Napabuntung-hininga si Police Lt. Colonel Carlos Mesina, Chief of Police ng Las Palmas matapos niyang basahin ang report na isinumite ng imbestigador tungkol sa babaeng estudyanteng natagpuang hubad, walang malay, at maraming pasa sa katawan. May mga paso din ito ng sigarilyo malapit sa kanyang mga maseselang bahagi ng katawan. Ayon sa laboratory report, may ebidensya na ito ay ginahasa hindi lamang ng iisang tao kundi ng marami.
Maswerte ang estudyante at nabuhay pa ito. Siguro inakala ng gumawa, o mga gumawa, ng krimen na patay na ito nang itinapon nila sa masukal na bahagi ng gubat sa may paanan ng bundok, sa labas ng bakod ng basurahan ng bayan.
Subali’t ang mas nakababahala sa kanya ay ang lumabas sa testimonya ng estudyante, na walang pag-aalinlangan na pinangalanan ang gumawa sa kanya nito.
Si Joaquin Valderrama, o kilala sa palayaw na Jake, panganay na anak at kaisa-isang anak na lalaki ni Enrico Valderrama, Vice President for Academic Affairs ng University of South-Central Philippines, sampu ng mga kabarkada nito.
Alam niya na maselan itong usapin. Matagal nang may tensyon sa pagitan ng pulis ng Las Palmas at ng mga nagpapatakbo ng seguridad sa loob ng malawak na campus ng Universidad. Mga iringang dulot ng hurisdiksyon, at kung saan ang hangganan ng kanilang mga awtoridad. Dati ay hawak ng pulisya ang buong campus subali’t nagkaroon ito ng pagbabago nang bumalik si Enrico mula sa pag-aaral galing London at nailuklok na Vice President. Napansin ng pulisya na tumaas ang insidente ng kriminalidad sa loob ng campus. At ang pinakamatindi dito ay ang pagtaas ng mga krimeng may kaugnayan sa droga. Naging talamak ang bentahan at paggamit ng shabu sa mga estudyante, at maging sa mga faculty na nakatira sa mga university housing units sa loob ng campus. At halos lahat ng mga nahuhuling gumagawa ng krimen ay kung hindi sangkot sa droga, ay nagtitest na positibo sa paggamit nito.
Nahirapan ang pinalitan ni Carlos na sugpuin ang kriminalidad. Ang masama pa nito, ang sinisisi pa ng Universidad, lalo na ni Enrico, ay ang kawalan ng kakayahan ng pulisya ng bayan. At dahil dito, nilakad ni Enrico sa pambansang pamahalaan na aprubahan ang pagbubuo ng isang hiwalay na University Police Force, na pinahawakan ni Enrico kay Miguel Cordova, isang dating sundalo na kababata nito na taga Las Palmas din, na ayon sa mga usap-usapan ay inalis sa serbisyo dahil sa pamumuno sa isang masaker ng mga Lumad na pinagsuspetsahang rebelde sa Davao.
Gamit ang lakas at impluwensya, ay nakuha ni Enrico ang kanyang gusto. Itinalaga sa ilalim ng opisina ng Vice President for Administration ang University Police Force, subalit direktang nagrereport si Cordova kay Enrico at hindi sa kanyang boss na si Araceli Valderrama na siyang VP for Administration. Wala namang magawa si Araceli at hindi makapiyok sa kapatid. Sabi nga ng maraming tao sa loob at labas ng Universidad, tau-tauhan lang ito, spineless at walang sariling isip. Mahina, kaya hindi paborito ng inang si Donya Guada.
Nang itinalaga si Carlos na maging Chief of Police ng bayan, makatapos sa mahabang panahon niyang panunungkulan bilang Chief of Police sa isang bayan sa Visayas, at bago nito ay sa Mindanao, siya mismo ang humiling dito. Bagama’t siya ay kinukuha ng Presidente bilang maging bahagi ng Presidential Security Group, mas ginusto niya na sa bayan na lang niya siya madestino. Marami siyang gustong ayusin, at kasama na dito ang hindi natapos na gawain ng kanyang ama na namatay sa sama ng loob dahil sa panggigipit ng mga Valderrama, lalo na ni Enrico. Si Carlos ay anak ng dating Chief of Police ng Las Palmas, na si Carlos Sr.
Subali’t may malalim pang dahilan si Carlos. At hindi lang ito dahil sa pakiusap ng asawa niyang si Carolyn na huwag nang lumayo at kung pwede ay sa bayan na lamang nila magpadestino. May sakit sa cancer si Carolyn, at gusto niya na lang manatili sa Las Palmas, o kung hindi man ay magretiro na lang siya at manirahan na sa Baguio na kung saan tagaroon si Carolyn.
Pinili ni Carlos ang magpadestino sa Las Palmas. Ang mas malalim na dahilan ni Carlos ay nakaugat sa isang bagay na tumimo sa kanyang pagkatao. Hindi lamang sa kanyang ama may pagkakautang ang mga Valderrama, maging sa kanya din.
Dating lihim na karelasyon si Carlos ni Evelyn Valderrama, ang rebeldeng anak ni Guada at Severino. Ibang-ibang si Evelyn kay Araceli at lalo na kay Enrico. Malakas ang personalidad ni Evelyn. Liberated ito at hindi nagpakulong sa mga kagustuhan ng kanyang pamilya, hindi katulad ni Araceli na buong buhay ay ginugol sa paninilbihan sa ina at sa pamilya. Mabuting tao si Evelyn, at malapit ang loob sa mga empleyado ng Universidad, at kilalang hindi mapagmataas. Lubog sa masa si Evelyn, at aktibista sa kanyang pakikitungo sa mga mahihirap ng Las Palmas. Ibang-iba ito kay Enrico na kinatatakutan at kinasusuklaman ng mga tao dahil sa pagiging mayabang nito at abusado sa kapangyarihan.
Ilang beses na siyang pinagbantaan noon ni Enrico na layuan si Evelyn. Minsan nga pinabugbog pa siya nito sa mga kabarkada niya. Pinatawag pa siya ni Donya Guada at harap-harapang tinanong kung magkano ang kailangan niya para layuan si Evelyn. Subali’t hindi siya nagpadaig sa takot at hindi siya nagpasilaw sa pera.
Kalaunan ay nagbunga ang kanilang relasyon. Nagbuntis si Evelyn at hindi ito alam ng kanyang pamilya. Pinakiusapan siya ni Evelyn na magpakalayo-layo at sumama sa kanya, at iwan ang Universidad, ang Las Palmas, at ang mga Valderrama, at doon nila palakihin ang batang nasa sinapupuunan niya. Subali’t hindi niya pwedeng iwanan ang kanyang sariling pamilya. Siya lamang ang inaasahan ng kanyang mga magulang at kapatid. At katatapos lang niya noon ng Kolehiyo at katatanggap lang niya ng kanyang admission sa Philippine Military Academy.
Hindi niya napigilan si Evelyn na pumuntang Amerika. At hindi rin siya nito napigilan na unahin ang kanyang pamilya at ang kanyang ambisyon na sundan ang yapak ng kanyang ama. Hindi man lang nagpaalam si Evelyn sa kanya. Masakit na kailangan niyang iwan muna ang pagiging ama niya sa anak nila ni Evelyn. Pinilit niyang panatilihin ang komunikasyon niya dito. Subali’t nawala ito nang tuluyan, walang address o telepono na masusulatan o matatawagan. Nang mauso ang social media, ni wala itong account, o baka siya ay blinock nito.
Una pa man noong pinutol na ni Evelyn ang pakikpag-ugnayan sa kanya, ay nagdesisyon siyang kalimutan na rin ito. Ginugol na lang niya ang kanyang panahon sa PMA, at sa kanyang career sa PNP. Nakatagpo siya ng babaeng muling nagpatibok ng kanyang puso, na isang taga-Baguio na nagtatrabaho noon sa loob ng military academy, si Carolyn.
Ang hindi niya alam, hindi siya nawala sa radar ni Enrico Valderrama. Gamit ang impluwensya at posisyon, pinag-initan ni Enrico ang kanyang ama na siyang Chief of Police ng bayan. Hindi niya ito nilubayan, at sinampahan pa nga ito ng kaso ng katiwalian na siyang lubusang ikinasama nito ng loob, hanggang sa ito nga ay inatakae sa puso. Nalaman din niya na hinarang ni Enrico ang pag-angat niya ng ranggo sa loob ng PNP. Nagkataon lang na naging kasamahan niya sa Mindanao ang isa sa mga matataas na opisyal sa PNP ngayon kaya siya ay napayagang bumalik sa Las Palmas, at walang nagawa ang mga pagtutol dito ni Enrico na brinaso pa ang kasalukuyang Mayor para sumulat sa DILG, sa PNP at sa Napolcom.
Tandang-tanda niya noon ang unang araw niya sa Las Palmas. Naabutan niya si Enrico sa loob ng kanyang opisina, nakaupo mismo sa kanyang upuan. Alam niyang hindi taos-puso ang pagbati nito sa kanya, at hindi tapat ang pagpapaabot nito ng suporta, kahit na inabot pa nito ang kanyang kamay para siya ay batiin. Sa halip, isa itong warning shot para siya ay balaan. Kilalang-kilala ni Carlos si Enrico.
Pinaalala ni Enrico kay Carlos ang memorandum of agreement sa pagitan ng PNP at ng Universidad. Nilinaw ang sakop ng bawat isa. Lahat ng insidente sa loob ng Universidad ay sakop ng University Police Force na pinamumunuan na noon ng alipores niyang si Miguel Cordova. At lahat ng insidente sa labas nito ay sakop ng pulisya ng bayan. At kung may mga insidente na sangkot ang mga nakatira sa Universidad na nangyari sa labas nito, obligasyon ng pulisya na ipaalam ito sa Universidad.
At yan ang balak gawin ni Carlos nang araw na yun. Dala-dala ang investigation report, tinungo niya ang Universidad. Pinatuloy siya hindi sa Administration building, bagama’t bukas na ang mga tanggapan noon. Nag-aalmusal pa daw ang mga Valderrama, at doon siya pinapatuloy sa mansion. Naisip ni Carlos kung paano tratuhin ng mga Valderrama ang Universidad. Isa lamang itong bahagi ng mansyon, isang ekstensyon ng kanilang mga ari-arian. Ganito ang pagsasalarawan ni Evelyn noon na siyang dahilan ng pagrerebelde niya sa kanyang pamilya. Hindi ito nasikmura ng dating katipan ni Carlos at ikinahiya niya ang pagdidiyos-diyosan ng kanyang pamilya.
Pinapasok si Carlos ng nakaunipormeng guwardya sa pintuan, at doon niya nakita si Damasa, ang kanyang tiyahin na kapatid ng kanyang ama na kung saan may kimkim siya ng sama ng loob sapagkat mas kumampi pa ito sa mga Valderrama kesa sa sarili niyang kapatid. Matagal na niya itong hindi kinakausap, bagama’t nang araw na yun ay nagmano siya na atubili namang pinaunlakan ng kanyang tiyahin.
Sinamahan siya ng kanyang Tiya Damasa pupunta sa malawak na bulwagan ng kainan. Habang pupunta doon ay nakita niya ang mga larawan ni Donya Joaquin at Emeteria Luis, at ni Donya Guada. Kapansin-pansin na wala man lang ang kay Don Severino samantalang andun ang kila Araceli na nag-iisa dahil matandang dalaga nga ito, Enrico at ang asawa nitong si Deborrah at ang dalawa nitong anak na si Joaquin, na ipinangalan ni Enrico sa kanyang lolo, at ang bunsong babaeng si Emmielyn Teresia, na hango naman sa lola niyang si Emeteria. Subali’t ang mas pansin niya at mas angat sa lahat ay ang larawan ni Evelyn, na kasama ang mga anak nitong si Lander at si Luna. Tinitigan ni Carlos si Lander. Hindi ito ang kauna-unahan niyang nasilayan ang larawang yun ng pamilya ni Evelyn sa Amerika. At kahit ngayon, dama pa rin niya ang lukso ng dugo kapag tinititigan niya ang mukha ni Lander. At kung may isang bagay na nagtutulak sa kanya para pumunta sa mansyon kahit na balot siya ng galit sa mga taong nakatira ito, yan ay ang kaligayahang nadarama niya sa bawat sandaling nasusulyapan niya ang mga mukha ni Evelyn at Lander.
Tumambad sa kanya sa dulo ng mahabang pasilyo ang malawak na bulwagan ng kainan, na ang isang bahagi ay bukas at nakikita ang tanawin sa malayo ang buong bayan ng Las Palmas, ang Lawa at ang tatlong bundok ng Banahaw, Cristobal at Makiling.
Ito ang tanawing nasisilayan ng mga Valderrama habang sila ay kumakain. Araw-araw nilang pinapaalala sa mga sarili nila ang lawak at abot ng kanilang impluwensya at kapangyarihan. Para silang mga hari at reyna nakatingin sa buong bayan, at habang nagpapakasasa sila sa kanilang yaman, hindi nila inda ang mga paghihirap ng mga ordinaryong mamamayan na nilalason ng kanilang mga basura, at ng mga kemikal na tinatapon nila mula sa kanilang mga laboratoryo at pasilidad, at ng ospital. Hindi nila man lang naisip ang pagsipsip nila ng tubig sa ilalim ng lupa, gamit ang kanilang malalaking makina, na siya namang nagiging dahilan upang mawalan ng tubig ang bayan at kailangan pang umangkat sa karatig-bayan. Hindi nila napapansin na huling nawawalan ng kuryente ang campus palagi at inuuna ang bayan na putulan kapag kailangang magrasyon. Hindi nila dama ang pagbabago sa ugali ng mga tao dahil nagdagsaan na ang mga dayo. Ang kulturang probinsyal ay nabahiran na ng makabagong kultura na dala-dala ng mga estudyanteng tubong Maynila. Hindi nila pansin ang komersyalisasyong bagamat nagdala ng kabuhayan ay nagdulot din ng kaguluhan, krimen, prostitusyon at mga bisyo sa dating tahimik na bayan. At lalong wala silang pakialam sa masamang dulot ng droga sa bayan, lalo na sa kabataang, na ayon sa kanilang intelligence report ay nagmumula sa iisang tao.
Walang iba kundi si Joaquin Valderrama aka sa palayaw na Jake, anak ni Enrico at apo ni Donya Guada.
Andun din sa bulwagan si Miguel Cordova. Malakas at pautos na sinabi sa kanya ni Enrico na malaya siyang makakapagsalita tungkol sa anumang bagay na may kaugnayan sa seguridad, dahil yun lang naman ang nakikitang niyang dahilan para kausapin niya ang pamilya. At kaya naandun si Miguel ay dahil sakop niya ang usapin ng security sa loob ng campus, at sa mga nakatira dito.
At kanya na ngang inilahad ng kanyang pakay, at ang nilalaman ng report ng imbestigasyon tungkol sa biktima ng gang rape na natagpuang halos patay sa may magubat na bahagi ng basurahan ng bayan.
Bakas sa mukha ni Donya Guada ang galit nang inilahad niya ang kanyang pakay. Pinaalalahan ni Carlos ang mga Valderrama na tinutupad niya ang nakasulat sa MOA na kailangang ipaalam ng pulis ng Las Palmas sa mga Valderrama ang mga insidenteng nangyayari sa labas ng campus subali’t sangkot ang mga nakatira sa loob.
Namutla si Jake. Natulala pareho si Deborrah na kanyang ina at si Emmielyn na kanyang kapatid. At tulad ng inaasahan, walang bakas na emosyon si Araceli, tulad lagi ng dati.
Walang nasabi si Miguel Cordova. Kahit ito ay nagulat.
“How dare you come here and make this ridiculous allegation against my son!,” ang pasigaw na tinuran ni Enrico.
“My apologies, Enrico. But our investigation has been thorough. We are relying on the testimony of the victim herself. And she is pointing to Jake and his friends as the alleged perpetrators. We are considering this as a case of rape and attempted murder. But hindi pa naman yan pinal. Kung hindi magmatch ang semen sample ni Jake sa nakuha sa biktima, ay pwede pa namang malinis niya ang kanyang pagalan. Wala pa naman ito sa kamay ng prosecutor,” ang malumanay ngunit mariing sinabi ni Carlos.
“And what are you saying? That you are arresting my son?,” tanong ni Enrico. Sinulyapan niya si Miguel Cordova, na akma nang aabutin sana ang kanya service firearm.
“We are not. Not yet, but I suggest na huwag niyong paaalisin si Jake. Sa ngayon ay person of interest pa lang siya,” ang sagot ni Carlos.
Dito ngayon naglakas loob na tumayo si Deborrah at ubod lakas na nagsalita. “So what now, Lt. Col. Mesina? What are you going to do to my son!?” Binalingan niya ang asawa niyang si Enrico. “You have to do something!” Tiningnan niya si Miguel Cordova bago uli kinausap si Enrico na tila nag-uutos sa dalawa. “Make this go away! Use you influence. I don’t want my son arrested and jailed!”
Tinakpan ng kaguluhan sa bulwagan ang pagdating kani-kanina lang ng isang magarang sasakyan sa mansyon at ang pagbaba ng mga sakay nitong tatlong tao, na sinalubong ng gulat na gulat na guwardiya, na sumaludo pa. Nagulat din si Damasa sa kanyang hindi inaasahang pagdating.
Dahil sa kaguluhang dulot ng ibinunyag ni Carlos, hindi nila namalayan na matagal na palang nakatayo sa may pintuan ang mga bagong dating, at dinig na dinig nila ang mga pinaguusapan.
“No! Arrest him! Put this criminal away and throw away the keys!,” ang umalingawngawa sa buong bulwagan na nagmula sa isa sa mga bagong dating. Lahat sila ay napalingon sa may pintuan at doon bumungad sa kanila at kararating lang mula sa Amerika na si Evelyn Valderrama Robinson. Kasama ang kanyang dalawang anak.
“Hi Mama!,” ang bati niya sa kanyang inang si Donya Guada na gulat na gulat. “As you requested, I am here. And it seems my return has never been so timely. It looks like you are all in a deep shit right now. But don’t worry. Your favorite daughter is now back to clean up your mess!”
Nahulog ang kubyertos na hawak ni Araceli sa kanyang plato. Napanganga na lamang si Enrico habang napaupo si Deborrah.
Hindi man lang sila pinansin ni Evelyn. Hindi niya binati si Araceli, Enrico at Deborrah, pati ang kanyang mga pamangkin. Nilagpasan niya lang lahat ang mga ito, at dumiretso sa kinatatayuan ni Carlos, na noon ay gulat na gulat din.
“Hello Carlos! O, I mean, Police Lt. Col. Carlos Mesina. It’s been a while,” ang sabi niya dito habang inabot niya ang kamay nito para makipagkamay, subalit nang magdikit ang kanilang mga kamay ay marahan niya itong hinaplos. Napakislot ang kalamnan ni Carlos. Hindi alam kung ano ang sasabihin.
“Oh yes, I want you to meet my children. Si Luna, my youngest daughter. And of course, Lander. My oldest and one and only son. Lander, say hi to your Tito Carlos. He and I were very good friends. And I think, we are still good friends, right Carlos?”
Hindi mahulugan ng karayom ang katahimikan sa bulwagan.
Samantala, sa labas ay nagdidilim ang kalangitan, tanda ng paparating na malakas na bagyo.
Comments