Halikayo at lumipad dito sa inyong pinangarap
Dalawin n’yo kaming naninilbihan sa inyo nang tapat
Taga-silbi sa inyong mga hinahanap
Habang ang mga pangarap namin ay amin lang sinasalat.
Tagaluto ng pagkaing masasarap sa mga mamahaling kainan
Tagatupi ng kumot at tagaayos ng unan sa mga kamang hinigan
Taga-masahe sa mga pagod na buto, laman at kasukasuan
At minsa’y nagbebenta ng aliw sa mga uhaw sa kaligayahan.
Pagkagat ng dilim kami ay nasa liwanag ng paninilbihan
At pagka-hatinggabi mga pagal na katawan nagsisiuwian
Sa mga tirahang nakatago sa madidilim na mga sulok at looban
Habang kayo ay nagpapahinga sa mga mamahaling silid-tulugan.
Ang aming tungkulin ay ang inyong mga tuwa at halakhak
Habang ninamnamnam ninyo ang mga tanawing kapalit ng inyong ginto at pilak
Habang kami ay gumagaod, bumabanat ng buto, at ang pawis ay tumatagaktak
Nakangiti kahit pagod, buhay man ay salat subalit dapat magpakita ng galak.
Paraiso ang tingin ninyo sa mga puting buhangin
Mga lugar na luntian ang mga tanawin
Habang sa amin ang mga ito ay pasaning tungkulin
Upang makapagsilbi sa bawat inyong naisin.
Uuwi kayong maligaya, baon ang maraming ala-ala,
Dala ang mga larawang kami ang kumuha
Maiiwan kaming patuloy na titingala, uusal ng dasal at aasa
Na sana’y dumating ang araw na sa paraiso ninyo kami ay makalaya.
Comentarios