![](https://static.wixstatic.com/media/e3ffc0_d00acd223887459fa154118b07c01d2d~mv2.png/v1/fill/w_842,h_842,al_c,q_90,enc_auto/e3ffc0_d00acd223887459fa154118b07c01d2d~mv2.png)
Mga billboards na hinubaran ng tarpaulin Mga bakal na kalansay sa sementong baybayin Mga sangang pinuputol, mga yabag na matututulin Naghahanda, nababahala, nagdadasal ng taimtim.
Saan tatakbo, di malaman kung papaano Saan aakyat, walang tiyak ang buhay ng tao Saan sisilong, kung saan di pa tiyak ang tinutungo ng hanging nakamamatay, ng mabangis na delubyo.
Di pa ba sapat na ang lupaing ito ay playground na ng mga tiwali At bakit palagi pa ring dinadalaw ng bantang panganib, ito ay di ko mawari Ano ba ang kasalanan ng bayang ito na tila iniluwal kakambal ang pighati At kailangang laging sa bangungot nakaabang sa bawat sandali.
Bulkang sumasabog Lupang yumayanig Pesteng sumasalakay Pati na mga pulitikong kung hindi buwitre ay mga anay
Lagi na lang bang sa altar ng poon ang kaligtasan ay iaasa Sa bawat sigwa ba ang lakas ng loob ang tanging sandata Tunay nga bang tama si Anderson at mali si Korina Na sa gitna ng dalamhati ang tugon ay ngiti at tawa.
Ay buhay, walang magagawa kundi maghanda at maghintay sa parating na unos Sa bahang tatawirin, hanging susuungin at ulang kamatayan ang bantang ibubuhos Hindi sa pamahalaang mahina kundi sa pamayanang malakas lagi tayong may pang-ayos At dito ang bangungot na hinihintay lilipas din, pero lahi natin ay hindi mauubos.
Comments