![](https://static.wixstatic.com/media/e3ffc0_8f7240a50c214d798fa1f23051e73fee~mv2.png/v1/fill/w_842,h_842,al_c,q_90,enc_auto/e3ffc0_8f7240a50c214d798fa1f23051e73fee~mv2.png)
Nang iginupo ka ng balang sa malapitan sa iyo ay ibinuga
Pumunit sa ala-ala ng isang bansa ang nag-aapoy na tingga
Biniyak ang bungo mo upang sa likod ng dati mong mukha makita
Ang poot ng bayang para sa kaligtasan kaya ka doon ay ipinadala
Marami kayo, napakarami upang bilangin pa
Kapalit ng isang kaaway, marami ang inyong inulila
Napakamahal naman ng singil upang ialay mo sa kanila
Pagbawi sa dangal na nabahiran, sa iyo pa iniasa
Kaaway ang kumiitl sa iyo, yan ang laman ng balita
Subalit sinong kaaway ba ang tinutukoy nila
Sino ba ang brutal na pumaslang sa iyo, sino, magsalita ka
Sila ba na bumaril sa iyo ang salarin talaga?
May galit na gumagapang sa kamalayan ng maraming taumbayan
May luhang umaagos, pagtangis na kumakawala sa napakaraming libingan
May poot na nagsasakdal sa kapabayaan ng isip-batang may kasalanan
Dahil brutal kang pinaslang hindi ng kaaway kundi ng pinuno ng bayan.
Comments