top of page

PENITENSYA SA LANSANGAN

Writer's picture: Antonio ContrerasAntonio Contreras



Mga koronang yari sa alambreng tinik ang gamit

Sa duguang katawan mga hampas humahagupit

Paglalakad na naka-paa sa maiinit na lansangan

Habang ang krus na mabigat sa balikat pasan-pasan.

 

Mga babaeng nakatakip ng itim ang mukha

Lungkot at lagim ang kanilang dala-dala

Panakot sa mga batang makakasalubong nila

Laman ito ng kilabot sa aking ala-ala.

 

Tahimik ang lahat, bawal makinig ng musika

Hindi pwedeng tumawa, papaluin ka ni lola

Dasal at pagtitika, hindi ang pagsasaya

Uuwi hindi para magbakasyon kundi para manampalataya.

 

Penitensya ang hagupit sa duguang laman

Penitensya ang krus na pinapasan

Penitensya ang maglakad ng nakapaa sa initan

Penitensya ang puwersadong katahimikan.

 

Subalit ang panahon ngayon ay iba na

Mga hindi gumagalaw na sasakyan na ang penitensya

Mga naagnas na pampaganda, mga nauubos na gasolina

Ang penitensya ngayon ay ang magkaroon ng mahabang pasensya.

 

Handang suungin mga sasakyang nagsiksikan sa tila parking lot na mga lansangan

Mga bus, eroplano at barko na punuan, mga paghihintay ng mga walang masakyan

Tinitiis ang tagaktak ng pawis, ang paghihintay sa mga pilang tila walang katapusan

Nagpepenitensya hindi para manampalataya kundi para sa bakasyon at kasiyahan.

27 views0 comments

Recent Posts

See All

SHIMENET

HALIMAW

Comentários


Tonton Contreras Creations

©2022 by Tonton Contreras Creations. Proudly created with Wix.com

bottom of page