1 ESTRANGHERO (UNIVERSIDAD, BOOK 1)
- Antonio Contreras
- Aug 28, 2022
- 7 min read
Updated: Jan 18, 2024

Napakabigat ng dinadala ni Donya Guada habang nakatingin siya sa labas ng kanyang opisina sa pinakatuktok na palapag ng gusaling kinatatayuan ng mga tanggapan ng mga nangangasiwa ng Unibersidad na itinatag ng kanyang mga magulang mula sa kanilang dugo at pawis noong panahon pa ng liberasyon. Sa dakong kaliwa nakikita niya ang lawa ng Laguna, samantalang sa bandang kanan naman ay ang mga bundok ng Makiling, Cristobal at Banahaw. Ang Unibersidad na ito sa may malawak na lupain malapit sa tabi ng lawa ay pinayabong ng pagpupunyagi ng kanyang mga magulang, na kapwa mga guro bago pa mag-giyera. Nagsimula ito sa isang maliit na paaralan para sa mga bata, na gawa sa sawali at nipa ang bubong. Iisa lamang ang pisara.
Subali’t sa pagpupunyagi ng kanyang amang si Don Joaquin Luis at inang si Donya Emeteria Luis, ito ay lumaki hanggang sa naging isa nang pinagpipitagang pribadong Unibersidad sa bansa. Kung alam lang ng mga tao kung anong hirap ang pinagdaanan ng kanyang mga magulang, ang mga pagkakautang nila na iginapang para mabayaran, para ang iisang silid-paaralan at ang iisang pisara na kung saan silang dalawa lang ang mga guro, ay naging isa nang modernong Unibersidad na nakatayo sa dalawampung ektarya ng lupain, at naging isa nang komprehensibong pamantasan na may kompletong antas mula sa pre-school hanggang sa graduate school. Meron itong lahat ng uri ng kurso, mula sa kompletong programa sa agham at sining, hanggang sa agrikultura, engineering at education. May sarili itong Kolehiyo ng medisina at ospital hindi lamang sa tao kundi sa hayop. May pinagpipitagang law school na kung saan nagtapos ang iilang kilalang mga pulitiko ng bansa, at kung saan nagtuturo ang halos lahat ng retiradong mga Justices ng Korte Suprema.
University of South-Central Philippines, yan ang opisyal na pangalan. Subali’t sa popular na diskurso, ang katawagan dito ng mga tao ay ang “Universidad.” Katawagan ito na dati ay puno ng pagtatangi, dahil isa na ngang institusyon. Malayo na ang inabot ng sinimulan ng kanyang mga magulang. Mula sa pagiging Luis, siya na na isa nang Valderrama na apelyido ng kanyang nasirang asawa, ang namuno nito sa mahigit limang dekada.
Subali’t sa araw na ito, sa araw na inanunsyo niya ang kanyang nalalapit na pagreretiro bilang Presidente, napakaraming naglalaro sa isipan niya. Kasama na dito ang financial report na iniulat kanina ng finance officer sa Board of Trustees. Palugi na ang Universidad. Subalit ang higit na nagpapabagabag sa kanya ay ang kanyang mga naririnig na alingasngas, at ang pagbabago sa pananaw ng mga tao na dati ay pagtatangi ang nasa mga isipan, ngunit ngayon ay kung wala nang paggalang ay tahasan pang puno ng galit sa kanyang pamilya. Kung ang Universidad dati ay mahal ng tao, ngayon ay napakarami nang bagay na nangyayari na kung saan tila ito ay hindi na tinitingala bagkus ay kinasusuklaman pa.
Ang kanyang pagmumuni-muni ay biglang naudlot ng isang katok sa pinto. Pumasok si Araceli, ang kanyang panganay na anak, na nang nagsabog ang Diyos ng katangian ay sinapo na yata lahat ang sipag subalit salat naman sa kakayahang makahanap ng lalaking tunay na magmamahal sa kanya. Wala sa lahi ng mga Valderrama o ng Luis ang tumandang dalaga o binata, pero iba itong si Araceli. Tapos ng abogasiya, may master’s pa sa Harvard, pero wala yatang panloob na gayuma.
Ibang-iba sa anak niyang si Evelyn, ang kanyang bunsong anak, na nakatatlo nang asawa sa Amerika. Isang certified public accountant na ang talino ay hindi lang sa pagbibilang at pagbabalanse ng mga ledger, kundi sa pagbibilang ng lalaking karelasyon.
Bakit daw hindi niya sinasagot ang mga tawag ni Evelyn galing sa Amerika, sabi ni Araceli. Ayun, galit na galit at may importante daw sasabihin sa kanya. Kinuha niya ang kanyang telepono sa bag niya at andun niya nakita na nakadalawamput-apat na miscall na nga ang kanyang Amerikanang anak. Nakasilent ang telepono niya mula pa kanina sa Board Meeting ng Trustees kaya hindi niya naririnig ang ring.
Tinawagan niya si Evelyn, at sumagot ito na may halong galit. Bakit daw siya itong makulit na text nang text sa kanya dahil may importanteng pag-uusapan sila, e siya naman itong ayaw sumagot sa tawag niya. Humingi ng paumanhin ang ina sa anak, at sinabing kailangan siyang umuwi agad, ora mismo dahil kailangang kailangan siya. Nalulugi na ang Universidad at bilang accountant at may malawak na karanasan sa finance sa New York, malaki ang maiaambag niya. Kailangan niya ng papalit sa kanya na magpapatakbo ng Unibersidad.
Lingid sa kanyang kaalaman, nang marinig ito ni Araceli ay para itong pinagsakluban ng mundo at langit. Siya itong hindi umalis, at inilaan lahat ang panahon sa pagsisilbi bilang Chief Operating Officer at Vice President for Administration ng Universiday, halos buong buhay niya ay ginugol niya sa paninilbihan, hanggang sa puntong hindi na nga siya nakapag-asawa. Hindi naman niya inambisyon na italagang pumalit sa ina niya, pero iba pa rin pala ang sakit nang marinig niyang ang kanyang kapatid na ni-minsan ay hindi nagkainteres sa Universidad at mas ginusto ang mangibang bansa at doon mabuhay at magpakasasa sa mga lalaking karelasyon ang siya pang itatalaga nito na kapalit niya.
“I will think about it, Mama. Don’t push me. I will let you know my answer soon,” ang sabi ni Evelyn kay Guada.
Patay-malisya si Araceli sa narinig niya, at nang balingan siya ng kanyang ina ay tinanong na lang niya ito kung meron pa siyang ipapagawa. Sinabihan siya nitong ipaayos na sa finance office ang isang komprehensibong financial report para nakahanda na sa pagdating ni Evelyn. Hindi pa naman yata sigurado kung uuwi si Evelyn, ang sagot niya sa kanyang ina, na siyang ikinataas nang boses nito.
“Huwag ka ngang nagmamagaling Araceli. Kilala ko si Evelyn. She will come back. She cannot disappoint me! We need her!”
Pinigilan ni Araceli ang sarili na magpakawala ng matagal nang gusto niyang tanungin sa ina niya, at pinagkasya na lang niya itong isilid sa isipan at puso niyang nag-uumapaw sa galit at hinanakit. “Bakit, Mama. What about me? Am I such a disappointment to you. Why can’t I be enough for you. Bakit palagi akong kulang?,” mga salitang gusto niya sanang isigaw sa pagmumukha ng kanyang ina subalit kanya na lang kinimkim.
“I am sorry, Mama.” Nagpaalam siya at nagmamadaling pumunta sa kanyang opisina. Nilampasan niya sa Janice na secretary ng kanyang ina, at sa pagpasok sa opisina niya nilampasan niya rin si Karen na kanya namang secretary. Alam na alam ni Janice at Karen ang saloobin ni Ma’am Araceli nila, at awang-awa sila dito. Pero wala naman silang magawa para matulungan ito dahil wala naman silang posisyon at impluwensya. Mga secretarya lang sila.
Pagpasok ni Araceli sa opisina niya, kinuha niya ang kanyang private celfone at may tinawagan. Pero walang sumasagot sa linya.
“Eric, tawagan mo ako agad please, kailangang mag-usap tayo. Tungkol kay Mama at sa magaling mong kapatid na nasa Amerika,” ang iniwan niyang mensahe.
Sa kabilang linya, hindi pinansin ni Eric Valderrama ang kanyang narinig na ring ng telepono, at ang narinig na mensahe ng kanyang kapatid. Ang kanyang pinagkakaabalahan ay ang pagmasdan ang hubad na katawan ng estudyanteng kanina lang ay nagkonsulta sa kanya tungkol sa mga bagsak nitong grades, at nakiusap na gagawin niya ang lahat para lang makapasa.
Si Enrico Valderrama ang kaisa-isang anak na lalaki ni Guada, ang Vice President for Academic Affairs. May PhD sa economics at political science na nakuha niya sa London School of Economics, may asawa subali’t kilala bilang isang babaero at walang pinapatawad kahit estudyante. Saka na lang niya tatawagan si Araceli. Kailangan niya munang maiparaos ang libog na nararamdaman niya ngayon. Sayang ang pagkakataon. Sasamantalahin niyang nasa condominium sa Manila ang kanyang asawang si Deborah, na isang top fashion designer sa bansa, at abala sa pag-hahanda sa kanyang nalalapit na grand fashion show.
Samantala, sa opisina ni Guada, kumatok si Janice at sinabing dumating na ang kanyang pang 2:00 na kausap, na kanyang ipinatawag. Isa ito sa nagbibigay sa kanya ng sakit sa ulo. Si Propesor Alejando Maravilla, may PhD sa political science mula sa UC Berkeley, at Presidente ng Faculty Union. Dahil dito ay nakaupo ito bilang kasapi ng Board of Trustees, isang bagay na pinagsisisihan niya ngayon. Kung alam lang niya na magiging problema ang paglalagay ng kinatawan ng Faculty sa Board, e hindi na sana niya pinayagan ito noong ito ay iminungkahi noong isang taon.
Galit na galit siya kay Propesor Maravilla dahil ipinahiya siya nito sa buong Board kanina, nang nagbigay ito ng ulat tungkol sa mga hinaing ng mga guro at empleyado, na kanyang ikinagulat dahil para siyang trinaydor. Ang inaasahan niya sana ay kinausap muna siya nito, bago nito inilitanya ang mga problemang hinaharap ng mga faculty at empleyado.
Ang lalong ikinagalit nito ay nang banggitin ni Alejandro Maravilla na ang ugat nang problema ay ang paraan ng pagpapatakob sa Universidad, na para bang ito ay isang hacienda, isang pyudal na sistema na kung saan halos lahat ng matataas na opisyal ay galing sa pamilya Valderrama, mula sa kanya bilang Presidente, at kay Araceli na Vice President for Administration at kay Eric na Vice President for Academic Affairs. Napakalaki nang utang na loob ng bayan sa mga Valderrama sa pagpupunyaging maitayo ang isa sa pinakatitingalang pribadong Unibersidad sa bansa, ayon kay Alejandro, ngunit kailangan na ng radikal na pagbabago dahil hindi na bagay sa panahon ang mala-pyudal na sistema ng pagpapatakbo ng mga institusyon katulad ng University of South-Central Philippines.
Alam ni Guada na hindi niya basta-basta matatanggal sa pagtuturo si Alejandro nang walang dahilan. Nagpupuyos man ang galit niya dito ay hindi niya ito pwedeng pagalitan at pagsabihan dahil baka isuplong siya nito sa Department of Labor and Employment, at makasuhan pa siya. Hindi niya ito pwedeng gipitin dahil alam niyang ito ay porma ng union-busting. Malawak, malalim at malakas ang suporta nito mula sa union, at popular itong figure sa bansa dahil sa pagiging aktibo nito sa social media bilang isa sa mga malimit mainterview sa TV bilang isang political analyst at komentarista. May sarili itong programa sa local na estasyon ng radio sa probinsya, at may sarili itong NGO sa kanilang bayan. Batang-bata, guwapo at karismatiko.
Kailanga ni Guada na maging diplomatic sa pakikitungo kay Alejandro Maravilla. Hiniling na lang nito na mag-usap sila sa mga susunod na araw para maayos ang mga problema, at hiningian na lang niya ito ng komprehensibong ulat na naglalaman ng mga rekomendasyon kung ano ang dapat gawin para matugunan ang mga problema ng faculty at mga empleyado. Ang pinakiusap na lang niya kay Alejandro ay huwag na munang ipaabot sa Board of Trustees ang mga usaping ito at ayusin muna nila sa kanilang lebel.
Lumabas si Alejandro na nakangiti. Nagsisimula pa lang ang kanyang tunay na pakay kung bakit sa halip na sa UP siya magturo at minabuti niya dito. Malalim ang kanyang pinaghuhugutan, napakalalim kaya hindi din niya tinanggap ang offer para sa isang tenure track position sa University of Hawaii sa Amerika nang siya ay nagtapos ng kanyang PhD sa Berkeley.
Alam niyang may pinangako siya sa kanyang lola, kay Mercedes Maravilla. Naisip niya agad na tawagan ito para sabihing malapit na niyang mapabagsak si Donya Guada Valderrama, sampu ng pamilya nito.
Napangiti si Mercedes na tinanggap ang balita ng kanyang apo habang nakaupo sa silyang lumba-lumba sa kanyang bahay sa malapit sa Katipunan sa Quezon City. Tumayo siya nang dahan-dahan, at lumakad papalapit sa dingding na may mga nakasabit na litrato. At kanyang pinagmasdan ang larawan ng isang lalaking matikas.
Ito ay walang iba kundi ang larawan ni Severino Valderrama, ang asawa ni Donya Guada.
Yorumlar