![](https://static.wixstatic.com/media/e3ffc0_8b260cca4bbe43e2984b9003e39d3b91~mv2.png/v1/fill/w_842,h_842,al_c,q_90,enc_auto/e3ffc0_8b260cca4bbe43e2984b9003e39d3b91~mv2.png)
Habang nagmamaneho pabalik sa kanyang opisina sa bayan si Police Lt. Col. Carlos Mesina ay hindi pa rin maalis sa kanyang isipan ang mukha ng dating kasintahang si Evelyn. Magkahalo ang kanyang mga nararamdaman. Andun yung pananabik. Hindi pa rin kumukupas ang kagandahan ni Evelyn. Para itong hindi tumanda. May kung anong nagtulak sa kanya na salubungin ito ng maiinit na yakap at halik, subalit pinigilan niya ang kanyang sarili. Subali’t malakas din ang hinanakit na naramdaman niya, at gusto niya itong sumbatan dahil bigla lang itong naglaho, at hindi man lang nagparamdam sa kanya nang mahabang panahon. At ang hindi niya mapapatawad ay ang ilayo nito sa kanya ang kanyang anak na si Lander. Hindi kailanman maitatanggi na anak niya ito. Hindi lamang dahil malakas ang lukso ng dugo niya kahit larawan lang nito ang nakikita niya. Lalo itong naging maigting nang masilayan niya sa unang pagkakataon at nakaharap kanina. Walang pag-aalinlangan, dugo at laman niya si Lander. Ang mga mata nito, ang labi, ang hugis ng mukha, pati ang kulay at tindig ay hindi maikakaila na galing sa kanya. Tanging ang ilong lang nito at baba ang nakuha sa ina.
Subali’t maliban sa personal na nararamdaman niya sa dating katipan, puno din ng pangangamba ang kanyang isipan sa mga mangyayaring hindi maganda sa mga Valderrama sa pagbabalik ni Evelyn.
At ito ngayon ay damang-dama sa tensyon na umiiral sa mansion ng mga sandaling iyon.
Para kay Araceli, ang pagbabalik ni Evelyn ay isang malaking sampal sa kanya. Alam niya na walang tiwala sa kanyang kakayahan si Donya Guada. Mula pa sa simula, kahit noong mga bata pa sila ay paborito na nito si Evelyn. At lalo itong lumala mula noong namatay ang kanilang amang si Don Severino. Mula nang gabing yun, lumayo na ang loob nito lalo sa kanya. Hindi man lang niya naramdaman ang pagiging ina nito. Kahit pa nga inuwi niya lahat ang karangalan sa kayang pag-aaral, kahit anong talino at galing niya, ang lagi nitong pinaparamdam sa kanya ay kulang siya sa personalidad, hindi katulad ni Evelyn. Hindi siya maganda, katulad ni Evelyn. Kulang siya sa diskarte. Hindi man lamang nakita ni Donya Guada na sa kanilang lahat na magkakapatid, siya lamang ang nanilbihan ng tapat sa Universidad, at siya itong tahimik na nagtatrabaho para gumulong ng maayos ang mga operasyon nito ara-araw.
At ngayon, andito na si Evelyn. At hindi lingid sa kanyang kaalaman na balak ni Donya Guada na ipasa kay Evelyn ang posisyon bilang Presidente ng University of South-Central Philippines. At nangako siya sa sarili niya na gagawin niya ang lahat para hindi mangyari ito.
Kumukulo naman ang dugo ni Eric, hindi lamang dahil tahasang iminungkahi ni Evelyn kay Carlos na arestuhin at ikulong ang kanyang anak na si Jake. Bagama’t nakakainsulto ito, mas ikinagalit ito ni Deborrah na noon ay gusto nang sampalin at sabunutan ang kanyang hipag subalit napigilan lamang ang sarili at ayaw niyang masira ang kanyang mga kuko, buhok at make-up.
Ang mas pinagpupuyos ng damdamin ni Eric ay ang nakaambang panganib na idudulot ng pagbabalik ni Evelyn sa kanyang posisyon sa Universidad, at ang epekto nito sa kanyang kapangyarihan at sa pagsulong niya sa kanyang mga interes. Para sa kanya, kaharian niya ang Universidad, at bilang kaisa-isang anak na lalaki ay karapatan niya ang mailuklok sa posisyon ng Presidente at manahin ang upuan ng kanyang ina. Hindi niya kailanman kinilalang banta sa kanyang interes ang kanyang panganay na kapatid na si Araceli. Ang alam niya, hawak niya ito sa leeg. Tau-tauhan niya itong sunud-sunuran sa lahat ng kanyang iniutos at ipinagawa.
Pero iba si Evelyn. Alam niyang magkakaproblema siya dito. At naipangako niya sa sarili niya na hinding-hindi niya mapapayagan na ito ang iluklok ni Donya Guada bilang kapalit niya sa kanyang inuupuang posisyon bilang Presidente ng Universidad.
Habang nagpupuyos sa galit ang mga kalooban ni Araceli at Eric, at maging ni Deborrah, si Donya Guada naman, bagamat nagulat, ay tuwang-tuwa sa galak sa pagbabalik ng kanyang bunsong anak. Sa wakas, meron na siyang pagkakatiwalaan, at mapapanatag na ang kanyang kalooban. Ibang-iba si Evelyn kay Araceli na walang sariling isip at mahina sa diskarte, at kay Eric na bukod sa tiwali, mabisyo at babaero ay inuuna ang pansariling interes. Hindi siya mapapanatag kapag ang dalawang ito ang mamumuno ng Universidad.
Kay Evelyn, nakita niya ang kanyang sarili. May sariling isip, independent-minded, at walang takot manindigan sa kung ano ang gusto niya. Gaya nang ipinaglaban niya ang kanyang pagmamahal noon kay Procopio at sinuway niya hindi lamang ang kanyang amang si Don Joaquin, kundi pati na ang mapanuring mata ng lipunan noon nang ipinagpatuloy niya ang kanyang relasyon kay Procopio kahit nga kasal na siya kay Severino. Ito ang nakita din niya kay Evelyn nang hindi nito tinapos ang pakikipagrelasyon kay Carlos sa kabila ng kanyang pagtutol dito. Bagama’t ikinagalit niya ito, ikinahanga niya rin ito dahil nakita niya ang kanyang sarili kay Evelyn.
Sa mga sandaling iyon, naputol ang pagmumuni-muni ni Carlos habang nagmamaneho papuntang bayan ng isang tawag mula sa kanyang tauhan at pinapapunta siya sa lugar na imbakan sa may paanan ng bundok, malapit sa kung saan natagpuan ang babaeng hinalay ni Jake at ng mga barkada nito. Sa labas ay nagdudumilim na ang kalangitan, at nagsisimula nang maramdaman ang malalakas na hangin at ulan. May mga manaka-naka na ring pagkulog at pagkidlat sa may kabundukan.
Nang puntahan niya ang lugar, nakita niya doon ang kanyang mga tauhan na tinitingnan ang tila bumubulwak na tubig sa isang biyak sa dam na iniimbakan hindi lamang ng mga basura kundi ng lahat ng uri ng dumi mula sa Universidad, kasama na dito ang mga nakalalasong kemikal mula sa mga research laboratories at mula sa ospital. Andun din si Prof. Alejandro Maravilla, ang pangulo ng Union na kasapi din sa isang environmental NGO na Tanggol Lupa, Tubig at Hangin na pinamumunuan ng kanyang kaibigang si Propesor Alexis Principe, na isang guro sa Environmental Science sa Universidad. Mariing inihayag ni Alexis ang kanyang pangamba na dahil sa paparating na bagyo, na ayon sa mga forecast ay magdadala ng malalakas na pag-ulan, ay tuluyan nang mabiyak ang dam. Ito ay isang malaking panganib na nakaamba sa bayan ng Las Palmas, lalo na sa mga barangay sa tabi ng ilog Kawayan Kiling, at banta din sa buong lawa. Hindi lamang highly toxic ang nilalaman ng dam, kundi ay may mga medical wastes din ito.
Matagal nang inirereklamo ng Tanggol ang imbakang ito na ang nagpapatakbo ay ang Universidad. Walang magawa ang bayan ng Las Palmas dahil pribado itong ari-arian ng Universidad na ibinenta ng bayan sa mga Valderrama noong nangailangan ang pamahalaang lokal ng pondo. Naging malakas na usap-usapan noon na isang sweetheart deal ang nangyari, at overpriced ang lupa, at ang malaking bahagi ng bentahan ay ibinulsa ng mga lokal na opisyal, at ang iba ay bumalik sa personal na kaban ni Eric bilang bahagi niya. Nagkaroon pa nga ng whistleblower noon na empleyado ng munisipyo, ngunit bigla na lang natigil ang ingay dahil naaksidente ang whistle blower na siya nitong ikinamatay. Maraming usap-usapan na hindi ito aksidente, subalit ganunpaman ay wala nang naglakas loob na mag-ingay.
Naging mitsa din ang usapin ng imbakan ng basura at dumi sa pagkakatanggal sa posisyon ng dating Dekano ng Kolehiyo ng Agriculture, Environment and Natural Resources dahil hindi ito sumunod sa kautusan ni Eric na pigilan si Propesor Alexis Principe sa kanyang pananaliksik tungkol sa polusyong nagaganap. Sinubukan pa noon ni Eric na ipatanggal si Alexis subalit hindi niya ito basta-basta magagawa dahil tenured na ito sa kanyang posisyon, bukod sa napakarami na nitong publications at isa sa mga kinikilalang environmental chemist hindi lamang sa bansa kundi sa iba pa. Malakas din ang kapit ni Alexis sa union sa tulong ni Alejandro Maravilla, na siya na ngayong kinikilala ni Eric na kanyang pinakamatinding kaaway.
Wala nang oras na dapat sayangin, ang mariing sinabi ni Alejandro. Kailangan nang mag-evacuate ang mga apektadong lugar. Idinagdag ni Alexis na kailangan ipaalam sa mga Valderrama ang pagkakaroon ng biyak at ang panganib ng dulot nito, at kailangan silang gumawa ng paraan dahil sakop nila ito.
Tinawagan ni Carlos ang Mayor ng bayan para mag-issue ng evacuation order, subali’t pinaabot sa kanya nito na kailangang kunsultahin ang mga Valderrama dito. At maliban dito, wala silang lugar na pwedeng gamitin para sa mga ililikas na pamilya dahil limang barangay ang pinag-uusapan dito, at hindi kakasya ang kaisa-isang evacuation center sa poblacion, na sa kabutihang palad ay nasa kabilang panig ng bayan at wala sa danger zone. Halos lahat ng pwedeng gamitin na eskwelahan ay nasa zone of danger dahil lahat ito ay malapit sa tabi ng ilog. Ang tangi lang na pwedeng gamitin na lugar ay ang sports coliseum sa loob ng Universidad.
Samantala, lumalakas na ang hangin at ulan. Tinungo na ni Carlos, kasama ang ilan sa kanyang mga tauhan, ang mansyon. Isinama niya na rin si Alejandro at si Alexis at ang ilan pang kasapi ng Tanggol Lupa, Tubig at Hangin. Makikita na naman niya si Evelyn at Lander, subali’t hindi yun ang nangibabaw sa isipan ni Carlos ng mga sandaling iyon.
Pagdating nila sa mansyon, ang bumungad sa kanila ay ang galit na mukha ni Eric at ang walang emosyong mukha ni Araceli. Lalong nagalit si Eric nang makita na kasama ni Carlos hindi lamang si Alexis, kundi pati na si Alejandro na kanyang lubos na kinamumuhian.
Ipinaliwanag ni Carlos ang sitwasyon, at ipinasa kay Alexis ang pagpapaliwanag sa teknikal na usapin tungkol sa panganib na dulot kung tuluyan nang magiba ang dam. Binigyang diin ni Carlos ang urgency ng sitwasyon at ang mabilisang paglikas ng mga naninirahan sa limang barangay sa tabi ng ilog Kawayan Kiling.
Bago pa makapagsalita si Eric para ipahayag ang kanyang pagtutol, ay sumabat na si Evelyn na noon pala ay dumating na rin at narinig ang lahat.
“Yes, Carlos. You can now begin the evacuation of the residents, and we will prepare the sports coliseum. We will mobilize our people to help you. And we will send our maintenance personnel to work on the dam to repair the breach,” ang sabi ni Evelyn.
Natulala si Araceli. Walang nasabi.
“But my dear sister, we have to get the approval of our mother, the President,” ang sagot naman sa kanya ng noon ay nagpupuyos sa galit na si Eric.
Siya namang pagdating ni Donya Guada. “I approve. Lt. Col. Carlos, you may now proceed as suggested by Evelyn,” ang walang pag-aatubiling sinabi nito.
Nagmamadaling umalis si Carlos sampu ng mga kasamahan niya, habang ang hangin at ulan ay lalo pang lumakas sa labas. Nawalan na rin ng kuryente ang buong bayan.
Pinaandar ang sirena, at sinimulan na ang malawakang evacuation ng limang barangay sa lolob ng danger zone patungo sa sports coliseum sa loob ng campus ng Universidad. Bata, matanda, babae ang inuna habang ang mga kalalakihan ay abalang tinatalian ang kanilang mga bahay. Ang mga ayaw umalis ay halos kaladkarin ng mga tauhan ng bayan at barangay. Minobilisa na rin ng lokal na pamahalaan ang mga ayuda at relief good na nakapreposition na.
Samantala, abala si Evelyn sa pag-asikaso sa pagtanggap ng mga bakwet, at katulong niya dito ang kanyang dalawang anak na si Lander at si Luna. Manghang-mangha si Donya Guada sa ginagawa ni Evelyn, at ng mga anak nito. Napahanga siya lalo sa kanilang kakayahang manilbihan sa pangangailangan ng mga ordinaryong mamamayan. Dito, hinigitan siya ni Evelyn. Alam niyang wala siyang ganung klase ng dedikasyon sa kanyang kapwa. Kakaiba nga si Evelyn, at namana ng dalawa niyang anak ang kagandahang loob nito.
Ibang iba kay Araceli na noon ay walang ginagawa kahit na sakop sana ng kanyang tungkulin bilang Vice President for Administration ang mga gawaing ito. Sakop din ni Araceli ang operasyon ng tambakan sa may paanan ng bundok. Matagal na dapat kinumpuni ang dam, subalit hindi niya ito inasikaso dahil ayaw din ni Eric gawin niya ito at dagdag gastos lang daw. At lalong ibang-iba si Evelyn kay Eric na noon ay nagmumukmok sa isang sulok, mainit ang ulo sa muli na namang pagpapahiya sa kanya ni Evelyn, at sa harapang pagkampi ni Donya Guada dito.
Ibang-iba din si Lander at Luna kay Jake, na noon ay nasa kanyang pad sa basement, at tumitira na naman ng droga.
Si Emmielyn naman na anak din ni Eric at Deborrah at kapatid ni Jake ay gusto sanang tumulong sa pag-asikaso sa mga bakwet sa coliseum subalit pinigilan ng kanyang inang si Deborrah.
Hindi naging lingid kay Carlos ang ginagawa ni Evelyn, pati ng mga anak nito. Nag-uumapaw sa tuwa si Carlos lalo na habang pinagmamasdan niya si Lander na tumutulong sa pag-asikaso sa mga mamamayan ng Las Palmas.
Tumama na ang bagyo sa Las Palmas. Madilim ang kapaligiran, at halos nakakabulag ang malakas na ulan na sinasabayan pa ng malalakas na pagkulog at pagkidlat. Nakakabingi ang huni ng hangin na tila walang katapusan. Maraming bahay ang sinisira, at ang iba ay tinangay na ng malalakas na pagragasa ng ngayon ay nangangalit nang ilog ng Kawayan Kiling.
Saglit naisip ni Carlos ang kanyang pamilya, lalo na ang kanyang asawang nakaratay sa cancer. Tinawagan niya ito ay sinabihang mag-ingat at maghanda.
Sa isang iglap, bigla na lang nilang narinig ng buong bayan ang isang malakas na pagdagundong.
Sa may paanan ng kabundukan, nagpulasan ang mga trabahador na abala sa pagkumpuni ng biyak sa dam, na noon ay nag-uumapaw na. Sa isang iglap, tuluyan nang nawasak ang dam, at tinangay hindi lamang ang mga malalaking biyak ng lupa, kundi ang ilan sa mga manggagawang hindi nagkaroon ng sapat na panahong makatakbo.
At rumagasa ang nag-aalimpuyong tubig baha na may kasamang basura, lasong kemikal at mga medical na dumi at sinagasa nito ang mga sakahan, palayan at mga kabahayan sa limang barangay sa tabi ng ilog. Walang itinirang nakatayo, at winasak ang lahat ng pananim, at kasamang inanod ang ilang mga hayop na naiwan, at ang mga taong nagpaiwan sa kanilang mga bahay at hindi sumama sa evacuation. Tinangay din ng baha ang isang patrol car na noon ay sakay ang ilang tauhan ng pulisya at ng bayan na hindi agad nakaiwas. At ang lahat ng ito – pananim, bahayan, hayup at mga tao, kasama ang mga lason mula sa imbakan, ay parang isang rumaragasang delubyong tinungo ang direksyon ng lawa.
Balot lahat ng takot at pag-aalala ang mga mukha ni Carlos, Alexis at Alejandro. Mahigpit na niyakap ni Evelyn si Lander at si Luna na noon ay andun pa rin sa Coliseum.
Maliwanag ang mansion noon, dahil sa sarili nitong supply ng kuryente mula sa generator. Nakaupo si Donya Guada na malalim ang iniisip. Tulog na si Deborrah at Emmielyn sa kani-kanilang silid. Si Jake ay nakatingala sa kisame at bangag, walang pakialam sa nangyayari sa labas. Si Araceli ay nakatingin sa kapatid na si Eric habang ito ay nagpapakalasing sa bar. Hindi ang bagyo ang nasa isipan ng dalawa, kundi kung paano nila mapipigilan ang pag-upo ni Evelyn bilang kapalit ng kanilang ina.
Sa labas, ang epekto ng unos sa bayan ng Las Palmas ay kalunus-lunos.
Ligtas ang maraming tao na lumikas. Sa ngayon, ligtas din ang mga Valderrama sa loob ng kanilang mansiong balot ng liwanag habang ang buong kabayanan ay balot ng dilim. Ang hindi lang tiyak ay kung mananatili silang ligtas sa mga unos na paparating, lalo na ngayong andito at bumalik na si Evelyn.
Comments