top of page

MGA MANUNUGAT NG WIKA

Writer's picture: Antonio ContrerasAntonio Contreras

Updated: Jan 14, 2024



Parang apoy na inalisan ng hangin upang sindi ay mamatay yan ang wikang sinugatan ninyong mga may pinag-aralang mga tagapagbantay Sa duguang sahig nasadlak ang mithiing pag-isahin tayong lahat na siyang aming pakay at ang wikang tinadhana ng kasaysayan inyong pilit na ibinaon sa hukay.


Mga manunugat ng wika. Mga pagtataksil. Mga pagkakanulo. Pagmasdan ang hubad na estatwang nakadipa at tanaw kayo sa malayo.


Saan ba hahanapin ng nagtatanong ang sagot kung ang tagabantay ng diwa ay maramot Anong pait na malaman na dito sa bisperas ng kaarawan ng bayani kami ay inalisan ninyo ng saplot sa panahong may liwanag pa ang wikang dinambana sa dilim ninyo ibinalot.


Poot. Galit. Hinanakit. Silakbo ng mga diwang inulila ng mga pantas na mapagpanggap at hindi nakauunawa.


Ngayon, ang natitirang sandata upang ipagtanggol ang wika ay ang damdaming sawi pipiliting hanapan ng lunas, kahit mahirap, kahit walang salapi Sa bulwagan ng matataas na karunungan doon ang mga salarin nakaupo pa at nakangiti sa pagtatagumpay na sugatan ang wikang dinambana ng lahi


Luhaan. Pinanghihinaan. Subalit patuloy na lalaban.

Hindi sa bulwagan ng kapangyarihan ng ating pamahalaan Hindi sa mga korteng ang wikang gamit ay mula sa dayuhan Hindi sa kaisipan ng mga namumuno sa mga pamantasan


Sa halip ang paghihiganti ng wikang sinugatan ay mahahanap sa mga sulok ng kamalayan sa panahong ang mga pangalan nila ay mababaon sa mga pahina ng kasaysayan ng kahihiyan At pagdating ng araw na ang mga ito ay bubuksan ng mga supling ng lahing kanilang niyurakan ang maalala na lamang sa kanila ay ang kanilang kataksilan.

Mga manunugat ng wika. Mga taksil sa bayan. Ipagdiwang na ang tagumpay ninyo ngayon, dahil amin ang kinabukasan.

17 views0 comments

Recent Posts

See All

SHIMENET

HALIMAW

Commenti


Tonton Contreras Creations

©2022 by Tonton Contreras Creations. Proudly created with Wix.com

bottom of page