![](https://static.wixstatic.com/media/e3ffc0_0804d89b40484a0993078fc0a291c4cb~mv2.png/v1/fill/w_842,h_842,al_c,q_90,enc_auto/e3ffc0_0804d89b40484a0993078fc0a291c4cb~mv2.png)
Maulang undas Andito sa puntod ng mga yumao nagpapalipas ng pagtila. Nag-iisip. Nababahala. Sa bayang tila wala na yatang bukas At sa pusong naulila ng pag-asa Buti pa silang itinitirik ng kandila may layang nakatakas Sa mga ganid na nagpakasasa.
Maulang araw ng mga kaluluwa Nakikinig sa awiting hatid ng malayong ala-ala Nang panahong ako ay di pa ganitong may galit Nagtitimpi. Nagtatanong. Nagngingitngit. Dapat pa bang ipaglaban ang laya Kung sa gabing himlayang pahinga ang pangako ay isang unos pa ang tila nagbabadya.
Maulang paggunita sa mga patay Malungkot na nagninilay Sa bawat patak ng nauubos na kandila ang patak ng ulan ay nag-aabang Bakit ba ang tubig ng ulan pa ang tila naging pag-asa ng apoy na namamatay At tayong mga humihinga pa ang tila nawawalan na ng pag-asang mabuhay.
Ganyan nga siguro ang aral ng isang maulang undas Ang ipaalala na ang apoy at tubig, katulad ng buhay at kamatayan, ay hindi magkalaban At ang pag-asang ibinabaon ng mga ganid ay sa hukay ng patay pa matatagpuan At doon tayo ay pupukawin ng panaghoy na huwag naman sanang ang kanilang mga kamatayan ay tuluyang masayang.
Comments