Lander. Proud na proud si Migz sa ipinakitang tapang ni Lander nang isinawalat nito ang pinakatatagong sekreto ng pamilya ng kanyang ina. At doon nito napagtanto na hindi rin dapat siya nagtatago sa kanyang tunay na pagkatao. At nakapagdesisyon siyang aminin sa mga malalapit na kaibigan at sa pamilya ang tunay niyang sekswalidad. Inuna niya si Paula, bilang paggalang na lang dito at sa kanilang relasyon.


Parang gumuho ang mundo ni Paula nang aminin ni Migz na isa siyang bakla, at may namamagitan na sa kanila ni Lander. Bagama’t humingi ito ng paumanhin sa kanya, at sinabing ginagawa lang naman niya ito para maging totoo sa sarili, at para hindi na patuloy na lokohin si Paula, hindi ito naging katanggap-tanggap kay Paula. Litaw sa kalooban nito ang galit at paninibugho.


At sa lahat pa ng tao, kay Lander pa siya ipinagpalit, ang taong siyang pinagmulan ng isang malaking alingasngas na siyang lumagay sa Universidad na malapit sa kanyang puso, at pinagsilbihan ng kanyang ama at pamilya. At dito namuo sa puso niya ang hindi masukat na paninibugho at pagkasuklam kay Migz at Lander. Hindi siya matatahimik kapag hindi siya makakapaghiganti. At dito naghanap siya ng kakampi at naisip niya si Jake Valderrama. Alam niyang malaki ang galit nito kay Migz, at hindi rin ito natutuwa sa ginawa ng pinsan niyang si Lander. At hindi rin lingid sa kaalaman ni Paula na malaki ang gusto sa kanya ni Lander. Nang gabing iyon, ay pumayag si Paula na makipagtalik kay Jake sa kundisyong tutulungan siya nito na makapaghiganti. Sa rurok nga ng kanilang pagtatalik, ang nasambit ni Paula ay ng mga katagang “I hate Lander Valderrama and Migz Rallos!” Habang nagbibihis ay tiniyak ni Jake sa kanya na tutulong ito para mapaghigantihan niya si Lander at Migz.


Kinabukasan, pinakilos na ni Paula ang kanyang mga kaibigan sa Pep Squad, at pati na sa kanyang mga Sorority sisters upang simulan na ang demolition posts sa Facebook at Twitter laban kay Lander at Migz, na parang apoy na kumalat.


Sinagot naman ito ni Lander at Migz ng isang post na umaamin sa kanilang relasyon, na sinuportahan naman ng mga progresibong puwersa, lalo na ng mga LGBTQI hindi lamang sa campus kundi maging sa social media. Hindi lamang sa mga estudyante kundi sa Faculty. Naging malawakan ang suporta sa dalawa, lalo na at sa mata ng marami ay bayani si Lander sa ginawa nitong pagsisiwalat ng tunay na katayuan ng mga Valderrama.


Parang nag-aalimpuyo ang nilikhang alingasngas ng mga sunud-sunod na mga pangyayari sa Universidad, habang abalang-abala ito sa paghahanda sa nalalapit na Graduation ceremonies. Puno ang campus ng mga tarpaulin at mga placard na binabatikos ang mga Valderrama, na ngayon ay sinamahan naman ng mga pagdepensa sa karapatan ng mga LGBTQI. Maingay ang mga debate hindi lamang sa mga dormitoryo, cafeteria, classrooms at maging sa bayan. Mas lalong maingay ang mga sagutan sa social media. May mga nakapaskel na nakasungay si Evelyn, Eric, Araceli at Donya Guada. At may mga posters naman ng paninira kay Lander at Migz.


May mga pagbabanta ding natatanggap ang mga Valderrama sa buhay nila. Samantalang si Lander at Migz ay nagdeactivate na sa social media dahil sa sobrang natatanggap na mga atake. May ilan pang nagbanta sa kanila na bilang na ang kanilang mga araw.


Hatinggabi na ng bisperas ng Graduation. Ang lahat ay kanya-kanya ng mga iniisip.


Iniisip ni Evelyn kung papaano poprotektahan ang anak na si Lander, at ang interes ng Universidad.


Samantalang si Carlos ay lalo pang nangamba sa anak na si Lander, bagama’t nabagabag siya sa inamin nitong tunay na sekswalidad nito at sa relasyon sa isang aktibistang matagal nang nasa watchlist nila na may kaugnayan sa mga armadong rebelde.


Si Eric ay hindi mapakali sa kaiisip kung paano makakapaghiganti kay Evelyn at sa anak nito. Samantala si Araceli ay nagkukulong sa kanyang kuwarto, umiinom ng alak, habang nagpaplano din ng kanyang mga susunod na hakbang.


Si Deborrah ay pilit nagdidibuho ng bagong disenyo ng damit, subalit ang nasa isipan ay ang mga nangyayari sa paligid niya. Hindi rin niya maalis sa isipan niya si Carlos.


Kausap ni Alejandro ang kanyang lola at pinapaliwanag ang katayuan niya na hindi siya pwedeng lumantad sa ngayon at angkinin ang kanyang mana dahil dadagdag lang yun sa kaguluhan. Hindi pa tama ang panahon para gawin ito.


Sa mga pagkakataong yun ay katatapos lang mag-sex ni Paula Barredo at Jake Valderrama na sumisinghot na ng shabu habang si Paula ay may ka-chat sa telepono.


Si Migz naman at si Lander ay abala sa paghahanda ng mga protest materials na gagamitin bukas sa rally kasabay ng graduation rites.


Samantala, sa likod ng Coliseum na kung saan gaganapin ang Graduation kinaumagahan, maaninag ang anino ng tatlong kalalakihan na may mga maskara na kagagaling lang sa loob. May kausap ang isa sa kanila sa telepono. At malinaw ang sinabi nito sa kausap sa kabilang linya.


“Opo. Ayos na po. Naitanim na po namin ang bomba. All set na po para bukas.”

77 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Tonton Contreras Creations

©2022 by Tonton Contreras Creations. Proudly created with Wix.com

bottom of page