![](https://static.wixstatic.com/media/e3ffc0_cc9a565f73914f43983d5a241075677c~mv2.png/v1/fill/w_842,h_842,al_c,q_90,enc_auto/e3ffc0_cc9a565f73914f43983d5a241075677c~mv2.png)
Bawa’t hakbang ni Alejandro Maravilla patungong tanggapan ng bagong Presidente ng University of South-Central Philippines ay kalkulado at mabigat. Tanda na hindi madali ang kanyang gagawin nguni’t kinakailangan.
Alam ng lahat na nasa delikadong katayuan ang Universidad. Nag-uumapaw ang mga problemang kinakaharap nito bunsod ng pagkawasak ng dam ng mga basura at lasong pag-aari nito na ikinasawi ng maraming tao at ikinasira ng limang barangay sa bayan ng Las Palmas. Laman ng balita maging sa buong mundo ang pangyayari. Hanggang sa ngayon ay umaalingasaw pa rin ang nakakasulasok na amoy sa maraming lugar sa bayan. Dahil may lamang lason, pati ang lawa ay naapektuhan at nagkamatay ang mga tilapiang nasa palaisdaan maging ng mga karatig-bayan sa lawa.
Patong-patong ang demandang kinakaharap ng Universidad. At hindi lamang ito nagmumula sa mga nasalanta, na ngayon ay tinutulungan na ng Commission on Human Rights (CHR) at ng napakaraming mga cause-oriented groups. Maging ang mga government regulatory agencies katulad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay nagsimula na ng sarili nitong imbestigasyon. Ipinatawag sa Senado at sa House ang buong pamunuan ng Universidad sa isang pagdinig na inabangan at pinanood ng mamamayan. Ginisa sa mga pagdinig na ito hindi lamang si Evelyn, Araceli at Eric kundi pati na rin ang kanilang mga tauhan para sagutin ang mga pag-uusig at pagtatanong ng mga Senador at mga Kongresista. Maging ang pamunuang bayan ay hindi nakaligtas.
Malinaw na sumisigaw ang bayan ng katarungan.
At sa loob ng Universidad, patuloy ang mga kilos-protesta ng mga estudyante, at ng union. Nananawagan na magbitiw at parusahan ang mga nagkasala.
Alam ni Lander, ang panganay na anak ni Evelyn na nasa mahirap na katayuan ang kanyang ina. Siya man ay naguguluhan sa mga nangyari, at hindi lamang ang pagguho ng dam ang bumabagabag sa kanya. Kung dati ay ikinatuwa niya ang pagkakatalaga sa ina niya bilang bagong Presidente ng Universidad, ngayon ay balot ng agam-agam at pangamba ang kanyang nararamdaman, lalo na at kitang-kita niya ang bigat ng dinadala nito. Hindi makatarungan na dapat si Evelyn ang minumura at pinagagalitan ng mga Senador at Kongresista. Hindi tama na ang kanyang ina ang sumasapo ng lahat ng sisi at galit ng tao. Alam naman ng mga tao sa Las Palmas na matagal na nawala si Evelyn at wala itong naging kinalaman sa mga kapabayaan ng kanyang dalawang kapatid, at ni Donya Guada.
Naawa siya sa kanyang ina. At lalong naawa siya sa kanyang kapatid na bunso na si Luna. Naisip ni Lander na sana ay hindi na lang sila umuwi. Hindi na sana nila iniwan ang New York. Hindi na sana sila nagkahiwalay ng kanyang boyfriend na si Pok Phasut, isang Thai model at actor na doon nakabase. Hindi naging maganda ang paghihiwalay nila dahil ayaw nga siyang payagan ni Pok. Niyayaya niya itong sumama sa kanya, at sinabi pa nga niya na may tiyahin siyang fashion designer, si Deborrah na asawa ni Eric na kapatid ng ina niya, at madali para kay Lander na maipasok si Pok sa mga gigs at shows. At mas mapapalapit pa ito sa Bangkok at mas madali na sa kanilang magpabalik-balik dito. Subali’t hindi pumayag ang Thai. Maganda ang kanyang career sa New York. Mabenta siya bilang isang model, at rumarampa siya sa mga international fashion shows.
Ngunit nanaig kay Lander ang marubdob na pagnanasa na makabalik ng Pilipinas. At ang pangunahing dahilan niya ay hindi ang makita ang kanyang lola at ang iba pang kapamilya. Alam niya ang buong kwento ng buhay ng kanyang ina at hindi lingid sa kanyang kaalaman kung anong klaseng relasyon meron ito sa kanyang ina at mga kapatid. Bukas ang buhay ni Evelyn kay Lander, maliban sa iisang bagay. Kahit kailan hindi nito sinabi sa kanya kung sino ang tunay niyang ama.
At ito ang nagtulak sa kanya para sumama pabalik ng Pilipinas. Gusto niyang alamin at hanapin ang kanyang ama.
Kaya halong gulat at tuwa ang naramdaman niya nang malaman niya na ang tunay niya palang ama ay ang Chief of Police ng bayan na si Police Lt. Col. Carlos Mesina. Mula noong araw na yun sa lobby ng ospital nang isugod ang lola niya, at narinig niyang binulgar ng tiyuhin niyang si Eric ang pinakatago-tagong sekreto ng kanyang ina, ay luminaw sa kanya ang lahat. Sa sandaling iyon para siyang lumaya muli sa ikalawang pagkakataon. Tila nabunutan siya ng mabigat na dinadala sa dibdib niya, at gumaan ang kanyang pakiramdam, kasing-gaan ng mga sandaling nag-out siya sa kanyang ina at kapatid at inaming isa siyang bakla.
Natakpan ng mga kaguluhan at pangyayaring bunsod ng pagguho ng dam at ng kalamidad na iniwan nito ang naging mainit sanang usap-usapan tungkol sa kanya at sa tunay niyang ama. Katulad din ng natakpan din ang usapin tungkol sa pagkakasangkot ng kanyang pinsang si Jake sa panggagahasa at tangkang pagpatay sa isang estudyante. Hindi niya alam kung paano siya lalapit sa kanyang ama. Hindi niya alam kung nakarating na dito ang pagbulgar na ginawa ni Eric sa ospital. Tinanong niya ang sarili niya kung dapat siya ba ang unang lumapit dito, o dapat hayaan niyang si Carlos ang humanap ng paraan na magkausap sila. Hindi siya kailangang magmadali dahil alam naman niyang magtatagal pa siya sa Las Palmas.
Naging abala na rin si Lander sa pagtulong sa mga nasalanta ng kalamidad. Sinamantala niya na hindi siya kilala ng mga tao, at maiiwasang siya ay dumugin at saktan ng mga galit na mamamayan. Nagvolunteer siya sa relief operations. Hindi na ito bago sa kanya sapagkat ito naman talaga ang naging trabaho niya sa New York, sa isang international humanitarian agency doon. Sa totoo nga niyan, ginamit niya ang kanyang direktang kuneksyon para humingi ng karagdagang tulong at ayuda, at siya ay pinagbigyan naman. Dahil sa kanya, tatlong C-130 na puno ng relief goods, na may kasama pang mga health personnel, ang pinadala ng kanyang dating organisasyon para sa mga taga-Las Palmas.
At dito niya nakilala si Migz, o Miguel Rallos na siyang President ng University Student Government. Sa una pa lang ay naramdaman niya na na may kakaiba itong atensyong ibinigay sa kanya. At sa kanilang mga kasapi ng LGBTQI community, likas na sa kanila ang madaling maamoy ang kapwa nila gay. At alam niya, damang-dama niya na may gusto si Migz sa kanya. Nagtataka siya dahil kasama naman nito ang kanyang girlfriend lagi. Hindi pagdududahan ang sekswalidad nito. Isa itong campus figure, student leader at member ng varsity team ng basketball ng Universidad. Crush ng bayan. Tipikal sa Migz na nabubuhay sa kloseta. Tagong bakla.
Isang gabi ay naiwan si Lander na nagiimbentaryo ng mga relief goods sa isang bodega malapit sa munisipyo. At nagulat siya nang bigla siyang nakarinig ng mga yabag. Nang lumingon siya ay naandun si Migz. Mag-isa, parang nahihiya. Nilapitan niya ito. Bagama’t Pilipino sa dugo ay isa pa ring New Yorker si Lander. Prangka. Walang patumpik-tumpik. At tinanong niya ng harapan si Migz kung gay ba ito at may gusto sa kanya. Sa halip na magalit, ang ibinalik ni Migz sa kanya ay isang tanong. Kung siya ba ay anak ni Evelyn Valderrama.
At sa sandaling iyon, nalagay si Lander at Migz sa isang sitwasyon na naging simula ng kanilang kakaibang relasyon. Kapwa mapusok, nauwi sa sex ang gabing yun, doon mismo sa bodega ng mga relief goods. Ang hindi nila alam ay ang kumplikasyong idudulot nito hindi lamang sa kanilang mga buhay, kundi pati na rin sa ibang kaganapan sa Las Palmas at sa Universidad.
Naging kumplikado din ang tinahak na landas ni Alejandro Maravilla, ang Presidente ng union ng mga manggagawa sa Universidad pagkatapos ng mga pangyayari bunsod ng pagguho ng dam at sa kalamidad na naranasan ng bayan ng Las Palmas. Kahit na kasama siya sa pagdalamhati at pakikiramay sa mga namatayan at nasalanta, hindi niya napigilan ang matuwa sa masamang kapalarang ngayon ay nanalasa sa mga Valderrama. Huhamarap sila sa kanilang sariling delubyo. Ang galit ng bayan. Ang mga imbestigasyon. Ang posibleng pagkakakulong, at ang pagbabayad ng danyos na maaring ika-ubos ng kanilang kayamanan.
Makakapaghiganti na rin siya. Maipaghihiganti na rin niya ang ginawa ni Donya Guada sa kanyang lola at lolo, at ang pagkamatay ng kanyang ama.
Subali’t hindi niya inaasahan ang isang malakas at mag-asawang sampal pa ang kanyang mararanasan mula kay Donya Mercedes, ang kanyang lola, nang tuwang-tuwa niya itong kinausap sa bahay nito sa Quezon City minsang lumuwas siya at sinabi niya ang mga pangyayari. Hindi niya inakala ang ganung reaksyon mula sa kanyang lola.
Madiin pero malinaw ang sinabi nito sa kanya. Anong saysay ang paghihiganti kung ang maiwan sa kanya ay abo ng Universidad na itinatag ng kanyang lolo? Hindi maatim ni Donya Mercedes na ang ipinundar ng kanyang asawa ay mawasak at maglaho. Anong uri ng yaman ang mamanahin ni Alejandro kung ito ay baon sa utang, bangkarote at sarado na?
At doon luminaw kay Alejandro ang nais ng kanyang lola. At doon niya rin napag-isip isip na tama nga naman si Donya Mercedes. Ang buong Universidad at lahat ng pag-aari ng mga Valderrama ay ipinamana ng Lolo niya sa tuhod na si Don Joaquin sa Lolo niya na si Don Severino. At ipinamana naman nito ang lahat sa kanyang amang si Leandro. At dahil dito, may karapatan ang kanyang ama. At alam niyang may kinalaman ang mga Valderrama sa pagkamatay nito at ng kanyang ina. Ngayon, siya na lamang ang naiwang iisang tagapagmanang legal. Ano nga naman ang mamanahin niya kung mabangkarote ang mga Valderrama.
May kailangang magbago. Hindi maaaring malugi at magsara ang Universidad. At dito nabuo sa kanyang isipan ang isang plano. Kailangan niya ang tulong. Hindi niya kaya itong mag-isa. At ito ang dahilan kung bakit pupunta siya sa opisina ni Evelyn Valderrama, na noon ay naghihintay na sa kanya sa itaas. Dala-dala ni Alejandro ang dalawang pinakamahalagang mga dokumento sa buhay niya. Laman ng kanyang bag ang tunay at legal na kopya ng mga huling habilin ni Don Joaquin at ni Don Severino.
Samantala, si Lander at Migz ay magkatabi sa damuhan sa burol na tanaw ang buong bayan. Masayang-masaya ang dalawa, kahit tago ang kanilang relasyon. Hindi pa handa si Migz para ilantad sa tunay niyang pagkatao.
Hiniling ni Migz kay Lander na magsalita sa isang rally na gaganapin kinabukasan sa campus. Gusto sana nito na makiisa si Lander sa pag-usig sa kanyang sariling pamilya. Alam ni Migz na magiging epektibo itong propaganda para sa pagsulong ng katarungan para sa mga nasalanta. Alam ni Lander ni hindi ito ikatutuwa ng mga Valderrama. Ngunit kilala siya ng kanyang ina. Alam nito na kapag tama, wala sa kanya ang pami-pamilya. Maliban dito, mahal na niya si Migz. Isa ito sa nagdudulot sa kanya ng saya ngayon.
At higit sa lahat, alam niyang ikatutuwa ito ng kanyang amang si Carlos Mesina.
Malinaw ang kalangitan na tanaw sa burol na kung saan andun ang dalawa. Parang wala nang bakas ang bagyong nag-iwan ng kamatayan sa bayan ng Las Palmas. Subali’t sa kapatagan, andun pa rin ang nakakasulasok ng amoy ng mga lasong tumagas sa mga lupain at tubigan.
Samantala, sa Universidad, sa opisina ni Evelyn, hindi mahulugan ng karayom ang katahimikan matapos nitong mabasa ang mga dokumentong dala ni Alejandro. Binasag lang ito ng isang tanong mula sa Presidente:
“And what is your proposal on what we should do to protect our common interest, Mr. Maravilla?”
Comments