Sabay sa gunita minsan di mo iniisip na may malay ka upang sa paglisan ng hindi kakilala mayroon pa ring lungkot na madarama at may pait pa rin ang diwang nakikiramay sa buhay na nawala.
Sa bawat sandaling may dumadating na balita ng pagpanaw mga pagkakataong ang lungkot sa akin ay dumadalaw kumakatok sa kaisipan kahit ang lumisan ay di ko man lang nakaulayaw.
Marahil nga ganito lang talaga ang isang taong katulad ko sa pagpanaw ng kapwa, may kurot pa rin lagi sa aking puso kahit di man sila naging malapit na bahagi ng aking mundo.
Ito rin siguro ay isang pagsasakdal kung anong lipunan na ngayon meron tayo sa panahong kasing-dali na ng buhay ang bilis ng mga gadgets at telepono na ang nakikita mo lagi kailangan pang pumanaw upang makaulayaw mo.
(Alay ko sa pagpanaw ni Prop. Francisco “Kokoy” Guevara, guro ng Literature Department sa DLSU Manila, na lagi ko lang natatanaw, nakakasabay sa elevator, at ni minsan di ko man lang nakausap o nakilala nang personal. Pagkakataon ito na magnilay kung tunay nga ba talagang isang komunidad ang meron tayo.)
Commenti