top of page

3 BASTARDO (UNIVERSIDAD, BOOK 1)

Writer's picture: Antonio ContrerasAntonio Contreras

Updated: Jan 19, 2024



Lumaki si Alejandro Maravilla na puno ng poot sa kanyang puso. Ito ay ipinunla at pinagyaman ng mga kwento ng pang-aapi at pang-aalipusta na isinalaysay sa kanya ng kanyang lola na si Mercedes Maravilla. At iisa lamang ang itinuturong dapat niyang kasuklaman. Ang pamilya Valderrama, lalo na si Donya Guadalupe Valderrama y Luis.


Nagbinata si Alejandro na wala ang kanyang ina at ama. Ang kanyang amang si Leandro Maravilla, na solong anak ni Mercedes, at ang ina niyang si Lourdes, ay kapwa nasawi sa isang malagim na aksidente isang gabing ang kanilang sinasakyang kotse ay bumunggo sa isang poste habang galing sila sa isang pakikipagkita kay Donya Guada. Nang araw na yun, kinausap ni Leandro ang Donya tungkol sa isang bagay na mahalaga hindi lamang para sa mag-asawa, o kay Mercedes, kundi pati na rin sa kinabukasan niya. Siya ay trese anyos pa lang noon.


Anak si Leandro ni Severino Valderrama, asawa ni Donya Guada, kay Mercedes. Hindi ito itinago ni Mercedes sa kanya. Si Leandro ang pinakamatandang anak ni Severino, mas panganay pa kay Araceli na anak ni Donya Guada.


Si Severino Valderrama ay isang dayo sa bayan ng Las Palmas na siyang kinatatayuan nang kasalukuyang University of South-Central Philippines, nang siya ay nagtrabaho bilang katiwala ni Don Joaquin Luis na ama naman ni Donya Guada. Masipag at mabait si Severino, kaya nahulog ang loob ni Don Joaquin sa kanya. Ito ang nagsilbing kanang-kamay niya, at higit pa dito. Ang hindi alam ng marami, halos si Severino ang nagpapatakbo ng eskewelahan at siyang nasa likod ng pagyabong nito at paglaki mula sa isang maliit na elementarya at high school upang maging isang ganap at komprehensibong Unibersidad. Si Severino ang lumakad at naghanap ng mga mauutangan at iba pang mapagkukunan ng pondo sa mga panahong naghihikahos ang eskwelahan.


Bagama’t mahal ni Don Joaquin si Severino, ito naman ay naging obheto ng paninibugho ng asawa nitong si Donya Emeteria, na labis na nagseselos sa mga panahong ginugol ng kanyang asawa sa kanyang katiwala. At kasabay nito, nilason ni Donya Emeteria ang kaisipan ni Guada na kamuhian din si Severino.


Si Guada ay may ibang lalaking minahal, si Procopio Delfin, isang sundalo na pumasok sa pulitika. Pabor si Donya Emeteria kay Procopio subalit tutol naman dito si Don Joaquin. Hindi nito gusto ang pagiging maangas, at ang kanyang mga naririnig na pagkakasangkot nito sa mga di-kanais-nais na mga gawain, katulad ng malawakang pagnanakaw ng mga kalabaw, at ang pakikipagsapakatan nito sa mga tulisang noon ay kumukuta sa mga kabundukan.


Lalong kinamuhian ni Guada si Severino nang nagdesisyon si Don Joaquin na ipakasal na lamang siya sa kanyang katiwala. Hindi malilimutan ni Guada ang araw na yun kung saan halos mamatay siya sa pakikiusap sa kanyang ama na hindi niya mahal si Severino, at si Procopio ang mahal niya. Kasama niya ang kanyang ina na nakiusap. Subali’t buo na ang loob ni Don Joaquin. Mapapanatag lamang siya kung ang mapapangasawa ng kanyang unica hija ay si Severino na isang mapagkakatiwalang tao, at alam niyang mamahalin hindi lamang ang kanyang anak, kundi pati ang eskwelahang kanyang sinimulan. Hindi niya kailanman matatanggap na malalagay sa bingit ng alanganin ang kanyang mga ipinunla sa kamay ng isang tiwaling pulitiko na katulad ni Procopio Delfin.


At walang nagawa si Guada at Donya Emeteria. Si Don Joaquin pa rin ang nasunod at natuloy ang kasalan. Naging ganap na mag-asawa si Guada Luis at Severino Valderrama. Subalit isinumpa ni Guada na kahit kailan ay hindi niya mamahalin si Severino. Nagpatuloy ang palihim na relasyon ni Guada at Procopio, habang abala naman si Severino sa pag-aasikaso sa eskwelahan sa dahilang naging sakitin na si Don Joaquin.


At dito nagkakilala si Severino at Mercedes Maravilla, isang guro sa eskwelahan ng mga Luis. Mabait at napakasipag ni Mercedes, maliban sa ubod pa ng ganda at talino. Nahulog agad ang loob ni Severino kay Mercedes. Noong una, nilabanan ni Mercedes na mahulog din ang loob kay Severino, dahil alam niya ang tunay na katayuan nito sa buhay, subali’t sadyang malakas ang tawag ng puso. Nakadagdag pa dito ang awa na naramdaman niya kay Severino na bakas ang kalungkutan dahil ni minsan hindi ito minahal ng kanyang asawa, na lantarang laging kasama ang Mayor na noon ng bayan na si Procopio Delfin.


Naging sekretong magkatipan si Severino at Mercedes, at di kalaunan ay nagbunga ang kanilang pagmamahalan. Hindi na maitatago ang pagdadalang-tao ni Mercedes. Dalaga ito, at tiyak siya ay lilibakin at pag-uusapan sa bayan. Matapang na sinabi ni Severino na pangangatawanan niya ang bata, at hihiwalayan niya si Guada.


Isang gabing malakas ang ulan at may paparating na bagyo, ipinagtapat ni Severino kay Guada ang katotohanan tungkol sa pagdadalang-tao ni Mercedes, at ang kanyang desisyon na hiwalayan na lang si Guada. Parang sumabog na bulkan si Guada. Hindi siya papayag, dahil kahit hindi niya mahal si Severino, hindi niya kailanman hahayaang ang kanya ay mapapunta sa isang pobreng guro lamang. Nakiusap si Severino na pakawalan na silang dalawa subali’t matigas si Guada.


Nang madaling araw na sumunod, habang madilim pa at bago pa nga tumilaok ang mga manok, may mga lalaking pumunta sa bahay nila Mercedes. Nagising sila lahat sa malalakas na katok. At nang binuksan ng ama niya ang pintuan, siya ay kinaladkad ng mga ito palabas habang nagpupuyos ang panahon at halos nakakabulag ang ulan, sa kabila ng kanyang pagmamakaawa at mga taghoy ng kanyang ina. Ang mga lalaki na ang nagimpake para sa kanya, at isinakay siya sa isang jeep at dinala sa estasyon ng tren papuntang Maynila. Doon naghihintay sa isang berlina ni Mayor si Guada. Lumabas ito, pinagmasdan siya, at isang malakas na sampal ang pinakawalan nito sa kanya. Sabay dura sa mukha niya.


“Lumayas ka sa bayang ito. Kung gusto mo pang mabuhay sampu ng pamilya mo. At huwag na huwag ka nang babalik.”


Nagpakalayo-layo si Mercedes at sa Maynila na lang nanirahan. Dito niya na isinilang si Leandro. Nagpunyagi si Mercedes para makakuha ng mas mataas na antas ng pag-aaral, at naging isang kilalang manunulat, at kalaunan ay naging propesor sa pamantasan.


Nang araw na umalis si Mercedes sa Las Palmas, ay siya namang araw na binawian ng buhay si Don Joaquin. Parang pinagtakluban ng tadhana si Severino. Halos sabay nawala sa kanya ang lalaking itinuring na niyang parang tunay na ama, at ang babaeng tunay niyang minahal at tunay na nagmahal sa kanya.


Sa araw na binasa ang huling habilin ni Don Joaquin, handa na si Severinong lisanin ang Las Palmas. Desidido na siyang hiwalayan si Guada at hahanapin niya si Mercedes. Ang hindi niya alam ay may ibang plano sa kanya si Don Joaquin, at ang tadhana.


Halos mahimatay si Guada at Donya Emeteria nang narinig nila ang binasa ng abogado ni Don Joaquin. Si Severino ang nginalanan niyang tanging heredero. Lahat. Ang mansion. Ang mga lupain. Ang eskwelahan. Lahat ito ay ipinamana niya sa kanyang katiwala na asawa ng kanyang unica hija. Walang iniwanan kay Guada at kay Donya Emeteria, ni isang kusing.


Nagpupuyos man ang damdamin ng mag-ina ay wala silang magawa. Malinaw na legal ang kasulatan.


Mula sa araw na yun ay pilit na nakisama ang mag-ina kay Don Severino. Naging tahimik ang Las Palmas, at nabawasan ang ingay ng mga tsismis tungkol sa relasyon ni Guada at ni Mayor Delfin. Nasundan pa ito ng halos taon-taong pagbubuntis ni Guada, una muna kay Araceli, at pakatapos kay Enrico, at pinakahuli ay kay Evelyn.


Subalit sa kabila nito, nababanaag kay Don Severino ang labis na kalungkutan, na parang hindi siya ganap na masaya sa kabila nang sunod-sunod na pagbubuntis at panganganak ni Guada.


At patuloy na naging miserable ang buhay ni Severino. Malayo din ang loob niya kina Araceli, Enrico at Evelyn. Malimit silang mag-away ni Guada.


Nang araw na debut ni Araceli, at may malaking handaan sa mansyon, hindi man lang nasilayan ang mukha ni Severino. Mas minabuti pa nitong magtrabaho sa kanyang opisina sa Universidad.


Nang gabing iyon matapos ang handaan, nang nakauwi si Severino sa mansyon, nakarinig na lang ang mga katulong sa mansiyon ng isang maingay na pagtatalo ng mag-asawa. At sabay nito ang isang putok ng baril. Wala naman sa kanilang naglakas loob na mag-usisa kung ano ang nangyayari sa itaas. Ang tanging nakita na lang nila ay ang mabilis na pagdating ng mga tauhan ni Mayor, at ang kanilang pagmamadaling paglisan na tila may dalang isang malaking sako.


Nagimbal ang balitang sumalubong sa buong Las Palmas kinaumagahan. Natagpuang walang buhay si Don Severino na may tama ng baril sa ulo sa kanyang opisina. Ang sapantaha ng pulisya ay may nagtangkang magnakaw, at siya ay napatay.


Ipinagluksa ito ng buong bayan. Sa araw ng kanyang libing, libu-libo ang nakiramay at dumalo galing pa sa malalayong bayan, tanda ng kanilang pagmamahal sa isang napakabuting tao.


Sa Maynila, wala ding pagsidlan ang pagdadalamhati ni Mercedes Maravilla. Hindi man lamang nasilayan ni Leandro, na ngayon ay isa nang ganap na labing-siyam na gulang na binatilyo ang kanyang ama.


Simula nang pinalayas si Mercedes ni Guada sa tulong ng mga tauhan ni Mayor Delfin, Pinalaki ni Mercedes si Leandro nang mag-isa, pinag-aral, at pinagtapos ng abogasiya, at naging ganap na itong abogado, at nakapangasawa ng isa ring abogada, si Lourdes. Nagtayo ang mag-asawa ng isang maliit na law firm na ang layunin ay matulungan ang mga maralita at maliliit na nangangailangan ng legal na serbisyo. At nagkaroon sila ng anak, si Alejandro.


Isang araw, may dumating sa bahay ni Mercedes at gusto siyang kausapin, subali’t dapat ay andun din si Leandro. Tinawagan niya ito at pinapunta agad. Ang lalaking dumalaw sa kanila ay si Atty. Crispin Ruivivar, isang matalik na kaibigan ni Severino. At may pinakita itong dokumento, ang last will and testament ni Severino na pinatago sa kanya.


“Ang nilalaman niyan ang sa tingin ko ang naging mitsa ng kamatayan ni Berong.”, ang tinuran ng abogado. “Iyan ang tunay na huling habilin. Peke ang pinalabas ni Guada at Emeteria.”


Pinigilan niya si Leandro subalit desidido itong pumunta ng Las Palmas para kausapin si Donya Guada at ipakita ang dokumento. Kilala niya si Guada. At kahit namayapa na rin si Donya Emeteria, malakas pa rin at makapangyarihan sa bayan si Mayor Delfin. Subali’t hindi niya napigilan ang kanyang anak, na sinamahan ng kanyang asawang si Lourdes.


Nawalan daw ng preno ang sasakyan ng mag-asawa habang tinatahak ang daan mula sa mansion ng mga Valderrama, pakatapos nilang makipagkita kay Donya Guada.


Pero alam ni Mercedes Maravilla na hindi ito ang tunay na nangyari.


At habang luhaan ito at nagpupuyos sa halong galit at hapis ang kalooban, naalala niya ang nasa huling habilin ni Severino Valderrama, ama ng kanyang anak na si Leandro, mga lalaking pareho niyang minahal ng labis, na ngayon ay pareho nang walang buhay.


Gaya ng ginawa ni Don Joaquin kay Severino, ipinamana din nito lahat ng ari-arian, ang mansion, ang mga lupain at ang ngayon ay isa nang ganap na Universidad, sa kanyang anak na si Leandro.


At ito ay sa kadahilanang tanging si Leandro ang tunay na anak ni Severino. At ang pinakatatagong lihim ni Guada. Si Araceli, Enrico at Evelyn ay lahat anak niya sa kanyang kalaguyong si Mayor Procopio Delfin, at hindi kay Severino. Ito ang lihim ni Donya Guada.


At ang lahat. Ang mansion. Ang mga lupain. At higit sa lahat, ang Universidad. Lahat ito sa mata ng batas, ay pag-aari dapat ni Dr. Alejandro Maravilla, solong anak ni Leandro at Lourdes, solong apo ni Don Severino, na ngayon ay Presidente ng unyon sa Universidad.

112 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Tonton Contreras Creations

©2022 by Tonton Contreras Creations. Proudly created with Wix.com

bottom of page