Isang buwan sa bawat isang taon
Ganito tayo sa nagdaang mga panahon
Kung saan atin nang nakagawian
Ang pagdambana pag Marso sa mga kababaihan.
Bakit ang pagiging babae
Ay isang buwan lang ipinagbubunyi
Labing-isang buwan ba ang nakareserba sa mga lalaki
Hindi ba dapat araw-araw babae ay itinatangi.
Lahat na araw na ang Maykapal ang may gawa
Sa totoo lang ang babae sa buhay natin hindi nawawala
Ang mga pagod na lalaki, pinapahinga
Ng mga babaeng kumakayod kahit sila din ay nagoopisina
Malinis na uniporme hinahanda, binubusog gutom na manggagawa.
Katawang pinagod ng trabaho nakakatulog at nakakahiga
Sa umaga ang mga lalake handa na namang sumuong sa pabrika
At sa hapon pagod, gutom, at marumi uli sila pag-uwi sa mga asawa.
Marumi ang damit, lalabhan at ikukula
Ipinagluluto ang kumakalam na sikmura
Mga gawaing walang bayad at libre
Ang lahat ng mga ito’y karaniwang trabaho ng mga babae.
Pero, teka, kapag kumain ang bana sa karinderya
O magpapalaba ng maruming damit sa labandera
At magpapamasahe sa masahista, at may serbisyo pang ekstra
Lahat may bayad, kahit libre kung ang gagawa ay ang asawa.
Ang babae ay matagal nang binabastos at binabalahura
Kapag ang kanilang paggawa ay winawalan ng halaga sa ekonomiya
Kung tutuusin sa mga sinapupunan nila nagmumula at umaasa
At sa pagkalinga nila lumulusog ang mga manggagawa.
Ang masaklap pa ay kapag ating nasasaksihan
Ang mga pulis na ginawa na lang costume ang kababaihan
Na ang akala ay kapag magdamit babae at mag-high heels ay sapat na
Para madama nila ang mga pasaning babae ang nagdadala.
At ang mas nakakapanlumo at nakalulungkot pa dito
Ay ang mga diskurso sa Kongreso man o sa pulpito
Ang mga karapatan ng kababaihan sa kanilang mga katawan at kalusugan
Ay inangkin na ng mga hindi nagreregla at nabubuntis na mga kalalakihan.
Kulang ang kalendaryo, hindi sapat ang isang buwan
Para ipagdiwang ang ating mga kababaihan
Ang pagbabago ay hindi lamang isang pang-Marsong okasyon
Ang pagpapalaya sa mga kababaihan ay panghabang-buhay na obligasyon.
Comments