![](https://static.wixstatic.com/media/e3ffc0_8cd015c9402e47e29e34f2df9d8acedd~mv2.jpg/v1/fill/w_980,h_980,al_c,q_85,usm_0.66_1.00_0.01,enc_auto/e3ffc0_8cd015c9402e47e29e34f2df9d8acedd~mv2.jpg)
Tunay ngang hindi pagmamay-ari ng kababaihan
Ang mga matris na nasa kanilang mga sinapupunan
Ito ay saklaw ng mga batas ng lipunan
Wala silang laya para ito ay ganap na pagdesisyunan.
Kahit ang paraan para mapigilan ang pagbubuntis
At paano maseseguro ang kalusugan ng kanilang mga matris
Hindi ito ganap na nakasalalay sa kung ano ang kanilang ninanais
Pinapakialaman ng pari sa simbahan at ng mga nagbabayad ng buwis.
Kapag ang babae’y nagkamali sa pakakasalang bana
Sabi sa batas ay hindi kailanman liligaya
Hindi maikakasal sa bagong nagmamay-ari ng puso niya
Sa kasal na rehas panghabambuhay siyang may sentensya.
Hindi lamang dito nakakulong ang kababaihan
Maging sa kanilang pagbubuntis kailangan pa silang pakialaman
Hindi na nga nila ganap pagmamay-ari ang kanilang kaligayahan
Kailangan pang ariin ng lipunan ang kanilang mga katawan.
At pinakamalupit ay ang piliting dalhin ng babae
Ang bunga ng panggagahasa sa kanya ng isang lalaki
Pipiliting dalhin ng siyam na buwan ang isang bangungot at kahihiyan
Para masabi lamang na iniwasan natin ang isang kasalanan.
Sa matris ng babae ipinupunla ang kinabukasan ng lipunan
Kaya inaangkin ito na pag-aari ng buong bayan
Subali’t hindi makina ang katawan ng mga kababaihan
Hindi dapat natin inaari ang kanilang mga karapatan.
Comments