![](https://static.wixstatic.com/media/e3ffc0_1bdf074fe1044077a93f7dddf0453b85~mv2.jpg/v1/fill/w_980,h_980,al_c,q_85,usm_0.66_1.00_0.01,enc_auto/e3ffc0_1bdf074fe1044077a93f7dddf0453b85~mv2.jpg)
Mga anibersaryong ang handaan ay sala sa araw
Mga paghihintay, mga nauunsyaming dalaw
Mga ulam na lumamig na sa mga hapag-kainan
Mga nawalang init sa naghihintay na mga sinapupunan.
Tunay nga bang api ang ikalawa
At laging magpaparaya sa nauna
May puwang ba sa puso para manahan ang ligaya
Sa mga nagmamahal ngunit hindi malaya?
Sa lipunang sanay sa iisa maraming mapanghusga
Mula sa pulpito hanggang sa mga Maritess sa kanto
Binansagang puta, ikinahon at winalan ng halaga
Sadyang malupit talaga ang mga tao.
Subali’t hindi lahat ng ikalawa ay marumi at mali
Merong ang angking talino ay katangi-tangi
Sa kasaysayang isinulat at pinagharian ng mga lalaki
Sila ang taga linis ng mga iniwanan nitong dumi.
Palaban ang mga babaeng hindi nakakulong sa hawla
Espiya, taga-payo, pain at taga-salo ng bala
Sa mga lalaking mahihina kaya kailangang magmahal pa ng dalawa
Sila minsan ang pinagmumulan ng lakas para ang pamumuno ay makaya.
Bakit nga ba kapag nagmahal ng pangalawa
Mas pinapatawad ang lalaking nagtaksil sa asawa
Na tila mga santong napariwara at naligaw lamang ng landas
At ang kinukundena ay ang babaeng tinawag na kabit na talipandas.
Hindi pangungunsinti, kung hindi pagkilala at paglagay sa tamang lugar
Kumplikado ang buhay, walang iisang pamantayan ng kung ano ang moral
Sa pulitikang laro ng kapangyarihan ng mga imperpektong kakalakihan
Minsan ang kailangan ay mga hindi nakakahong kababaihan.
Hindi na panahon ngayon na dalawa lamang ang kulay
Hindi na lamang itim at puti ang pagsasalarawan ng ating buhay
Sa pulitika ang babae ay hindi dapat Santa para magkaroon ng saysay
Ang dapat hinuhusgahan ay ang kung ano sa lipunan ang kanyang iaalay.
Kommentare