top of page

BANGUNGOT NG MAGUINDANAO

Writer's picture: Antonio ContrerasAntonio Contreras

Updated: Jan 14, 2024



Inilibing ng buhay sa hukay doon sa lupang ipinangako at marami ang nagtatanong kung ang may sala ay sino.


Duguan ang lupang sa talaan ng kasaysayan may taghoy ng di-mawaring pagkakautang sa mga lipi ng sultan na binahiran ng kapabayaan ng pamahalaang sa tabi ng ilog dinumihan ng alkitran ng katiwalian.


Ang kasaysayan mo ay ipininta ng isang pangako sa mga di naman taal sa lupa Iginuhit ka sa mga hiblang makulay, mga tunog ng kulintang at diwang napakayaman Agila ang ibon mong sumahimpapawid, subalit ang agos ng tubig mo ay minsan di na nakikita at ang agila ng iyong lahi ay naikulong na lamang sa hawla.


Inilibing kayo ng buhay sa hukay na ginawa ng isang backhoe doon sa lupang ipinangako subalit hindi lamang kayo ang nailibing doon, kami rin ay naibaon ng isang pagkakanulo.


Sinalanta ang lupang duguan ng walang pagsidlang kasakiman na nanalaytay sa lahat ng kasapakat, mula sa Manila, sa Kongreso, hanggang sa mga palasyo ng mga sarili ding tao sa lupang ipinangako Na ang ginamit na pambungkal upang pagyamanin ito ay hindi ang araro Kundi ang mga baril na bumubuga ng punglo.


Nang tinabunan kayo ng lupang duguan Sa araw na ang backhoe ang naging ulos ng madilim na kasaysayan Doon sa Maguindanao ang taghoy ng naulilang kapangyarihan Ngayon ay isa nang sumpa sa aming lahat kahit walang kasalanan.


Hindi na kailangan pang malaman sa hukuman kung sino ang may sala dahil sa aming mga pagtulog tuwing dapit-hapon isa nang malaking sumpa na minsan may isang Maguindanao na nasadlak sa lagim ng duguang lupa na kahit ipinangako ay naging libingan ng walang sala.

5 views0 comments

Recent Posts

See All

SHIMENET

HALIMAW

Comments


Tonton Contreras Creations

©2022 by Tonton Contreras Creations. Proudly created with Wix.com

bottom of page