![](https://static.wixstatic.com/media/e3ffc0_681e89a98dc647bfbb8120c85dfc6a85~mv2.png/v1/fill/w_842,h_842,al_c,q_90,enc_auto/e3ffc0_681e89a98dc647bfbb8120c85dfc6a85~mv2.png)
Sa inidoro ka inagawan ng iyong buhay Sagad sa kalupitan na sa tae ka pa ipinantay Ng mga nanghuhusga kahit walang malay Sa buhay mong mapait kahit pilit mong nilagyan ng kulay.
Rosas ka ba na may halimuyak kahit na nagkukunwari O lipang makati sa mga lalakeng sa iyo ay dumampi Tunay ka nga ba at lantay na tao sa mata ng marami O isang balatkayong nahubaran ng dalisay na pagkamuhi
Nakalulungkot kang pagmasdan sa iyong kamatayan Dahil kabuktutan man ay nagagawan ng katwiran Ginawang basurahan ng lipunan ang iyong katawan At ikaw ay pinaratangang siyang tunay na may kasalanan
Sa piling ng dayuhan saglit ikaw ay naghangad Nang kahit sandaling ligaya na hindi naman natupad Sa halip ikaw ngayon ay sa isang sumpa inihalintulad Ng mga kababayan mong ang kanyang dolyar ang hinangad
Puta ka kasi! Makating di naman tunay na babae Malanding bakla, isang kasumpa sumpa At sa mga katulad mong ilusyonada, beh buti nga!
Ano pang pag-aglahi ang maaari pang ibato sa iyo Ang libingan mo ay patuloy na magiging kulungan mo Sa buhay mo di ka nagkaroon ng puwang na maging totoo Ngayong patay ka na, di ka pa rin makatatakas sa panghuhusga ng tao
Puta ka kasi, bakla pa Malandi, feeling, ilusyonada Dahil sa kakatihan mo, ayan tuloy nasisita na Ang Visiting Forces Agreement sa iyo nadamay na!
Buti pa ang tae, kapag flinush nawawala na sa inidoro Subalit ikaw, patay na nga at lahat di pa rin sinasanto Sa malulupit at walang puso, yan kasi ang napapala mo Bakla ka kasi, makating malandi, buti nga sa iyo!
Darating ang araw siguro na ala-ala mo ay lalaya na Subalit sa ngayon kasama mo pa ring ikukulong sa isang hawla Ang mga katulad mong sa mga nagmamalinis ay mananatiling bakla Malalandi, makakati, makakasalanan, mga ilusyonadang puta.
Sa ngayon ang iyong mga tagahusga sige pa rin sa pagsisimba At sa mga dayuhang interes naman tuloy-tuloy ang pagsamba Sa pagkubli mo ng iyong pagkatao, sa kamatayan mo sinisisisi ka Subalit mabait sa mga pulitikong tiwali na nga ay iboboto pa.
... sir ung namayapang dating pangulo Ang tinutukoy Dito? Hehe tahimik Po akong fallower nyo sa FB at you tube... Gusto ko kc pinapanuod ka walang bias nsa gitna lang, bilang OFW Ikaw n Po Ang libangan Kong panuorin