![](https://static.wixstatic.com/media/e3ffc0_2c7bf52f1502484b9237a04057258cde~mv2.png/v1/fill/w_842,h_842,al_c,q_90,enc_auto/e3ffc0_2c7bf52f1502484b9237a04057258cde~mv2.png)
Paano ba hinaharap ang natitirang mga panahon na ayon sa aking vedic astrologer ay meron pang dalawampu at limang taon?
Ano ba ang maiaalay ko sa aking asawa at mga anak na sa puso ko nananahan at sa bayang sa damdamin ko nakabaon?
Kailangan ko ba ng anting-anting para palakasin ang aking loob at dangal upang sa agos ng kasaysayan hindi ako patangay sa kung ano ang nasa mga dominanteng dalumat?
Sino ba ang aking mga kaaway na dapat kong harapin upang labanan ang mga darating pang mga bayaning sumpa at mga nagbabalatkayong biyaya?
At sino ang aking mga gabay at kadiwa na alam kong di ako bibitawan kahit na masakit na hindi lamang ang aking ipinaglalaban kundi ang aking mga kahinaan?
Dalawampu at lima pang kaarawan, katumbas ng mga bagong taong sisikat at mga di mabilang na pagsalungat sa mga hungkag na kapangyarihan at mga tansong karunungan.
Mga pagsikat at paglubog ng araw at buwan ang magiging saksi sa aking panata na kailanman ay patuloy sa puso ko mananahan ang di malayang pagtanggap at ang pagsuong sa mga dominanteng salaysay sa pananaw ng mga nagwagi sa gabing nasadlak ang bayan.
At sa paglubog ng aking huling araw at buwan doon ko masasabi na ang bawat sandali ng aking buhay di man nakabuo ng bagong lipunan ay tiyak namang nakabawas kahit papaano sa lupit ng agos ng mga sandaling hawak ng mga nagwagi at naghaharing uri sa ating kasaysayan.
Ako si Antonio P. Contreras, anim na pung taon nang lumalaban.
Comments