![](https://static.wixstatic.com/media/e3ffc0_df715ac3a8d148c5a42b0d35bc62c969~mv2.png/v1/fill/w_842,h_842,al_c,q_90,enc_auto/e3ffc0_df715ac3a8d148c5a42b0d35bc62c969~mv2.png)
Gutay-gutay sa alaala kang bumangon upang hamunin ang kamalayang mapagtanggap ng salaysay na hinabi sa kasaysayang walang saysay.
Una ka nga bang naging pangulo, Andres Bonifacio?
Sa kamay ng kapwa mo Pilipino ikaw binawian ng dangal kaya siguro hanggang ngayon pinagtatalunan pa sa kung anong antas ng kabayanihan ka dapat itanghal.
Ikaw ba dapat ang pambansang bayani, Andres Bonifacio?
Pati sa lugar ng iyong kinapanganakan, ano ba ito at ang mga pantas ay di pa rin nagkakasundo kung ito ba ay Tondo o Binondo.
Mula ka ba talaga sa angkan ng mahihirap, Andres Bonifacio?
At maging sa kamatayan mo di pa tiyak ang lagim na sinapit ng katawan mo, nanatili pa ring lihim kung sa punglo ba o sa taga ng itak nabulid ka sa gabing madilim.
Kasinungalingan nga ba ang namayani sa mga aklat ng kasaysayan Dahil hanggang sa ngayon ang himagsikang iyong pinamunuan ang pag-atang sa kamay mo bilang tagapagsimula nito ay patuloy pa ring pinagdududahan.
Sadyang nakalulungkot na ang isang iginupo ng punglo sa tarmac ng paliparan ay bayani nang itinuturing na di hamak at walang halong pag-aalinlangan at ang kanyang asawa naman ay halos idambana bilang santa ng bayan.
Samantalang kailangan pang makipagtalo upang iluklok ka sa dapat mong kalalagyan sa kasaysayan at isang petisyon pa ang kailangang ipakalat upang aming malagdaan.
Ay Andres Bonifacio, supremo, anak ng bayan Sadya bang kapalaran mo ay maging isang bayani nga ng bayang naturingan subalit kailangan pang patuloy na ipaglaban?
Comentários