(Tugon sa tula ni Yellow Belle Duaqui na may pamagat na “There is no poetry in Mamasapano”)
Mahabang panahong napipi ang aking diwa
Di nakapagsalita sa gitna ng dugong dumanak sa maisan doon sa Mamasapano
Walang tula ang dumaloy sa aking kaluluwa
Di makapinta ng mga salita para sa mga naulila ng mga ipinagkanulo ng kanilang pinuno.
Sa mga pagsisinungaling ng mga nakatira doon sa palasyo
Sa mga panlalait ng mga sumusulong ng kapayapaang tanso
Sa mga paratang na utak pulbura ang meron ako di-umano
Napipi ang aking musa, tumahimik, walang tulang naisulat mula noong nag-Mamasapano.
Paano ko ba bubuuin ang isang tula kung ang dumadaloy ay lagim
Saan ako kukuha ng liwanag upang ako ay makaaninag sa gabing madilim
Sino ang kakausapin ko sa gitna ng mga nawasak na mga pangarap
Ano ang dapat isulat kung ang kalaban mo ay payasong nagpapanggap.
Sa mga dugong naibuhos sa lupaing kay Allah sana dapat ialay
Sa mga bathala at ninuno ng mga tanod lupa doon din sila namatay
Sa panginoon ng mga binyagan, sa banyaga datapwat sumamba
Ngayon ang mga pag-asang iginuguhit na sana tila biglang nabubura.
Kapayapaan daw ang isinusulong doon sa lupain ng Mamasapano
Subalit sa isang iglap, sa buga ng mga kanyon at bala ito ay naglaho
Muling umalingasaw ang masangsang na amoy ng mga bangkay
Sa maraming digmaang lumipas, ngayon ang kamatayan ay naghihintay.
Dapat pa bang sumulat ng mga tula
May kulay pa bang magagamit sa pagpinta ng mga salita
Dadaloy pa ba ang ganda ng mga taludtod at mga talata
Kung sa maisan ng Mamasapano ay di matutuyo ang mga bakas ng dugo at luha.
Comments