top of page

LARO

Writer's picture: Antonio ContrerasAntonio Contreras

Updated: Jan 15, 2024



Nagpulasan sila lahat kitang kita ko ang takot at pangamba sa kanilang mga mukha habang ang mga bata ay nag-iiyakan mga babae ay nagsigawan at ang mga ama ng tahanan ay nanlilisik ang mga mata sa mga tauhan ng pamahalaang sa kanilang mga paninda ang siyang sumamsam.


Sa may Vito Cruz sa may Rizal Memorial ko sila laging nakikita at suki pa nga ako ng mani at banana cue na tinitinda nila mga pagal na katawan mga mukha ng hirap na kaloobang tinatakpan ng ngiti at tawa doon sila nakatira sa harap ng matatayog na tirahan ng mga may-kaya


Sa pagsapit ng dilim ang pedicab na pinapadyak para itawid sa baha ang pasahero payat man o mataba, bata man o matanda ang siya ring ginagawang higaan, at doon nagsisiksikan ang ama, ina, at mga anak pilit hinahabi sa kanilang nakabaluktot at mababaw na pagtulog ang mga pangarap, kahit na sila ay gigising pa rin lagi sa bangungot sa laro ng buhay na kailangang takpan ng sipag at kayod upang makatuka at madaig ang simangot at lungkot


Sila ang mga pinaalis, paninda ay sinamsam kartong hihigan ay inipon at inilagay sa trak na basurahan ng mga alagad ng kaayusan at kagandahan ng kapaligiran


Nang makita ko ang tanda ng pamahalaan

ay umasa ako na itatawid sila sa kahirapan

at ang mga kakaunting ari-arian nilang sinira ay bubuuin naman

ng biyaya ng buhay na may karangalan

malayo sa estero dito sa Vito Cruz

sa harap ng mga matatayog na gusaling tirahan ng mga sa buhay ay hindi nila kagaya at hindi pinagkaitan.


Ngayon

Andito na uli sila.

Mga babaeng nagtitinda Habang pumipedal ng pedicab ang mga ama Mga batang sa kalsada naglalaro, tumatakbo nang naka-hubo Mani at banana-cue, may mabibilhan pa rin ako Sa panahon ng baha, may masasakayan na naman ako


At naisip ko na laro nga lang talaga ang buhay.

Mga taong minsay nakikipag-patintero sa mga may katungkulan at sa hirap ng buhay ay sanay na sa takbuhan at taguan At isang pamahalaang sa halip na sila ay iahon sa kahirapan ay ginagawa na lamang silang mga laruan.


7 views0 comments

Recent Posts

See All

SHIMENET

HALIMAW

Comments


Tonton Contreras Creations

©2022 by Tonton Contreras Creations. Proudly created with Wix.com

bottom of page